“Agosto 21–27. 1 Corinto 1–7: ‘Kayo’y Magkaisa,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Agosto 21–27. 1 Corinto 1–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Agosto 21–27
1 Corinto 1–7
“Kayo’y Magkaisa”
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland na karamihan sa mga tao ay “[nagsisimba] sa paghahangad na magkaroon ng espirituwal na karanasan” (“A Teacher Come from God,” Ensign, Mayo 1998, 26). Habang binabasa mo ang 1 Corinto 1–7, mapanalanging isipin kung ano ang magagawa mo para makatulong na lumikha ng mga espirituwal na karanasan sa klase mo.
Mag-anyayang Magbahagi
Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat kung paano sila kumilos ayon sa natututuhan nila sa mga banal na kasulatan. Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang isinulat.
Ituro ang Doktrina
Ang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo ay nagsisikap na magkaisa.
-
Ang pagtalakay sa unang ilang kabanata ng 1 Corinto ay maaaring maging isang pagkakataon para magkaroon ng higit na pagkakaisa sa mga miyembro ng ward. Maaari kang magsimula sa paghiling sa mga miyembro ng klase na magkuwento tungkol sa isang club, grupo, team, o iba pang organisasyong kinabilangan nila na nagkaroon ng matinding pagkakaisa. Bakit nakadama ang grupong ito ng matinding pagkakaisa? Pagkatapos ay maaari ninyong tuklasin ang ilan sa mga turo ni Pablo tungkol sa pagkakaisa sa 1 Corinto 1:10–13; 3:1–11. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito, pati na ng ating mga karanasan, kung ano ang nakakatulong para magkaroon ng pagkakaisa at kung ano ang nagbabanta rito? Anong mga sakripisyo ang kailangan nating gawin upang magkaroon ang pagkakaisa? Anong mga pagpapala ang dumarating sa mga taong nagkakaisa? Tingnan din ang analohiya ni Sister Sharon Eubank sa “Karagdagang Resources.”
-
Ginamit ni Pablo ang imahe ng isang gusali para maghikayat ng pagkakaisa sa 1 Corinto 3:9–17. Paano maaaring makatulong ang analohiyang ito para mas maunawaan ng klase mo ang pagkakaisa? Halimbawa, matapos ninyong sama-samang basahin ang mga talatang ito, maaari mong bigyan ng isang block ang bawat miyembro ng klase at hayaan silang magtulungang makabuo ng isang bagay. Paano tayo naging “gusali ng Diyos”? (1 Corinto 3:9). Paano tayo isa-isang itinatayo ng Diyos? Ano ang sama-sama nating binubuo bilang kapwa mga Banal? Ano ang magagawa natin bilang nagkakaisang ward na hindi natin makakayang gawing mag-isa?
Para maisakatuparan ang gawain ng Diyos, kailangan natin ang karunungan ng Diyos.
-
Narito ang isang ideya para matulungan ang klase mo na umasa sa Diyos: Hatiin ang mga miyembro ng klase sa mga grupo at hilingin sa kanila na suriin ang 1 Corinto 1:17–31; 2; o ang 3:18–20 na hinahanap ang mga salitang gaya ng marunong at kahangalan. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi sa kanilang grupo kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa pagiging marunong sa gawain ng Panginoon. Ano ang mga bagay tungkol sa ebanghelyo na maaaring tila kahangalan sa ilang tao? Paano ipinakikita ng mga bagay na ito ang karunungan ng Diyos? Marahil ay maaari ding magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga karanasan kung saan nagtiwala sila sa karunungan ng Diyos, sa halip na sa kanilang sarili, upang maisakatuparan ang Kanyang gawain.
Ang ating pisikal na katawan ay sagrado.
-
Para magpasimula ng isang talakayan tungkol sa mga talatang ito, maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na gaya ng mga sumusunod: Paano nais ng Panginoon na ituring natin ang ating katawan? Paano ito naiiba sa paraang nais ni Satanas na ituring natin ang ating katawan? Ano ang ibig sabihin ng ang ating katawan ay mga templo ng Espiritu Santo? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na hanapin ang mga sagot sa mga tanong na ito sa 1 Corinto 6:9–20 (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 88:15; Moises 6:8–9).
-
Ang talakayan ninyo tungkol sa kabanalan ng ating katawan ay maaaring kabilangan ng isang pag-uusap tungkol sa batas ng kalinisang-puri. Marahil ay maaari mong itanong sa mga miyembro ng klase mo kung ano ang natututuhan nila mula kay Pablo—at sa iba pang resources ng Simbahan—na maaaring makatulong sa kanila na ipaliwanag sa iba kung bakit mahalaga ang kalinisang-puri. Ang ilan sa resources na ito ay maaaring kabilangan ng mga nakalista sa “Karagdagang Resources.”
Karagdagang Resources
“Ang mga pagkakaiba ay maaaring maging kapaki-pakinabang.”
Inilarawan ni Sister Sharon Eubank kung paano nagkakaisa ang mga rowing team:
“Kailangang kontrolin ng mga sumasagwan ang pagsagwan nang kanya-kanya at kasabay nito ay maging totoo sa kanilang indibiduwal na mga kakayahan. Ang mga karera ay hindi napapanalunan dahil magkakapareho ang mga miyembro. Ang magagaling na team ay may magagandang kombinasyon—may namumuno, may nag-iipon ng lakas para sa tamang pagkakataon, may mas aktibong lumalaban, may tagapamayapa. Walang sumasagwan ang mas mahalaga sa iba, ang lahat ay kapaki-pakinabang sa bangka, pero kung nais nila na sama-samang makapagsagwan nang maayos, kailangang umayon ang bawat isa sa pangangailangan at kakayahan ng iba—ang may maiksing braso ay mas dumudukwang, ang mas mahaba ang braso ay hindi naman masyadong dumudukwang.
“Ang mga pagkakaiba ay maaaring gawing kapaki-pakinabang sa halip na kawalan” (“Sa Pagkakaisa ng Damdamin ay Natatamo Natin ang Kapangyarihan Kasama ng Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 56; tingnan sa Daniel James Brown, The Boys in the Boat: Nine Americans and Their Epic Quest for Gold at the 1936 Berlin Olympics [2013], 161, 179).
Ang mga pagpapala ng kadalisayang seksuwal.
David A. Bednar, “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 42.