Bagong Tipan 2023
Setyembre 25–Oktubre 1. Galacia: “Lumakad Kayo ayon sa Espiritu”


“Setyembre 25–Oktubre 1. Galacia: ‘Lumakad Kayo ayon sa Espiritu,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2021)

“Setyembre 25–Oktubre 1. Galacia,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023

si Cristo nang magpakita kay Pablo sa bilangguan

Dinalaw ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas si Pablo sa bilangguan (tingnan sa Mga Gawa 23:11). Mapapalaya tayo ni Jesucristo mula sa “pamatok ng pagkaalipin” (Galacia 5:1).

Setyembre 25–Oktubre 1

Galacia

“Lumakad Kayo ayon sa Espiritu”

Habang mapanalangin mong binabasa at pinagninilayan ang Galacia, ituturo sa iyo ng Panginoon ang kailangan mong ibahagi sa klase mo. Ang pagtatala ng iyong mga impresyon ay nagpapakita ng pasasalamat sa Diyos para sa Kanyang tulong.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay kadalasang humahantong sa makabuluhang mga talakayan tungkol sa ebanghelyo kasama ang pamilya o mga kaibigan. Nangyari ba ito para sa mga miyembro ng klase mo sa linggong ito? Anyayahan silang ibahagi ang kanilang mga karanasan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Galacia 1:6–7; 3:1–5; 4:8–21; 5:1, 13–14

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nag-aalok ng kalayaan.

  • Ang pag-aaral ng anumang aklat ng banal na kasulatan ay mas madali kapag alam natin kung bakit ito isinulat. Dahil dito, makabubuti sigurong simulan ang inyong talakayan tungkol sa Galacia sa isang tanong na tulad ng “Ano sa palagay mo ang layunin ni Pablo sa pagsulat ng liham na ito?” o “Anong problema ang sinisikap lutasin noon ni Pablo?” Anyayahan ang mga miyembro ng klase na maghanap ng mga clue sa Galacia 1:6–7; 3:1–5; 4:8–21. Paano nagkaroon ng kaugnayan ang mensahe ni Pablo sa atin ngayon?

  • Inakala ng ilang Banal na taga-Galacia na kailangan nilang patuloy na ipamuhay ang batas ni Moises. Para kay Pablo, para itong pamumuhay na may “pamatok ng pagkaalipin” kumpara sa “kalayaan” na inaalok sa atin ni Jesucristo (Galacia 5:1). Para matulungan ang mga miyembro ng klase mo na tuklasin ang mga turo ni Pablo tungkol sa kalayaan at pagkaalipin, maaari mong hilingin sa kanila na banggitin ang mga saloobin at kilos na naglilimita sa ating espirituwal na paglago at pagsulong (tulad ng mga kaugalian sa kultura, masasamang gawi, mga maling paniniwala, o pagtutuon sa ipinapakitang mga kilos sa halip na sa taos-pusong pagbabalik-loob). Ayon sa Galacia 5:1, 13–14, paano tayo makasusumpong ng kalayaan mula sa mga saloobin at kilos na ito? Paano natin naranasan ang kalayaang matatagpuan sa pamamagitan ni Jesucristo? Paano tayo tutugon sa isang taong nakadarama na ang pamumuhay ayon sa ebanghelyo ay naglilimita sa personal na kalayaan?

Galacia 5:16–26

Kapag “lumakad [tayo] ayon sa Espiritu,” tatanggap tayo ng “bunga ng Espiritu.”

  • Maraming tao ang nahihirapang makilala ang impluwensya ng Espiritu. Makakatulong ang Galacia 5. Maaari mo sigurong hilingin sa mga miyembro ng klase na saliksikin ang Galacia 5:22–25 para makita ang mga salitang ginamit ni Pablo para ilarawan ang bunga ng Espiritu. Bakit magandang metapora ang bunga para sa paraan na iniimpluwensyahan tayo ng Espiritu? Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano nakita nang malinaw ang bungang ito sa kanilang buhay o sa buhay ng mga taong kilala nila. Kasama sa ilang iba pang resources na sisiyasatin ang Mateo 7:16–18; Juan 14:26–27; Moroni 7:13–17; Doktrina at mga Tipan 11:12–13; at ang mga salita ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa “Karagdagang Resources.”

mga mansanas sa isang puno

Matatanggap natin ang “bunga ng Espiritu” kapag hinahangad natin ito.

