Lumang Tipan 2022
Disyembre 27–Enero 2. Moises 1; Abraham 3: “Ito ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian”


“Disyembre 27–Enero 2. Moises 1; Abraham 3: ