Bagong Tipan 2023
Hulyo 17–23. Mga Gawa 10–15: “Ang Salita ng Diyos ay Patuloy na Lumago at Lumaganap”


“Hulyo 17–23. Mga Gawa 10–15: ‘Ang Salita ng Diyos ay Patuloy na Lumago at Lumaganap,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Hulyo 17–23. Mga Gawa 10–15,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023

si Pedro habang kausap si Cornelio

Hulyo 17–23

Mga Gawa 10–15

“Ang Salita ng Diyos ay Patuloy na Lumago at Lumaganap”

Ang mapanalanging pag-aaral ng Mga Gawa 10–15 bago basahin ang outline na ito ay makakatulong sa iyo na tumanggap ng mga impresyon mula sa Panginoon. Ang mga ideya sa ibaba ay mga mungkahi lamang.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi sa isang katabi ang isang bagay na itinuro sa kanila ng Espiritu habang binabasa nila ang Mga Gawa 10–15. Anyayahan ang ilan na ibahagi ang kanilang mga kabatiran sa buong klase.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Mga Gawa 10; 11:1–18; 15:1–25

Tinuturuan tayo ng Ama sa Langit nang taludtod sa taludtod sa pamamagitan ng paghahayag.

  • Maaaring may mga maling pagkaunawa ang ilang miyembro ng klase tungkol sa proseso ng pagtanggap ng paghahayag. Maaaring makatulong sa kanila na talakayin kung paano dumating ang paghahayag kay Pedro at kung paano sila makakasulong, nang “walang pag-aatubili” (Mga Gawa 10:20), kapag tila hindi kumpleto o hindi malinaw ang paghahayag. Isiping gumuhit ng isang linya sa pisara at isulat sa isang dulo ng linya ang Ang ebanghelyo ay ipapangaral sa mga Gentil. Bilang isang klase, rebyuhin ang Mga Gawa 10 at 11:1–18, at pagkatapos ay magdagdag ng mga punto sa linya na nagpapakita kung paano isa-isang inihayag ng Panginoon kay Pedro na dumating na ang panahon para ipangaral ang ebanghelyo sa mga Gentil. Halimbawa, maaari kang magsimula sa isang punto na may nakasulat na “Si Cornelio ay nakakita ng isang pangitain” (Mga Gawa 10:1–6) o kahit magsimula ka pa sa utos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na “[turuan] ang lahat ng mga bansa” sa Mateo 28:19. Ano ang matututuhan natin tungkol sa paghahayag mula sa karanasan ni Pedro? Ano ang idinaragdag ng mga turo ni Nephi tungkol sa paghahayag sa 2 Nephi 28:30 at ng mga turo ni Elder David A. Bednar sa “Karagdagang Resources” sa ating pang-unawa?

    batang babaeng nagbabasa ng mga banal na kasulatan

    Ang personal na paghahayag ay kadalasang dumarating sa paglipas ng panahon sa masigasig na pagsisikap.

  • Maaari mong pag-aralan ang mga pagkakataon sa mga banal na kasulatan kung saan tinuruan ng Panginoon ang mga tao nang taludtod sa taludtod. Bukod sa karanasan ni Pedro sa Mga Gawa 10, maaaring rebyuhin ng mga miyembro ng klase ang mga karanasan nina Nephi (1 Nephi 18:1–3); Alma (Alma 7:8; 16:20); at Mormon (3 Nephi 28:17, 36–40). Anong iba pang mga halimbawa ang maaaring maisip ng mga miyembro ng klase kung saan tumanggap ng espirituwal na patnubay ang mga tao nang “kaunti rito at kaunti roon”? (2 Nephi 28:30). Bakit kaya pinipili ng Panginoon kung minsan na ihayag ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan sa halip na ibigay sa atin ang mga sagot sa isang iglap? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 50:40; 98:12).

  • Kung minsa’y may mga tanong o problema ang mga miyembro tungkol sa mga pagbabago sa mga patakaran at programa sa Simbahan. Maaaring makatulong sa kanila na talakayin kung paano pinalitan ng paghahayag na simulang ipangaral ang ebanghelyo sa mga Gentil (tingnan sa Mga Gawa 10) ang naunang mga utos ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo (tingnan sa Mateo 10:1, 5–6). Paano kaya tutugon ang mga miyembro ng klase sa isang tao noong panahon ni Pedro na hindi sumang-ayon sa utos ni Pedro dahil salungat ito sa naunang mga kaugalian? Paano tayo matutulungan ng paghahayag sa Mga Gawa 10 na pakinggan ang patuloy na paghahayag ng Panginoon sa Kanyang propeta?

Mga Gawa 10:9–48

“Walang kinikilingan ang Diyos.”

  • Makikinabang ba ang mga miyembro ng klase mo sa isang talakayan tungkol sa kahulugan ng “walang kinikilingan ang Diyos”? Maaari kang magsimula sa pag-anyaya sa klase na basahin ang mga talatang nagtuturo na walang kinikilingan ang Diyos, tulad ng Roma 2:1–11; 1 Nephi 17:34–40; 2 Nephi 26:32–33; Alma 5:33; Moroni 8:12; at Doktrina at mga Tipan 1:34–35. Hilingin sa mga miyembro ng klase na isulat ang posibleng mga kahulugan ng “walang kinikilingan,” batay sa nabasa nila, at pagkatapos ay ibahagi ang isinulat nila. Paano ipinapakita ng mga kaganapan at alituntunin sa Mga Gawa 10:34–48 na walang kinikilingan ang Diyos? Paano maaaring maging “tanggap” at “kalugud-lugod” sa Diyos ang mabubuti kahit wala Siyang kinikilingan? (tingnan sa Mga Gawa 10:34–35; 1 Nephi 17:35).

    Maaaring kailangan mong ipaunawa sa mga miyembro ng klase na ang maging “walang kinikilingan” ay hindi nangangahulugan na pinagpapala ng Diyos ang lahat nang pantay-pantay anuman ang ating mga ikinikilos. Nais Niyang tanggapin ng lahat ng Kanyang anak ang Kanyang ebanghelyo, ngunit ang kabuuan ng mga pagpapala ng ebanghelyo ay nakalaan para sa mga taong gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa Kanya.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Pagtanggap ng paghahayag nang taludtod sa taludtod.

Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Marami sa atin ang karaniwa’y nag-aakala na tatanggap tayo ng isang sagot o isang paramdam sa taimtim nating mga panalangin at pagsamo. At madalas din tayong umaasa na ang ganitong sagot o paramdam ay darating kaagad at sa isang iglap. Kaya naman, mahilig tayong maniwala na ibibigay sa atin ng Panginoon kaagad ang tamang sagot at sa isang iglap. Gayunman, ang huwarang paulit-ulit na inilarawan sa mga banal na kasulatan ay nagpapahiwatig na tumatanggap tayo nang ‘taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin,’ o sa madaling salita, maraming maliliit na sagot sa paglipas ng panahon. Ang pagkilala at pag-unawa sa huwarang ito ay mahalagang susi sa pagtatamo ng inspirasyon at tulong mula sa Espiritu Santo” (“Line upon Line, Precept upon Precept,” New Era, Set. 2010, 3–4).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magsimula sa mga banal na kasulatan. Bago bumaling sa karagdagang resources, masigasig na pag-aralan ang sinauna at makabagong mga banal na kasulatan. Ang mapanalanging pag-aaral ng salita ng Diyos ay magtutulot sa Espiritu na tulungan kang makinabang sa napag-aralan mo habang nagtuturo ka. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas12.)