“Setyembre 18–24. 2 Corinto 8–13: ‘Iniibig ng Diyos ang Nagbibigay na Masaya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Setyembre 18–24. 2 Corinto 8–13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Setyembre 18–24
2 Corinto 8–13
“Iniibig ng Diyos ang Nagbibigay na Masaya”
Habang binabasa mo ang 2 Corinto 8–13, isipin ang mga taong tinuturuan mo, at magplano ng mga aktibidad na makakatulong sa kanila na tuklasin ang mga alituntunin sa mga kabanatang ito. Pagkatapos ay rebyuhin ang outline na ito para sa karagdagang mga ideya.
Mag-anyayang Magbahagi
Narito ang isang paraan para maanyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila mula sa 2 Corinto 8–13: hilingin sa ilan sa kanila na isulat sa pisara ang isang paboritong parirala mula sa kanilang pagbabasa at ibahagi kung bakit makabuluhan ang mga pariralang ito sa kanila.
Ituro ang Doktrina
Masayang ibinabahagi ng mga Banal kung ano ang mayroon sila para mapagpala ang mga maralita at nangangailangan.
-
Inutusan ng Diyos ang Kanyang mga Banal na tumulong sa pangangalaga sa mga nangangailangan, at ang mga sipi sa 2 Corinto 8–9 ay makahihikayat sa mga miyembro ng klase mo sa kanilang mga pagsisikap. Para matulungan silang mahanap ang mga siping ito, maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na tulad ng Bakit tayo nagbibigay? at Paano tayo dapat magbigay? Maaaring saliksikin ng kalahati ng klase ang mga sagot sa 2 Corinto 8:1–15, at maaaring magsaliksik ang natitirang kalahati sa 2 Corinto 9:6–15. (Maaari mong ipaliwanag na sa kabanata 8, mga talata 1–5, binanggit ni Pablo ang mga Banal sa Macedonia bilang mga halimbawa ng bukas-palad na pagbibigay.) Paano kaya tayo matutulungan ng mga alituntuning itinuro ni Pablo na mas mapangalagaan ang mga maralita at nangangailangan?
Dapat tayong magtuon sa “kadalisayan kay Cristo.”
-
Kung minsa’y nahihirapan ang mga miyembro ng Simbahan sa mga kailangang gawin sa buhay—kabilang na ang maaari nilang ituring na mga kailangang gawin bilang Banal sa mga Huling Araw. Ang payo ni Pablo tungkol sa “kadalisayan kay Cristo” (2 Corinto 11:3) ay makakatulong. Marahil ay maaari ninyong sama-samang basahin ang 2 Corinto 11:3 at talakayin kung ano ang maaaring ibig sabihin ng pariralang “kadalisayan kay Cristo.” Maaari mo ring hilingin sa mga miyembro ng klase na isipin na kunwari’y inanyayahan silang sumulat ng isang paglalarawan ng ebanghelyo ni Jesucristo para sa isang pahayagan, na limitado sa 100 salita. Bigyan sila ng panahong isulat ang kanilang paglalarawan, at ibahagi sa isa’t isa ang isinulat nila. Kung kailangan nila ng tulong, maaari silang sumangguni sa Juan 3:16–17; 3 Nephi 27:13–21; sa pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa “Karagdagang Resources.” Maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga ideya kung paano “gawing simple ang [ating] pamamaraan sa pagiging disipulo.”
Ang biyaya ng Tagapagligtas ay sapat na para tulungan tayong makahugot ng lakas sa ating mga kahinaan.
-
Ano ang sasabihin ninyo sa isang kaibigan na nagdasal na guminhawa mula sa kapansanan ngunit nadarama na hindi nasasagot ang panalanging ito? Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang tanong na ito habang tahimik nilang binabasa ang 2 Corinto 12:5–10. Pagkatapos ay maaari silang magbahagi ng mga kabatiran mula sa mga talatang ito na maaaring makatulong sa sitwasyong ito. Maaari din silang magbahagi ng mga karanasan noong sila ay nakasumpong ng kalakasan sa panahon ng kahinaan sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo, o ng Kanyang banal na kapangyarihan at tulong. Paano naimpluwensyahan ng karanasang iyon ang kanilang buhay? Bakit mahalagang magtiwala sa takdang oras ng Panginoon?
Karagdagang Resources
Maaari nating gawing simple ang ating paraan sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo.
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:
“Mga kapatid, ang pamumuhay ng ebanghelyo ay di kailangang kumplikado.
“Tuwiran ito. Maaari itong ilarawan nang ganito:
-
Ang pakikinig nang taimtim sa salita ng Diyos ay aakay sa atin na maniwala sa Diyos at magtiwala sa Kanyang mga pangako.
-
Kapag lalo tayong nagtiwala sa Diyos, lalong napupuno ang ating puso ng pagmamahal sa Kanya at sa isa‘t isa.
-
Dahil sa ating pagmamahal sa Diyos, hangad nating sundin Siya at iniaayon natin ang ating mga kilos sa Kanyang salita.
-
Dahil mahal natin ang Diyos, gusto nating maglingkod sa Kanya; gusto nating pagpalain ang buhay ng iba at tulungan ang mga maralita at nangangailangan.
-
Kapag lalo tayong lumalakad sa landas ng pagkadisipulo, lalo nating hinahangad na malaman ang salita ng Diyos.
“At gayon nga ito, bawat hakbang ay patungo sa kinabukasan at pinupuno tayo ng dagdag na pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa.
“Napakasimple nito, at maganda ang nagagawa nito.
“Mga kapatid, kung inaakala ninyo na walang gaanong nagagawa ang ebanghelyo para sa inyo, inaanyayahan ko kayong umatras, tingnan ang inyong buhay, at gawing simple ang inyong pamamaraan sa pagiging disipulo. Magpokus sa mga pangunahing doktrina, alituntunin, at aplikasyon ng ebanghelyo. Ipinapangako ko na gagabayan at pagpapalain ng Diyos ang inyong landas tungo sa kasiya-siyang buhay, at talagang malaki ang magagawa ng ebanghelyo para sa inyo” (“Napakaganda ng Nagagawa Nito,” Liahona, Nob. 2015, 22).