Galacia 6:7–10

Kung naghahasik tayo “sa Espiritu,” aani tayo ng mga pagpapala sa tamang panahon.

  • Ang pag-aaral ng Galacia 6:7–10 ay maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na pag-isipan nang mas malalim ang mga pangmatagalang bunga ng kanilang mga pagpili. Para matulungan sila, maaari kang magdala ng iba’t ibang klase ng binhi, pati na mga halaman, prutas, o gulay na umuusbong mula sa bawat isa sa mga binhing ito (o maaari kang magdala ng mga larawan ng mga bagay na ito). Maaaring magtulungan ang mga miyembro ng klase na itugma ang bawat binhi sa bunga nito. Pagkatapos ay maaari nilang basahin ang mga talata 7–10 at pag-usapan ang kahulugan ng maghasik “sa laman” at “sa Espiritu.” (Maaaring makatulong ang mensahe ni Elder Ulisses Soares sa “Karagdagang Resources.”) Ano ang inaani natin kapag naghahasik tayo sa laman? Ano ang inaani natin kapag naghahasik tayo sa Espiritu? (tingnan sa Galacia 5:22–23).

  • Ang ilang miyembro ng klase ay maaaring “manghinawa sa paggawa ng mabuti” (Galacia 6:9)—marahil ay dahil hindi nila tiyak kung may ibinubunga ang kanilang mga pagsisikap. Ang pagtalakay sa Galacia 6:7–10 ay maaaring makatulong. Para pasimulan ang mga talatang ito, maaari mong anyayahan ang isang tao sa klase na magsalita nang maikli tungkol sa isang pagkakataon na kinailangan niyang magtiyaga nang subukan niyang palaguin ang isang bagay. Ano ang maaaring ituro sa atin ng karanasan ng taong ito, pati na ng Galacia 6:7–10, tungkol sa mga pagsisikap nating “lumakad … sa patnubay ng Espiritu”? (Galacia 5:25).

icon ng resources

Karagdagang Resources

Ang bunga ng Espiritu.

Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Makikilala mo ang mga panghihikayat ng Espiritu sa pamamagitan ng mga bunga ng Espiritu—ang nagbibigay-liwanag, nagpapatatag, mga bagay na positibo at malinaw at nagbibigay-sigla at humahantong sa mas mabuting kaisipan at mas mabuting mga salita at gawa ay sa Espiritu ng Diyos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Gordon B. Hinckley [2016], 137).

Paghahasik sa Espiritu.

Ipinaliwanag ni Elder Ulisses Soares: “Ang ibig sabihin ng maghasik sa Espiritu ay na lahat ng ating iniisip, sinasabi, at ginagawa ay dapat mag-angat sa atin sa antas ng kabanalan ng ating mga magulang sa langit. Gayunman, tinutukoy sa mga banal na kasulatan ang laman bilang pisikal o makamundong katangian ng likas na tao, na nagtutulot sa mga tao na maimpluwensyahan ng silakbo ng damdamin, paghahangad, pagnanasa, at udyok ng laman sa halip na maghanap ng inspirasyong mula sa Espiritu Santo” (“Manatili sa Teritoryo ng Panginoon!,” Liahona, Mayo 2012, 39).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga estudyante na pasiglahin ang isa’t isa. “Bawat indibiduwal sa klase mo ay saganang pagmumulan ng patotoo, mga kabatiran, at mga karanasan sa pamumuhay ng ebanghelyo. Anyayahan silang magbahaginan at magtulungan” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas5).