Bagong Tipan 2023
Agosto 28–Setyembre 3. 1 Corinto 8–13: “Kayo nga ang Katawan ni Cristo”


“Agosto 28–Setyembre 3. 1 Corinto 8–13: ‘Kayo nga ang Katawan ni Cristo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Agosto 28–Setyembre 3. 1 Corinto 8–13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023

sacrament meeting

Agosto 28–Setyembre 3

1 Corinto 8–13

“Kayo nga ang Katawan ni Cristo”

Itinuro ni Elder Richard G. Scott na “hindi [natin] maririnig ang napakahalaga at personal na patnubay ng Espiritu” kung hindi natin itatala at tutugunan ang “mga unang paramdam na dumarating sa [atin]” (“Upang Magtamo ng Espirituwal na Patnubay,” Liahona, Nob. 2009, 8).

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Sa 1 Corinto 8–13, itinuro ni Pablo ang mga katotohanan ng ebanghelyo gamit ang mga metaporang tulad ng runner sa isang paligsahan sa pagtakbo, katawan ng tao, at “batingaw na umaalingawngaw” (tingnan sa 1 Corinto 9:24–25; 12:13–26; 13:1). Maaari mong itanong sa mga miyembro ng klase kung ano ang natutuhan nila mula sa mga pagkukumparang ito. Paano naipauunawa sa atin ng mga pagkukumpara ang mga katotohanan ng ebanghelyo?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

1 Corinto 10:1–13

Ang Diyos ay nagbibigay ng daan upang makatakas sa tukso.

  • Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na matuklasan ang makapangyarihang mga katotohanan sa 1 Corinto 10:13? Ang isang ideya ay hatiin ang talata sa maiikling parirala, ibigay ang bawat isa sa ibang miyembro ng klase, at hilingin sa mga miyembro ng klase na muling sabihin ang mga parirala sa sarili nilang mga salita. Halimbawa, ano ang isa pang paraan ng pagsasabi na “tapat ang Diyos” o “tuksuhin nang higit sa inyong makakaya”? Pagkatapos ay maaari mong basahing muli ang talata, gamit ang ilan sa mga pahayag ng mga miyembro ng klase. Maaaring makapagbahagi ng mga karanasan ang mga miyembro ng klase kung saan nalaman nila na ang mga pangako sa talatang ito ay totoo. Anong karagdagang mga kabatiran ang matatamo natin sa mga talatang ito mula sa Alma 13:27–28?

  • Sa halip na pagtuunan ang partikular na mga tukso ninuman, maaari mong ituon ang talakayan ng 1 Corinto 10:13 sa mga tukso na ayon sa mga salita ni Pablo ay “karaniwan sa tao.” Maaaring magsimula ang mga miyembro ng klase sa pagtukoy sa mga tuksong ibinababala ni Pablo sa mga talata 1–12. Maaari din silang magmungkahi ng mga makabagong halimbawa ng karaniwang mga tukso, tulad ng mga tuksong hindi maging tapat, magtsismis, o husgahan ang iba. Paano maaaring “matakasan” ng isang tao, sa tulong ng Diyos, ang mga tuksong ito?

1 Corinto 10:16–17; 11:23–30

Pinagkakaisa tayo ng sakramento bilang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo.

  • Ang mga talatang ito ay maaaring makahikayat ng talakayan tungkol sa kung paano mapagkakaisa ng sakramento ang inyong ward sa mga pagsisikap ninyong maging lalong katulad ng Tagapagligtas. Maaari kayong magsimula sa pagbasa sa 1 Corinto 10:16–17 at sa pagsisiyasat kung ano ang maaaring ibig sabihin ng salitang pakikisalo sa kontekstong ito (maaaring maghanap ang isang tao ng mga posibleng kahulugan sa isang diksyunaryo). Paano nakakatulong sa atin ang sama-samang pagtanggap ng sakramento para madama na mas nagkakaisa tayo? Paano nauugnay sa mithiing ito ang payo ni Pablo na “siyasatin ninyo ang inyong sarili”? (1 Corinto 11:28).

1 Corinto 12

Ang mga espirituwal na kaloob ay ibinigay para sa kapakanan ng lahat ng anak ng Ama sa Langit.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na makakita ng mga halimbawa kung paano nakakatulong ang pagpapaunlad ng kanilang mga espirituwal na kaloob na patatagin ang Simbahan, anyayahan silang mag-isip ng mga espirituwal na kaloob ng mga tao sa mga banal na kasulatan. Para sa mga ideya, maaari mo silang atasang saliksikin ang isa sa mga reperensya sa banal na kasulatan sa “Karagdagang Resources” at banggitin ang mga espirituwal na kaloob na sa palagay nila ay taglay ng taong iyon. Maaari din nilang pag-usapan ang mga espirituwal na kaloob na nakikita nila sa bawat isa. Paano naging pagpapala sa ating lahat ang mga espirituwal na kaloob ng mga taong ito? Paano natin magagamit ang ating mga espirituwal na kaloob para mapagpala ang iba at mapalakas ang katawan ni Cristo, o ang Simbahan? (tingnan sa 1 Corinto 12:12–31; tingnan din sa 1 Corinto 14:12).

  • Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase kung paano magkaroon ng mga espirituwal na kaloob, anyayahan silang basahin ang 1 Corinto 12:27–31; Moroni 7:48; 10:23, 30; Doktrina at mga Tipan 46:8. Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito kung paano magkaroon ng mga espirituwal na kaloob? Paano tayo nagiging lalong katulad ni Cristo sa pagkakaroon ng mga espirituwal na kaloob? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pumili ng isang kaloob na gusto nilang makamit at humingi ng tulong sa Panginoon na makamit ang kaloob na iyon.

1 Corinto 13

Pag-ibig sa kapwa ang pinakadakilang espirituwal na kaloob.

  • Maaari mong sabihin sa mga miyembro ng klase na tahimik na pagnilayan ang 1 Corinto 13 at isipin ang isang taong kilala nila na magandang halimbawa ng isa o mas marami pang mga aspeto ng pag-ibig sa kapwa na binabanggit ni Pablo. Maaaring ilarawan ng ilang miyembro ng klase ang taong naisip nila at ang isang karanasan kung saan nagpakita ang taong ito ng pag-ibig sa kapwa. Maaari mo pa ngang ilista sa pisara ang mga bahagi ng paglalarawan ni Pablo at anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga ideya kung ano ang kahulugan ng ang isang taong may pag-ibig sa kapwa ay “matiisin” o “hindi mayayamutin” (1 Corinto 13:4–5). Paano ipinakita ng Tagapagligtas ang mga katangiang ito ng pag-ibig sa kapwa? Anong mga karagdagang katotohanan ang itinuturo sa Moroni 7:46–48 tungkol sa pag-ibig sa kapwa?

icon ng resources

Karagdagang Resources

Mga halimbawa ng mga espirituwal na kaloob sa mga banal na kasulatan.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ipamuhay ang mga alituntuning itinuturo mo. Ang pamumuhay ayon sa mga alituntuning itinuturo mo ay makakatulong sa iyo na patotohanan nang mas mabisa ang mga ito. Itinuro ni Pablo, “Gayundin naman, ipinag-utos ng Panginoon na ang mga nangangaral ng ebanghelyo ay dapat kumuha ng kanilang ikabubuhay mula sa ebanghelyo” (1 Corinto 9:14).