Bagong Tipan 2023
Setyembre 4–10. 1 Corinto 14–16: “Ang Diyos ay Hindi Diyos ng Kaguluhan, Kundi ng Kapayapaan”


“Setyembre 4–10. 1 Corinto 14–16: ‘Ang Diyos ay Hindi Diyos ng Kaguluhan, Kundi ng Kapayapaan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Setyembre 4–10. 1 Corinto 14–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023

bautismuhan sa templo

Setyembre 4–10

1 Corinto 14–16

“Ang Diyos ay Hindi Diyos ng Kaguluhan, Kundi ng Kapayapaan”

Bago pag-aralan ang outline na ito, basahin ang 1 Corinto 14–16. Itala ang mga unang impresyon mo kung anong mga katotohanan ang makakatulong sa mga miyembro ng klase mo, at patuloy na maghangad ng dagdag na patnubay ng Espiritu habang naghahanda kang magturo.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maglaan ng ilang minuto para marebyu ng mga miyembro ng klase ang 1 Corinto 14–16 at hanapin ang isang talata na nadarama nilang talagang makabuluhan. Anyayahan silang maghanap ng isang tao sa klase na maaaring bahaginan nila ng kanilang talata at ipaliwanag kung bakit nila pinili ito.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

1 Corinto 14

Kapag nagtitipon tayo, dapat nating hangaring patatagin ang isa’t isa.

  • Isiping gamitin ang mga turo ni Pablo sa 1 Corinto 14 para ipaalala sa mga miyembro ng klase na maaaring patatagin—o suportahan at pasiglahin—nating lahat ang bawat isa sa simbahan. Maaaring ang isang simpleng paraan para marebyu ang kabanatang ito ay isulat ang isang tanong sa pisara, tulad ng Ano ang dapat nating maging mithiin kapag nagtitipon tayo? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang mga posibleng sagot sa 1 Corinto 14. Ang iba pang mga ideya ay matatagpuan sa Moroni 6:4–5 at Doktrina at mga Tipan 50:17–23. Habang ibinabahagi ng mga miyembro ng klase ang natuklasan nila, isiping tanungin sila kung ano sa pakiramdam nila ang ginagawa ng klase mo para maisakatuparan ang mga mithiing ito. Maaari din silang magbahagi ng mga karanasan kung saan napalakas sila ng isang bagay na ibinahagi ng isang miyembro.

1 Corinto 15

Dahil si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli, tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli.

  • Paano mo magagamit ang patotoo ni Pablo sa 1 Corinto 15 para palakasin ang patotoo ng mga miyembro ng klase mo sa Pagkabuhay na Mag-uli? Maaaring ang isang paraan ay hatiin ang klase sa dalawang grupo at ipahanap sa isang grupo sa 1 Corinto 15 ang mga kahihinatnan natin kung hindi nabuhay na mag-uli si Jesucristo. Maaari namang hanapin ng isa pang grupo ang mga pagpapalang natatanggap natin dahil sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Pagkatapos ay maaaring isulat ng bawat grupo sa pisara ang natutuhan nila. Ano ang maaari nilang idagdag sa kanilang listahan matapos basahin ang pahayag ni Elder D. Todd Christofferson sa “Karagdagang Resources”? Para maipadama sa mga miyembro ng klase ang Espiritu sa talakayang ito, isiping magdispley ng isang larawan ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya) o magpatugtog o kumanta ng isang himno tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli.

  • Dahil tumutugon si Pablo sa mga taong hindi naniniwala sa pagkabuhay na mag-uli, maaaring makinabang ang klase mo sa pagsasadula ng isang kahalintulad na sitwasyon. Halimbawa, paano kaya nila mapapalakas ang pananampalataya ng isang mahal sa buhay sa Pagkabuhay na Mag-uli? Ano ang makikita natin sa 1 Corinto 15 na makakatulong sa atin na ipaliwanag ang pangangailangan sa at katibayan ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo? Anong iba pang mga talata sa banal na kasulatan ang maaari nating gamitin? (Tingnan, halimbawa, sa Lucas 24:1–12, 36–46; Alma 11:42–45.)

    pagsikat ng araw

    Itinuro ni Pablo ang Pagkabuhay na Mag-uli sa pagtukoy sa “mga katawang makalangit” tulad ng araw (1 Corinto 15:40).

  • Ang 1 Corinto 15 ay isa sa iilang lugar sa mga banal na kasulatan kung saan binabanggit ang mga pagbibinyag para sa mga patay (tingnan sa talata 29; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 128:18). Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang kagalakang naranasan nila sa pagsasagawa ng mga binyag o ng iba pang mga ordenansa para sa kanilang mga ninuno. Bakit kaya tinukoy ni Pablo ang mga binyag para sa mga patay bilang katibayan ng Pagkabuhay na Mag-uli? Kung makakatulong na talakayin kung bakit kailangan ang mga pagbibinyag para sa mga patay, tingnan sa artikulo ng Mga Paksa ng Ebanghelyo “Pagbibinyag para sa mga Patay” (

icon ng resources

Karagdagang Resources

Kahalagahan ng Pagkabuhay na Mag-uli.

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson:

“Isipin sandali ang kahalagahan ng Pagkabuhay na Mag-uli sa pagpapasiya sa huli sa tunay na pagkatao ni Jesus ng Nazaret at sa mga pilosopikong argumento at mga tanong sa buhay. Kung totoong si Jesus ay literal na nabuhay na mag-uli, kung gayo’y isa Siyang banal na nilalang. Walang mortal ang may kapangyarihang buhayin ang kanyang sarili matapos mamatay. Dahil Siya ay nabuhay na mag-uli, hindi maaaring si Jesus ay naging isa lamang karpintero, guro, rabbi, o propeta. Dahil Siya ay nabuhay na mag-uli, si Jesus ay dapat maging Diyos, maging ang Bugtong na Anak ng Ama.

“Samakatwid, ang itinuro Niya ay totoo; ang Diyos ay hindi maaaring magsinungaling.

“Samakatwid, Siya ang Lumikha ng daigdig, tulad ng sinabi Niya.

“Samakatwid, totoong may langit at impiyerno, tulad ng itinuro Niya.

“Samakatwid, may daigdig ng mga espiritu na pinuntahan Niya pagkamatay Niya.

“Samakatwid, paparito Siyang muli, tulad ng sabi ng mga anghel, at ‘maghahari … sa mundo.’

“Samakatwid, may huling paghuhukom at pagkabuhay na mag-uli para sa lahat” (“Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2014, 113).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Kilalanin ang mga tinuturuan mo. Walang dalawang tao na parehong-pareho; bawat taong tinuturuan mo ay kakaiba ang pinagmulan, pananaw, at mga talento. Ipagdasal na malaman kung paano mo magagamit ang mga ito para maisali ang mga tinuturuan mo. Habang mas nauunawaan mo ang mga tinuturuan mo, makakalikha ka ng makahulugan at di-malilimutang mga sandali ng pagtuturo para sa kanila (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas7).