“Hulyo 31–Agosto 6. Mga Gawa 22–28: ‘Lingkod at Saksi,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Hulyo 31–Agosto 6. Mga Gawa 22–28,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Hulyo 31–Agosto 6
Mga Gawa 22–28
“Lingkod at Saksi”
Basahin ang Mga Gawa 22–28 nang may panalangin sa puso mo na bigyang-inspirasyon ka ng Espiritu Santo na malaman kung ano ang dapat mong pagtuunan ng pansin na makakatulong sa mga miyembro ng klase mo. Itala ang anumang ideyang naiisip mo; maaaring ito ang maging simula ng iyong teaching plan.
Mag-anyayang Magbahagi
Hilingin sa mga miyembro ng klase na isulat ang isang reperensya sa banal na kasulatan mula sa Mga Gawa 22–28 na nakintal sa isipan nila ngayong linggo. Tipunin ang kanilang mga sagot at sama-samang basahin ang ilan sa mga talata. Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na ibahagi kung bakit makabuluhan sa kanila ang mga talatang ito.
Ituro ang Doktrina
Ang patotoo ay isang pagpapahayag ng katotohanan batay sa personal na kaalaman o paniniwala.
-
Ang patotoo ni Pablo kina Festo at Haring Agripa ay maaaring pagkakataon para talakayin ang kahulugan ng magpatotoo. Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na rebyuhin ang Mga Gawa 22:1–21 o ang 26:1–29. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Pablo tungkol sa pagpapatotoo? Anong karagdagang mga alituntunin tungkol sa pagpapatotoo ang matututuhan natin mula sa pahayag ni Pangulong M. Russell Ballard sa “Karagdagang Resources”? Ang pagkanta o pagpapatugtog ng himnong “Patotoo” (Mga Himno, blg. 79) ay maaaring mag-anyaya sa Espiritu sa inyong talakayan.
-
Kahit hindi hinahanap ni Pablo ang espirituwal na [pag]saksing natanggap niya sa daan patungong Damasco, ginugol niya ang nalalabi niyang buhay sa pagsisikap na mapanatili at maipagtanggol ang kanyang patotoo (tingnan sa Mga Gawa 22:10, 14–16; 26:19). Maaaring makatulong ang halimbawa ni Pablo para maipaunawa sa klase mo na ang patotoo ay nangangailangan ng pagsisikap at sakripisyo. Para mapasimulan ang isang talakayan tungkol dito, marahil ay maaaring ilarawan ng isang miyembro ng klase ang kanyang pagsisikap na maging magaling na musikero, artist, o atleta. Paano naging katulad ng pagtatamo at pagpapalakas ng patotoo ang pagpapaunlad ng gayong kasanayan? Anong mga pagsisikap ang kailangan nating gawin upang magkaroon at mapalakas ang patotoo? (tingnan din sa Alma 5:46).
Responsibilidad nating mag-minister sa iba.
-
Tinawag ng Panginoon si Pablo na maging isang “lingkod” (Mga Gawa 26:16), pero ano ang ibig sabihin ng salitang ito? Para matulungan ang mga miyembro ng klase na tuklasin kung paano sila makapaglilingkod o makapagmi-minister sa iba, mayroon man o walang pormal na atas, maaari mong isulat sa pisara ang tanong na tulad ng Ano ang ibig sabihin ng maglingkod o mag-minister? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na hanapin ang mga sagot sa sumusunod na resources: Mateo 20:25–28; Mga Gawa 26:16–18; 3 Nephi 18:29–32; Jean B. Bingham, “Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas,” Liahona, Mayo 2018, 104–7. Habang ibinabahagi nila ang kanilang nahanap, hikayatin silang talakayin ang mga paraan na lahat tayo ay maaaring makapag-minister sa iba, pati na sa ating mga calling sa Simbahan.
Kung diringgin natin ang mga propeta ng Panginoon, gagabayan at poprotektahan Niya tayo laban sa kasamaan.
-
Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pag-usapan ang tugon ng senturion nang magpropesiya si Pablo na ang sasakyang-dagat ay daranas ng “malaking kapahamakan” at maraming buhay ang mawawala (tingnan sa Mga Gawa 27:10–11). Bakit kaya ganoon ang naging sagot ng senturion? Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung ano ang maaari nilang masabi sa senturion para tulungan itong manalig sa propesiya ni Pablo. Anong iba pang mga aral ang matututuhan natin mula sa Mga Gawa 27 tungkol sa pagsunod sa mga lingkod ng Panginoon? Maaaring may mga karanasan na ang ilang miyembro ng klase mo kung saan sinunod nila ang tagubilin ng mga propeta kahit naiiba iyon sa mga opinyon ng mga tao sa paligid nila. Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga karanasan.
Karagdagang Resources
Pagpapatotoo.
Nagsalita si Pangulong M. Russell Ballard tungkol sa patotoo ni Pablo sa harapan ni Haring Agripa at itinuro niya ang kahulugan para sa atin ng magpatotoo:
“Kailangan pa nating higit na isentro ang mga miting sa pagpapatotoo sa Tagapagligtas, mga doktrina ng ebanghelyo, mga biyaya ng Pagpapanumbalik, at mga turo sa mga banal na kasulatan. Kailangan nating palitan ng mga dalisay na patotoo ang mga kuwento, karanasan sa paglalakbay, at pangangaral. Yaong mga itinalagang magsalita at magturo sa ating mga miting ay kailangan itong gawin nang may kaalaman sa doktrina na kapwa maririnig at madarama, na pinasisigla ang mga espiritu at pinalalakas ang ating mga tao. …
“… Bagama’t laging mabuting ipahayag ang pagmamahal at pasasalamat, ang gayong pananalita ay [hindi ang] uri ng patotoong magpapaningas ng paniniwala sa buhay ng iba. Ang pagpapatotoo ay ‘[pagsaksi] sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; [paggawa] ng tapat na pahayag ng katotohanang hango sa sariling kaalaman [o] paniniwala’ [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magpatotoo,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org]. Gumagawa ng kaibhan ang malinaw na pagpapahayag ng katotohanan sa buhay ng mga tao. Iyon ang nagpapabago ng puso. Iyon ang patutunayan ng Espiritu Santo sa puso ng mga anak ng Diyos” (“Dalisay na Patotoo,” Liahona, Nob. 2004, 41).