“Oktubre 16–22. 1 at 2 Tesalonica: ‘[Punan] ang Anumang Kulang sa Inyong Pananampalataya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2021)
“Oktubre 16–22. 1 at 2 Tesalonica,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Oktubre 16–22
1 at 2 Tesalonica
“[Punan] ang Anumang Kulang sa Inyong Pananampalataya”
Itinuro ni Alma, “Huwag pagkakatiwalaan ang sinuman na inyong maging guro ni inyong maging mangangaral, maliban sa siya ay tao ng Diyos, lumalakad sa kanyang mga landas at sinusunod ang kanyang mga kautusan” (Mosias 23:14). Ano ang ipinahihiwatig ng talatang ito kung paano ka dapat maghandang magturo?
Mag-anyayang Magbahagi
Bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para mabilis na basahin ang 1 at 2 Tesalonica at maghanap ng isang talata na hinahangaan nila. Anyayahan silang ibahagi ang kanilang mga talata sa isang tao sa klase, at pagkatapos ay hilingin sa ilan sa magkakapares na ibahagi ang natutuhan nila mula sa isa’t isa.
Ituro ang Doktrina
Ang mga lingkod ng Panginoon ay dapat mangaral nang may katapatan at pagmamahal.
-
Sinimulan ni Pablo ang kanyang Sulat sa mga Taga-Tesalonica sa pagpapaalala sa mga Banal tungkol sa pamamaraan na naibahagi niya at ng iba ang ebanghelyo sa kanila. Maaaring isang magandang pagkakataon ito para masuri ng mga miyembro ng klase mo ang kanilang pagtuturo at pagkatuto mula sa isa’t isa. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang 1 Tesalonica 1:5–8; 2:1–13 at tukuyin ang mga alituntuning may kaugnayan sa epektibong pagbabahagi ng ebanghelyo. Pagkatapos ay maaari silang sumulat ng mga tanong batay sa mga talatang ito na makakatulong sa kanila na suriin ang mga pagsisikap nilang ituro ang ebanghelyo sa iba. Halimbawa, ang isang maaari nilang itanong ay “Ako ba ay isang halimbawa ng mga bagay na alam ko?” (tingnan sa 1 Tesalonica 1:7). Paano tayo matutulungan ng pagsunod sa mga alituntunin sa siping ito na mas mapaglingkuran ang mga tinuturuan natin?
Habang sinusunod natin si Jesucristo, maaari Niya tayong gawing banal.
-
Itinuro ni Pablo sa mga Banal na taga-Tesalonica na “hindi tayo tinawag ng Diyos para sa karumihan kundi sa kabanalan” (1 Tesalonica 4:7). Para magpasimula ng isang talakayan tungkol sa kabanalan, maaaring kantahin ng klase mo o ng isang tao ang “Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan” (Mga Himno, blg. 80). Hilingin sa mga miyembro ng klase na talakayin ang mga katangian ng kabanalan na binanggit sa himno na napagtuunan nila ng pansin. Isulat sa pisara ang Kabanalang lalo, ang kahilingan, …, at anyayahan ang mga miyembro ng klase na maghanap ng mga salita o parirala mula sa 1 Tesalonica 3:9–13; 4:1–12 para makumpleto ang pangungusap. Paano tayo magkakaroon ng mga katangiang ito?
-
Parang nakakapanghina ang paanyayang maging banal. Maaaring makatulong kung nauunawaan ng mga miyembro ng klase na ang pagkakaroon ng kabanalan ay isang unti-unting proseso na kinakailangan nating “[dagdagan] nang higit pa” sa paglipas ng panahon (1 Tesalonica 4:10). Para mailarawan ang prosesong ito, maaari mong anyayahan ang isang miyembro ng klase na magsalita tungkol sa isang talento o tagumpay na nangailangan ng patuloy na pagsisikap sa paglipas ng panahon, tulad ng paggawa ng quilt o pagtugtog ng isang instrumentong musikal. Paano ito kahalintulad ng proseso ng pagiging banal? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang 1 Tesalonica 3:9–13; 4:1–12 at magbahagi ng mga kabatiran tungkol sa pagsisikap na kailangan para maging banal sa mga paraang inilalarawan ni Pablo. Ano ang nakatulong sa atin na sumulong tungo sa kabanalan?
1 Tesalonica 4:11–12; 2 Tesalonica 3:7–13
Dapat tayong magtrabaho para matustusan ang ating sarili at ang mga nangangailangan.
-
Ang mga tanong na gaya ng mga sumusunod ay maaaring maghikayat ng talakayan tungkol sa payo ni Pablo hinggil sa pagtatrabaho: Ano ang mga bunga ng katamaran? Ano ang mga pagpapalang dulot ng pagtatrabaho? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pablo sa mga salitang “tahimik” at “katahimikan”? (1 Tesalonica 4:11; 2 Tesalonica 3:12). Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na katulad nito para mapagnilayan at matalakay ng mga miyembro ng klase habang binabasa nila ang 1 Tesalonica 4:11–12 at 2 Tesalonica 3:7–13. Anong iba pang mga talata sa banal na kasulatan ang nagpapaunawa sa atin ng kahalagahan ng pagtatrabaho at ng mga panganib ng katamaran? (tingnan ang mga mungkahi sa “Karagdagang Resources”).
Isang apostasiya ang magaganap bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
-
Maaaring makatulong na talakayin ang ilan sa mga metaporang nagamit ng mga propeta para ilarawan ang Apostasiya, tulad ng pagtalikod [sa Diyos] (tingnan sa 2 Tesalonica 2:3), taggutom (tingnan sa Amos 8:11–12), ganid na mga lobo na pumapasok sa isang kawan (tingnan sa Mga Gawa 20:28–30), at makakating tainga (tingnan sa 2 Timoteo 4:3–4). Isiping hatiin nang magkakapares ang mga miyembro ng klase at hilingin sa kanila na basahin ang isa o mahigit pa sa mga talatang ito (o iba pang pinili mo) at ipaliwanag kung ano ang itinuturo ng mga talata tungkol sa Malawakang Apostasiya. Ano ang itinuro ng mga propeta tungkol sa Apostasiya at sa magiging epekto nito?
-
Bagama’t hindi mararanasan ng Simbahan ang isa pang “pagtalikod” (2 Tesalonica 2:3) tulad noong unang panahon, maaari pa ring tumalikod ang bawat isa sa atin. Ano ang ipinahihiwatig ng 2 Tesalonica 2 kung paano mangyayari ang pagtalikod na ito (tingnan sa mga talata 9–10) at kung paano natin ito maiiwasan? (tingnan sa mga talata 15–17).