“Hulyo 3–9. Mga Gawa 1–5: ‘Kayo’y Magiging mga Saksi Ko,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Hulyo 3–9. Mga Gawa 1–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Hulyo 3–9
Mga Gawa 1–5
“Kayo’y Magiging mga Saksi Ko”
Kung babasahin mo ang Mga Gawa 1–5 at hihingin ang patnubay ng Espiritu, tatanggap ka ng inspirasyon kung anong mga katotohanan sa mga kabanata ang makakatulong sa mga miyembro ng klase mo upang mas lubos na umasa sa Espiritu Santo at maging matatapat na saksi ng Panginoong Jesucristo.
Mag-anyayang Magbahagi
Maraming makahulugang sipi at alituntunin sa Mga Gawa 1–5. Ang isang magandang paraan para matuklasan kung alin ang pinakamahalaga at may kaugnayan sa mga miyembro ng klase mo ay ang hayaan silang sabihin sa iyo kung ano ang napagtuunan nila ng pansin sa kanilang pag-aaral. Paano mo mahihikayat ang ganitong klase ng pagbabahagi? Maaaring kasingsimple ito ng pagbibigay sa kanila ng ilang minuto para maghanap at magbahagi ng isang talata mula sa Mga Gawa 1–5 kung saan nadama nila ang tinig ng Panginoon na nangungusap sa kanila.
Ituro ang Doktrina
Mga Gawa 1:1–8; 2:37–39; 4:1-13, 31–33
Pinamamahalaan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
-
Ang pagbabasa tungkol sa mga karanasan ng mga Apostol ay makakatulong sa mga miyembro ng klase mo na makita kung paano sila makatatanggap ng kapangyarihan at patnubay mula sa Espiritu Santo sa kanilang mga calling at tungkulin sa Simbahan. Ang isang paraan para marebyu ang mga karanasan sa Mga Gawa 1–5 ay ang isulat sa pisara ang Tinulungan ng Espiritu Santo ang mga Apostol na pamunuan ang Simbahan sa pamamagitan ng: at pagkatapos ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang Mga Gawa 1:1–8; 2:37–39; at 4:1–13, 31–33, na humahanap ng mga paraan para makumpleto ang pangungusap. Pagkatapos ay maaaring magbahagi ng mga karanasan ang mga miyembro ng klase kung kailan tinulungan sila ng Espiritu Santo sa mga paraang ito. Bakit kinailangan ng mga Apostol ang Espiritu Santo—at bakit natin Siya kailangan?
Ang mga Apostol ni Jesucristo ay tinatawag ng Diyos sa pamamagitan ng paghahayag.
-
Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na ipaliwanag kung paano maaaring pumipili ang isang kumpanya ng ipapalit para sa isang posisyon sa pamamahala. Anong mga kwalipikasyon kaya ang hahanapin nila? Hilingin sa mga miyembro ng klase na ikumpara ito sa paraan ng pagkatawag kay Apostol Matias (tingnan sa Mga Gawa 1:15–26; tingnan din sa 1 Samuel 16:1–13) at sa mga salita ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa “Karagdagang Resources” na naglalarawan kung paano tinatawag ngayon ang mga Apostol. Paano naaapektuhan ng pamamaraan ng pagpili ng Diyos ng mga pinuno ang ating pananampalataya sa mga pinunong tinawag Niya? Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano sila nagkaroon ng patotoo na Siya ang tumatawag sa mga apostol at propeta ngayon.
Hinihikayat tayo ng Espiritu Santo na kumilos ayon sa ating natututuhan.
-
Habang pinag-aaralan ng mga miyembro ng klase ang mga talata ng banal na kasulatan sa tahanan at nang sama-sama sa klase bawat linggo, maaaring madalas nilang madama na “nasaktan ang kanilang puso” (Mga Gawa 2:37). Maaari kang mahikayat na tulungan silang sumulong pa sa pamamagitan ng pagtatanong ng, “Anong dapat [nating] gawin?” (Mga Gawa 2:37). Basahin ang Mga Gawa 2:37–47 nang sama-sama, na inaanyayahan ang mga miyembro ng klase na hanapin ang mga bagay na ginawa ng grupong ito ng 3,000 tao dahil sa paanyaya ni Pedro. Siguro’y maaari din nilang ibahagi kung paano sila kumilos ayon sa inspirasyon mula sa kanilang pag-aaral ng salita ng Diyos. Pagkatapos ay maaari kang maglaan ng panahon sa pagtatapos ng klase para maitanong ng bawat tao sa kanilang sarili ang “Ano ang gagawin ko?” at maitala ang kanilang mga impresyon.
Kapag puspos tayo ng Espiritu Santo, maibabahagi natin ang ebanghelyo nang may katapangan.
-
Maaaring rebyuhin ng mga miyembro ng klase ang Mga Gawa 3; 4:1–21; 5:12–42, na naghahanap ng mga halimbawa ng matapang na pagpapatotoo ni Pedro. Ano ang ibig sabihin ng ipahayag “na may katapangan ang salita ng Diyos”? (Mga Gawa 4:31). Paano tayo tinutulungan ng Espiritu Santo na ibahagi ang ebanghelyo nang may katapangan? Paano naiiba sa pagiging palaaway ang ganitong uri ng katapangan? Maaaring may mga karanasang maibabahagi ang mga miyembro ng klase kung kailan ipinagtanggol o pinatotohanan nila, o ng isang taong kilala nila, ang ebanghelyo nang may katapangan.
Karagdagang Resources
Ang pagtawag sa isang miyembro ng Labindalawa.
Ibinahagi ni Gordon B. Hinckley ang sumusunod na mga kabatiran tungkol sa proseso ng pagtawag sa isang bagong Apostol: “Ang pamamaraan ay natatangi sa Simbahan ng Panginoon. Walang naghahangad para sa katungkulan, walang nagmamaniobra para sa posisyon, walang nangangampanya para mapansin ang mga katangian ng isang tao. Ikumpara ang paraan ng Panginoon sa paraan ng mundo. Ang paraan ng Panginoon ay tahimik, payapa, walang seremonya o gastos. Walang pagkamakasarili o kayabangan o ambisyon. Sa plano ng Panginoon, yaong mga responsableng pumili ng mga opisyal ay bumabatay sa isang napakahalagang tanong: ‘Sino ang gustong tawagin ng Panginoon?’ Tahimik at masusi itong pinag-iisipan. At maraming panalangin ang kailangan upang matanggap ang pagpapatibay ng Banal na Espiritu na tama ang napili” (“God Is at the Helm,” Ensign, Mayo 1994, 53).