“Agosto 14–20. Roma 7–16: ‘Daigin Mo ng Mabuti ang Masama,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Agosto 14–20. Roma 7–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Agosto 14–20
Roma 7–16
“Daigin Mo ng Mabuti ang Masama”
Basahin ang Roma 7–16, at itala ang mga impresyong matatanggap mo kung paano tulungan ang mga miyembro ng klase na matuto mula sa mga banal na kasulatan. Habang pinagninilayan mo ang iyong mga impresyon, maaaring humantong ang mga ito sa makabuluhang mga aktibidad sa pag-aaral.
Mag-anyayang Magbahagi
Isiping basahin ang Roma 10:17 at 15:4 at hilingin sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga talata mula sa Roma 7–16 na nagpapalakas ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo o nagbibigay sa kanila ng pag-asa.
Ituro ang Doktrina
Maaari tayong maging “mga kasamang tagapagmana ni Cristo.”
-
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, naniniwala tayo na ang mga pariralang tulad ng “mga tagapagmana ng Diyos” at “mga kasamang tagapagmana ni Cristo” ay nangangahulugan na sa tulong ni Jesucristo, maaari tayong maging katulad ng Ama sa Langit at makatanggap ng lahat ng mayroon Siya (Roma 8:17; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 132:20–21). Para maipakita sa mga miyembro ng klase kung paano itinuturo ang doktrinang ito sa buong banal na kasulatan, maaari mo silang anyayahang magpares-pares o bumuo ng maliliit na grupo at pag-aralan ang ilan sa mga talata sa banal na kasulatan na nakalista sa “Karagdagang Resources.” Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang natutuhan nila at talakayin kung bakit napakahalaga ng doktrinang ito.
-
Ang analohiyang ibinigay ni Pangulong Dallin H. Oaks sa “Karagdagang Resources” ay makakatulong sa mga miyembro ng klase na talakayin kung paano tayo makapaghahandang maging “mga tagapagmana ng Diyos” (Roma 8:17). Ano ang ilan sa “mga batas at alituntunin” na tinukoy ni Pangulong Oaks? Anong kaibhan ang nagagawa sa ating buhay ng kaalaman na maaari tayong maging “mga tagapagmana ng Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo”? (Roma 8:17).
“Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo?”
-
Ang sama-samang pagtalakay sa Roma 8 ay maaaring magbigay ng pagkakataon na maipadama sa mga miyembro ng klase ang pagmamahal ng Tagapagligtas. Maaari kang magdispley ng isang larawan ni Jesucristo (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya) habang binabasa ninyo ang Roma 8:18, 28, 31–39 bilang isang klase. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang anumang naiisip o nadarama nila matapos basahin ang mga talatang ito. Maaaring handa ang ilan na ibahagi kung paano sila nagkaroon ng patotoo tungkol sa mga katotohanang natatagpuan nila sa mga talatang ito.
Lahat ng utos ng Diyos ay natutupad sa utos na magmahal.
-
Para maipakita sa mga miyembro ng klase kung paano “nauuwi sa” utos na mahalin ang iyong kapwa (Roma 13:9) ang lahat ng kautusan, anyayahan silang ilista sa pisara ang lahat ng kautusang maiisip nila. Sama-samang basahin ang Roma 13:8–10 at Mateo 22:36–40, at talakayin bilang isang klase ang kaugnayan sa pagitan ng pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa at ng pagsunod sa bawat isa sa mga kautusang nakalista sa pisara. Paano binabago ng katotohanang ito ang pananaw natin tungkol sa mga kautusan at pagsunod? Halimbawa, ano ang ipinahihiwatig ng katotohanang ito tungkol sa layunin ng mga kautusan?
“Huwag … tayong humatol pa sa isa’t isa.”
-
Para makapagbigay ng kaunting konteksto sa Roma 14, maaari mong ituro na nagtalu-talo ang ilan sa mga Banal na taga-Roma tungkol sa iba’t ibang gawi sa kultura, tulad ng kaugalian sa pagkain at pagdiriwang ng mga pista opisyal. Anong mga sitwasyong kahalintulad nito ang kinakaharap natin ngayon? Marahil ay maaaring suriin ng mga miyembro ng klase ang Roma 14 at ibuod sa isang pangungusap ang payo ni Pablo. Anong payo ang maibabahagi natin sa isa’t isa kung paano iiwasang manghusga? Marahil ay makakakita ang mga miyembro ng klase ng mga ideya sa mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “Ang Mahabagin ay Kahahabagan,” Liahona, Mayo 2012, 70–77.
Karagdagang Resources
Tinatanggap ang “lahat ng mayroon ang … Ama” (Doktrina at mga Tipan 84:38).
Ikinuwento ni Pangulong Dallin H. Oaks ang sumusunod na talinghaga:
“Alam ng mayamang ama na kung ibibigay niya ang kanyang kayamanan sa anak na wala pang sapat na dunong at kakayahan na kinakailangan, malamang na masayang lang ang mana. Sinabi ng ama sa anak:
“‘Nais kong ibigay sa iyo ang lahat ng pag-aari ko—hindi lang ang kayamanan ko, kundi pati ang katungkulan ko at katayuan sa mga tao. Yaong mayroon ako ay madali kong maibibigay sa iyo, pero yaong pagkatao ko ay kailangang maangkin mo para sa iyong sarili. Magiging karapat-dapat ka sa mana mo sa pamamagitan ng pag-aaral ng kung ano ang natutuhan ko at sa pamumuhay nang tulad ng pamumuhay ko. Ibibigay ko sa iyo ang mga batas at mga alituntunin kung saan ko natamo ang aking karunungan at kakayahan. Sundan mo ang halimbawa ko, magpakadalubhasa sa kung ano ang pinagdalubhasaan ko, at [ikaw ay magiging katulad ko] at ang lahat ng mayroon ako ay magiging iyo’” (“Ang Paghamon na Magkaroon ng Kahihinatnan,” Liahona, Ene. 2001, 32).