“Hunyo 26–Hulyo 2. Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20–21: ‘Siya’y Nagbangon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Hunyo 26–Hulyo 2. Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20–21,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Hunyo 26–Hulyo 2
Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20–21
“Siya’y Nagbangon”
Bago siyasatin ang mga ideya sa pagtuturo sa outline na ito, basahin ang Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; at Juan 20–21, at pagnilayan kung paano maaaring gamitin ang mga kabanatang ito para palakasin ang pananampalataya ng mga tinuturuan mo.
Mag-anyayang Magbahagi
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila sa kanilang personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya, hilingin sa kanila na isulat ang isang katotohanan mula sa takdang-babasahin para sa linggong ito na sa pakiramdam nila ay dapat ibahagi sa “buong sanlibutan” (tingnan sa Marcos 16:15). Sa pagtatapos ng klase, tanungin sila kung may natagpuan silang anumang karagdagang mga katotohanan na gusto nilang ibahagi.
Ituro ang Doktrina
Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20
Dahil si Jesus ay nabuhay na mag-uli, tayo rin ay mabubuhay na mag-uli.
-
Maaari mong bigyan ang mga miyembro ng klase ng ilang minuto para rebyuhin ang takdang-babasahin sa linggong ito at ang “Pagkabuhay na Mag-uli” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan at isulat ang mga katotohanang natutuhan nila tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Hayaang ibahagi ng ilan sa kanila ang isinulat nila, at hikayatin ang mga miyembro ng klase na magtaas ng kamay kapag naririnig nilang nagbabahagi ang isang tao ng katotohanang katulad ng isinulat nila. Bakit mahalaga sa atin ang mga katotohanang ito? Paano nakakaimpluwensya ang mga ito sa ating mga relasyon? Paano nakakaimpluwensya ang mga ito sa ating mga pagpili?
Maaari nating anyayahan ang Tagapagligtas na “manatili sa atin.”
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na makita ang mga kaugnayan ng kanilang mga karanasan sa karanasan ng mga disipulo sa daan patungong Emaus, magdrowing ng isang kalsada sa pisara, at anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat ang mga detalye mula sa salaysay sa Lucas 24:13–35 sa isang panig ng kalsada. Pagkatapos, sa kabilang panig ng kalsada, maaari nilang isulat ang mga pagkakatulad na nakikita nila sa sarili nilang mga karanasan bilang mga alagad ni Jesucristo. Halimbawa, maaari nilang isulat ang “Ang kanilang mga mata ay hindi pinahihintulutan na makilala siya” (Lucas 24:16) sa isang panig ng kalsada at Kung minsa’y hindi natin napapansin ang impluwensya ng Panginoon sa ating buhay sa kabilang panig. Paano natin maaanyayahan ang Tagapagligtas na manatili sa atin?
“Mapapalad ang hindi nakakita, gayunma’y sumasampalataya.”
-
Ang klase mo sa Sunday School ay maaaring maging lugar para mapalakas ng mga miyembro ng klase ang pananampalataya ng isa’t isa sa mga bagay na hindi nila nakikita. Marahil ay maaari kang magsimula sa paghiling sa isang tao na ibuod ang karanasan ni Tomas sa Juan 20:19–29. Maaaring ilista ng mga miyembro ng klase sa pisara ang ilang bagay na hinihiling ng Diyos na paniwalaan natin kahit hindi natin nakikita. At maaari mong hilingin sa kanila na magbahagi ng mga karanasan na nagpalakas sa kanilang patotoo tungkol sa mga bagay na ito at ang mga pagpapalang dumating sa kanila nang manampalataya sila.
Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na pakainin ang Kanyang mga tupa.
-
Ano ang maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase mo para tanggapin ang paanyaya ng Tagapagligtas na “pakainin [ang Kanyang] mga tupa”? Maaari kang magsimula sa pag-anyaya sa kanila na basahin ang Juan 21:15–17 nang tahimik, na pinapalitan ang pangalan ni Simon ng sarili nilang pangalan at ang “aking mga kordero” at “aking mga tupa” ng pangalan ng mga taong sa pakiramdam nila ay nais ng Panginoon na paglingkuran nila—halimbawa, mga taong kanilang mini-minister, mga kapitbahay, o mga taong kilala nila sa trabaho o paaralan. Pagkaraan ng ilang minuto, maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang mga impresyong natanggap nila. Ano ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa Kanyang mga ginawa sa Juan 21:4–13? Ano ang magagawa natin para mapakain ang mga kordero at tupa ng Tagapagligtas? Ang pahayag ni Elder Gary E. Stevenson sa “Karagdagang Resources” ay maaaring makatulong sa pagsagot sa tanong na ito.
Karagdagang Resources
Paano natin “[mapapakain] ang [Kanyang] mga tupa”?
Ipinaliwanag ni Elder Gary E. Stevenson kung paano natin matutupad ang utos ng Panginoon na pakainin ang Kanyang mga tupa:
“Sino ang pastol? Lahat ng lalaki, babae, at bata sa kaharian ng Diyos ay isang pastol. Hindi na kailangang pormal na tawagin. Noong umahon tayo mula sa mga tubig ng binyag, inatasan na tayo sa gawaing ito. Tumutulong tayo sa ating kapwa nang may pagmamahal dahil ito ang iniutos ng ating Tagapagligtas na gawin natin. … Kapag nahihirapan sa temporal o espirituwal ang ating kapwa, tumutulong tayo sa kanila. Pinapasan natin ang pasanin ng isa’t isa, nang ang mga ito ay gumaan. Nakikidalamhati tayo sa mga yaong nagdadalamhati. Inaaliw natin yaong mga nangangailangan ng aliw [tingnan sa Mosias 18:8–9]. [Buong pagmamahal itong inaasahan] ng Panginoon sa atin. At darating ang araw na mananagot tayo para sa pangangalagang ginawa natin sa paglilingkod sa Kanyang kawan [tingnan sa Mateo 25:31–46]” (“Pangangalaga sa mga Kaluluwa,” Liahona, Nob. 2018, 111).