Mga Banal na Kasulatan
Alma 16


Kabanata 16

Nilipol ng mga Lamanita ang mga mamamayan ng Ammonihas—Pinamunuan ni Zoram ang mga Nephita sa pagtatagumpay sa mga Lamanita—Sina Alma at Amulek at marami pang iba ay nangaral ng salita—Itinuro nila na matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, si Cristo ay magpapakita sa mga Nephita. Mga 81–77 B.C.

1 At ito ay nangyari na sa ikalabing-isang taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi, sa ikalimang araw ng ikalawang buwan, nagkaroon ng labis na kapayapaan sa lupain ng Zarahemla, hindi nagkaroon ng mga digmaan ni alitan sa loob ng ilang taon, maging hanggang sa ikalimang araw ng ikalawang buwan sa ikalabing-isang taon, na nakarinig ng sigawan ng digmaan sa lahat ng dako ng lupain.

2 Sapagkat dinggin, ang mga hukbo ng mga Lamanita ay nakapasok sa may hangganan ng ilang, patungo sa mga hangganan ng lupain, maging sa lungsod ng Ammonihas, at nagsimulang patayin ang mga tao at wasakin ang lungsod.

3 At ngayon, ito ay nangyari na bago pa man makapagtipon ang mga Nephita ng sapat na hukbo upang maitaboy silang palabas ng lupain, kanila nang nalipol ang mga tao na nasa lungsod ng Ammonihas, at gayundin ang ilan na nasa palibot ng mga hangganan ng Noe, at dinalang bihag ang iba sa ilang.

4 Ngayon, ito ay nangyari na nagnais ang mga Nephita na makuha ang mga yaong nadalang bihag sa ilang.

5 Samakatwid, siya na hinirang na punong kapitan sa mga hukbo ng mga Nephita, (at ang pangalan niya ay Zoram, at siya ay may dalawang anak na lalaki, sina Lehi at Aha)—ngayon, si Zoram at ang kanyang dalawang anak, nalalaman na si Alma ang mataas na saserdote ng simbahan, at narinig na taglay niya ang diwa ng propesiya, kaya nga, sila ay nagsadya sa kanya at nagnais na malaman mula sa kanya kung saan sa ilang ibig ng Panginoon na magtungo sila sa paghahanap sa kanilang mga kapatid, na mga dinalang bihag ng mga Lamanita.

6 At ito ay nangyari na nagtanong si Alma sa Panginoon hinggil sa bagay na yaon. At si Alma ay nagbalik at sinabi sa kanila: Dinggin, tatawirin ng mga Lamanita ang ilog Sidon sa timog ilang, sa kabilang ibayo ng mga hangganan ng lupain ng Manti. At dinggin, doon ninyo sila salubungin, sa silangan ng ilog Sidon, at doon ibibigay ng Panginoon sa inyo ang inyong mga kapatid na dinalang bihag ng mga Lamanita.

7 At ito ay nangyari na tinawid ni Zoram at ng kanyang mga anak ang ilog Sidon, kasama ang kanilang mga hukbo, at humayo palayo sa kabilang ibayo ng mga hangganan ng Manti patungo sa timog ilang, na nasa silangang dako ng ilog Sidon.

8 At kanilang sinalakay ang mga hukbo ng mga Lamanita, at ang mga Lamanita ay naikalat at naitaboy patungo sa ilang; at kinuha nila ang kanilang mga kapatid na nadalang bihag ng mga Lamanita, at wala ni isa mang tao nila na nadalang bihag ang nawala. At sila ay dinala ng kanilang mga kapatid upang angkinin ang kanilang sariling mga lupain.

9 At sa gayon nagtapos ang ikalabing-isang taon ng mga hukom, ang mga Lamanita ay naitaboy palabas ng lupain, at ang mga mamamayan ng Ammonihas ay nalipol; oo, ang lahat ng nabubuhay na tao ng mga Ammonihasita ay nalipol, at gayundin ang kanilang malaking lungsod, na kanilang sinabi na hindi magagawang wasakin ng Diyos, dahil sa lakas nito.

