Bagong Tipan 2023
Setyembre 11–17. 2 Corinto 1–7: “Kayo’y Makipagkasundo sa Diyos”


“Setyembre 11–17. 2 Corinto 1–7: ‘Kayo’y Makipagkasundo sa Diyos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Setyembre 11–17. 2 Corinto 1–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023

Jesucristo

Setyembre 11–17

2 Corinto 1–7

“Kayo’y Makipagkasundo sa Diyos”

Habang binabasa mo ang 2 Corinto 1–7 sa linggong ito, isipin ang partikular na mga miyembro ng klase—ang mga pumapasok at hindi pumapasok sa klase. Paano sila maaaring pagpalain ng mga alituntunin sa mga kabanatang ito?

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maaaring makinabang ang mga miyembro ng klase sa pakikinig sa mga ideya mula sa isa’t isa kung paano magagawang mas epektibo ang kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maglaan ng ilang minuto para dito paminsan-minsan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

2 Corinto 1:3–7; 4:6–10, 17–18; 7:4–7

Ang ating mga pagsubok ay maaaring maging pagpapala.

  • Ang mga karanasang inilarawan ni Pablo at ang payo niya sa 2 Corinto ay makakatulong sa mga miyembro ng klase na pag-isipan kung anong mga pagpapala ang maaaring magmula sa kanilang mga pagsubok. Para magpasimula ng isang talakayan, maaari mong hilingin sa isang miyembro ng klase na pumasok na handang talakayin kung paano pinagpala ng isang pagsubok ang kanyang buhay o kung ano ang natutuhan niya sa ibang tao na nakapagtiis sa isang pagsubok. Pagkatapos ay maaari mong bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para rebyuhin ang 2 Corinto 1:3–7; 4:6–10, 17–18; at 7:4–7, na hinahanap kung ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga layunin at pagpapala ng mga pagsubok. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang matutuklasan nila. Maaari mong imungkahi na basahin nila nang malakas ang talata kung saan sila nakakita ng isang partikular na turo at magbahagi ng karanasan o patotoo na may kaugnayan sa turong iyon.

  • Para makaragdag sa inyong talakayan, isiping kantahin nang sama-sama ang mga paboritong himno ng mga miyembro ng klase na nagpapatotoo sa kaginhawahan at mga pagpapalang handog sa atin ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas sa mga oras ng pagsubok—tulad ng “Saligang Kaytibay” (Mga Himno, blg. 47). Matapos kumanta nang sama-sama, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na maghanap ng isang parirala sa 2 Corinto 1 at 4 na sa pakiramdam nila ay akma sa mensahe ng himno.

2 Corinto 2:5–11

Ang pagpapatawad ay isang pagpapalang kapwa ibinibigay at natatanggap natin.

  • Lahat tayo ay nagkaroon na ng mga karanasan na ang isang tao ay “nakapagdulot ng kalungkutan” sa atin o sa ating pamilya (talata 5). Marahil ay maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang 2 Corinto 2:5–11, na hinahanap ang payo ni Pablo kung paano natin dapat tratuhin ang isang taong nagkasala sa atin. Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang Mateo 5:43–48 at Lucas 15:11–32 para malaman ang iba pa kung paano natin dapat tratuhin ang mga nagkasala sa atin. Paano natin sinasaktan ang ating sarili at ang iba kapag pinili nating huwag magpatawad?

2 Corinto 5:14–21

Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari tayong makipagkasundo sa Diyos.

  • Maraming tao ang nagsisimba na may hangaring mas mapalapit sa Diyos, at ang pagtalakay sa 2 Corinto 5:14–21 ay makakatulong sa kanila. Para makapagsimula, maaaring tuklasin ng mga miyembro ng klase ang kahulugan ng salitang makipagkasundo, na marahil ay nagsisimula sa paghanap sa salita sa isang diksyunaryo. Anong mga kabatiran ang ibinibigay nito tungkol sa pakikipagkasundo sa Diyos? Anong karagdagang mga kabatiran ang nakakamit natin mula sa entry na “Pagbabayad-sala” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan? Paano naipauunawa sa atin ng mga kabatirang ito ang 2 Corinto 5:14–21? Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang damdamin tungkol sa Tagapagligtas, na dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala ay naging posible na makabalik tayo sa piling ng Diyos.

2 Corinto 7:8–11

Ang kalungkutang naaayon sa Diyos ay humahantong sa pagsisisi.

  • Ang 2 Corinto 7:8–11 ay nagbibigay ng nakakatulong na paliwanag tungkol sa kalungkutang naaayon sa Diyos at sa papel na ginagampanan nito sa pagsisisi. Ano ang matututuhan natin tungkol sa kalungkutang naaayon sa Diyos mula sa 2 Corinto 7:8–11 at sa mga salita ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa “Karagdagang Resources”? Bakit mahalaga ang kalungkutang naaayon sa Diyos sa pagsisisi?

  • Maaaring maisip mong maghikayat ng mas malawak na talakayan tungkol sa pagsisisi. Kung gayon, maaari mong subukan ang ganito: Isulat sa pisara ang Ang pagsisisi ay . Hilingin sa mga miyembro ng klase na maghanap ng mga paraan para makumpleto ang pariralang ito, gamit ang mga bagay na natututuhan nila mula sa 2 Corinto 7:8–11, gayundin mula sa mga banal na kasulatan at iba pang resources na matatagpuan sa artikulo sa Mga Paksa ng Ebanghelyo na “Pagsisisi” (topics.ChurchofJesusChrist.org). Paano nila maaaring gamitin ang mga turong ito para maipaunawa sa isang tao kung paano magsisi nang taos-puso?

icon ng resources

Karagdagang Resources

Ang kalungkutang naaayon sa Diyos ay naghihikayat ng pagbabago at pag-asa.

Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:

“Ang [kalungkutang naaayon] sa Diyos ay naghihikayat ng pagbabago at pag-asa sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang [kalungkutang naaayon] sa sanglibutan ay hinahatak tayo pababa, pinapawi ang pag-asa, at inuudyukan tayong magpatangay pa sa tukso.

“Ang [kalungkutang naaayon] sa Diyos ay humahantong sa pagbabalik-loob at pagbabago ng puso. Nagiging dahilan ito para kamuhian natin ang kasalanan at mahalin ang kabutihan. Hinihikayat tayo nitong bumangon at lumakad sa liwanag ng pagmamahal ni Cristo. Ang tunay na pagsisisi ay tungkol sa pagbabago, hindi paghihirap o pagdurusa” (“Magagawa na Ninyo Iyan Ngayon!,” Liahona, Nob. 2013, 56).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Isama ang mga may mahirap na pinagdaraanan. Kung minsa’y kailangan lang isama ang nahihirapang mga miyembro ng klase para madamang may nagmamahal sa kanila. Isiping bigyan sila ng tungkuling makibahagi sa isang darating na lesson. Huwag sumuko kung hindi sila tumutugon sa iyong mga pagsisikap sa simula. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 8–9.)