Bagong Tipan 2023
Hulyo 24–30. Mga Gawa 16–21: “Kami’y Tinawag ng Diyos upang Ipangaral ang [Ebanghelyo]”


“Hulyo 24–30. Mga Gawa 16–21: ‘Kami’y Tinawag ng Diyos upang Ipangaral ang [Ebanghelyo],’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Hulyo 24–30. Mga Gawa 16–21,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023

si Pablo habang nagtuturo sa burol

Hulyo 24–30

Mga Gawa 16–21

“Kami’y Tinawag ng Diyos upang Ipangaral ang [Ebanghelyo]”

Bago tingnan ang outline na ito, mapanalanging basahin ang Mga Gawa 16–21 na nasasaisip ang mga miyembro ng iyong klase. Ang sumusunod na mga ideya ay maaaring makaragdag sa inspirasyong natanggap mo mula sa Espiritu.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang sipi mula sa Mga Gawa 16–21 na nagpaalala sa kanila ng isang karanasan nila sa pagbabahagi ng ebanghelyo.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Mga Gawa 16–21

Bilang mga miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas, pinatototohanan natin Siya at ibinabahagi ang Kanyang ebanghelyo.

  • Ang isang mahalagang mensahe sa Mga Gawa 16–21 ay ang kahalagahan ng Espiritu Santo sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Para sa isang halimbawa, maaaring basahin ng mga miyembro ng klase kung paano tinulungan ng Espiritu Santo sina Pablo at Silas sa Mga Gawa 16:6–15. Bakit ba natin kailangan ang Espiritu Santo kapag ibinabahagi natin ang ebanghelyo? (tingnan sa 2 Nephi 33:1; Doktrina at mga Tipan 33:8–10; 42:14; 100:5–8). Marahil ay maaaring magbahagi ng mga karanasan ang mga miyembro ng klase noong ginabayan ng Espiritu Santo ang kanilang mga pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo.

  • Paano makakatulong ang mga karanasan ni Pablo para magkaroon ng lakas-ng-loob ang mga miyembro ng klase kapag nahiwatigan nilang ibahagi ng kanilang patotoo? Isiping hilingin sa bawat miyembro ng klase na rebyuhin ang isa sa mga sumusunod na salaysay: Mga Gawa 16:16–34; 17:16–34; 18:1–11. Hilingin sa kanila na magbahagi ng katibayan ng lakas-ng-loob at katapangan ni Pablo na nakita nila. Anong mga katotohanan ang itinuro (at naunawaan) ni Pablo na nagbigay sa kanya ng tiwala sa kanyang mensahe? Bakit atubili tayo kung minsan na ibahagi ang ebanghelyo, at paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas? Hikayatin ang mga miyembro ng klase na mag-isip ng isang paraan na matutularan nila ang halimbawa ni Pablo at maibabahagi nang mas madalas ang kanilang patotoo tungkol kay Cristo.

5:45

Mga Gawa 17:16–34

Tayo ay mga supling ng Diyos.

  • Sa Areopago [Mars’ Hill], nagturo si Pablo tungkol sa Ama sa Langit sa isang grupo ng mga tao na kakaunti ang alam tungkol sa tunay na likas na katangian ng Diyos. Para masiyasat ang mga turong ito, maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Mga Gawa 17:24–31 at isulat sa pisara ang mga katotohanang nakita nila tungkol sa Ama sa Langit, sa ating kaugnayan sa Kanya, at sa ating kaugnayan sa isa’t isa. Pagkatapos ay maaari silang magbahagi ng mga karanasan kung saan nadama nila ang katotohanan ng pahayag ni Pablo na ang Diyos ay “hindi … malayo sa bawat isa sa atin” (talata 27).

  • Habang sama-sama ninyong sinusuri ang mga talatang ito, isiping talakayin ang katotohanang itinuro sa talata 29: “Tayo’y supling ng Diyos.” Maaari mong isulat sa pisara ang Dahil tayo ay mga anak ng Diyos, … at Kung hindi natin alam na tayo ay mga anak ng Diyos, … Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magmungkahi ng mga paraan para makumpleto ang mga pangungusap na ito. Halimbawa, ano ang itinuturo sa atin ng katotohanan na tayo ay mga anak ng Diyos tungkol sa ating sarili at tungkol sa paraan na dapat nating tratuhin ang isa’t isa? Paano mag-iiba ang ating buhay kung hindi natin nalaman ang ating tunay na kaugnayan sa Diyos? Ano ang idinaragdag ng pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks sa “Karagdagang Resources” sa talakayang ito?

    sanggol na karga-karga

    Bawat isa sa atin ay anak ng Diyos.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Tayong lahat ay mga anak ng Diyos.

Ibinabahagi sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ang mga walang-hanggang katotohanan tungkol sa ating kaugnayan sa Diyos: “Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos” (ChurchofJesusChrist.org).

Binanggit ni Pangulong Dallin H. Oaks ang kahalagahan ng pagtingin sa ating sarili una sa lahat bilang mga espirituwal na anak ng Diyos:

“Mag-ingat kung paano ninyo ilalarawan ang inyong sarili. Huwag ninyong ilarawan o tukuyin ang inyong sarili sa pamamagitan ng anumang pansamantalang katangian. Ang nag-iisang katangian lamang na dapat maglarawan sa atin ay na tayo ay anak na lalaki o anak na babae ng Diyos. Ang katotohanang iyan ay nangingibabaw sa lahat ng iba pang katangian, kabilang na ang lahi, trabaho, mga pisikal na katangian, mga karangalan, o maging ang kinaaanibang relihiyon. …

“Tayo ay may kalayaan, at maaari nating piliin ang anumang katangian na naglalarawan sa atin. Ngunit kailangan nating malaman na kapag ninais nating ilarawan ang ating sarili o ipakilala ang ating sarili batay sa ilang katangiang pansamantala lamang o hindi gaanong mahalaga sa pananaw ng kawalang-hanggan, hindi natin nabibigyang-diin ang pinakamahalaga tungkol sa atin, at mas pinapansin natin ang walang gaanong kabuluhan. Maaari tayo nitong akayin sa maling landas at hadlangan sa ating walang-hanggang pag-unlad” (“Be Wise” [Brigham Young University–Idaho devotional, Nob. 7, 2006], byui.edu).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Anyayahan ang mga kabataan na makibahagi sa lesson mo. Kung mga kabataan ang tinuturuan mo, alalahanin na kadalasa’y nauunawaan nila ang mga pinagdaraanan ng mga kaedad nila. Kapag nagpapatotoo o nagtuturo ng doktrina ang isang kabataan, maaaring maantig ang iba pang mga kabataan sa paraang hindi mo makakayang gayahin. Bigyan ang mga kabataan ng mga pagkakataong turuan ang isa’t isa. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas28.)