10 Subalit dinggin, sa isang araw ay naiwan itong mapanglaw; at ang mga bangkay ay niluray ng mga aso at mababangis na hayop ng ilang.

11 Gayunpaman, makalipas ang maraming araw, ang kanilang mga patay na katawan ay nabunton sa ibabaw ng lupa, at natabunan sila ng mababaw na pantabon. At ngayon, umaalingasaw ang amoy niyon kung kaya’t hindi na nagtungo pa ang mga tao sa lupain ng Ammonihas upang angkinin ito sa loob ng maraming taon. At tinawag itong Kapanglawan ng mga Nehor; sapagkat sila ay kabilang sa pananampalataya ni Nehor, na mga nangamatay; at ang kanilang mga lupain ay nanatiling mapanglaw.

12 At ang mga Lamanita ay hindi na muling sumalakay pa upang makidigma laban sa mga Nephita hanggang sa ikalabing-apat na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi. At sa gayon sa loob ng tatlong taon, ang mga tao ni Nephi ay nagkaroon ng patuloy na kapayapaan sa buong lupain.

13 At sina Alma at Amulek ay humayong nangangaral ng pagsisisi sa mga tao sa kanilang mga templo, at sa kanilang mga santuwaryo, at gayundin sa kanilang mga sinagoga, na itinayo alinsunod sa pamamaraan ng mga Judio.

14 At kasindami ng makikinig sa kanilang mga salita, sa kanila ay patuloy na ibinahagi nila ang salita ng Diyos, na walang sinumang taong itinatangi.

15 At sa gayon humayo sina Alma at Amulek, at gayundin ang marami pa sa mga napili para sa gawain, upang ipangaral ang salita sa lahat ng dako ng buong lupain. At ang pagtatatag ng simbahan ay naging malawakan sa lahat ng dako ng lupain, sa lahat ng lugar sa palibot, sa lahat ng tao ng mga Nephita.

16 At walang hindi pagkakapantay-pantay sa kanila; ibinuhos ng Panginoon ang kanyang Espiritu sa lahat ng dako ng lupain upang ihanda ang mga isipan ng mga anak ng tao, o upang ihanda ang kanilang mga puso na tanggapin ang salitang ituturo sa kanila sa panahon ng kanyang pagparito—

17 Upang hindi sila maging mapagmatigas laban sa salita, nang hindi sila maging mapag-alinlangan, at matungo sa pagkalipol, kundi ang tanggapin nila ang salita nang may kagalakan, at tulad ng isang sanga ay maihugpong sa tunay na puno ng ubas, upang sila ay makapasok sa kapahingahan ng Panginoon nilang Diyos.

18 Ngayon, ang mga yaong saserdoteng nagsipaghayo sa mga tao ay nangaral laban sa lahat ng pagsisinungaling, at panlilinlang, at inggitan, at sigalutan, at masasamang hangarin, at panlalait, at pagnanakaw, panloloob, pandarambong, pagpaslang, pakikiapid, at lahat ng uri ng kahalayan, nangangaral na ang mga bagay na ito ay hindi dapat mangyari—

19 Ipinangangaral ang mga bagay na nalalapit nang dumating; oo, ipinangangaral ang pagparito ng Anak ng Diyos, ang kanyang mga paghihirap at kamatayan, at gayundin ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay.

20 At marami sa mga tao ang nagtanong hinggil sa kung saang lugar paroroon ang Anak ng Diyos; at itinuro sa kanila na magpapakita siya sa kanila matapos ang kanyang pagkabuhay na mag-uli; at ang mga ito ay pinakinggan ng mga tao nang may buong kagalakan at kasayihan.

21 At ngayon, matapos na maitatag ang simbahan sa lahat ng dako ng buong lupain—natamo ang tagumpay laban sa diyablo, at ang salita ng Diyos ay naipangaral sa kadalisayan nito sa buong lupain, at ibinubuhos ng Panginoon ang kanyang mga pagpapala sa mga tao—sa gayon nagtapos ang ikalabing-apat na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.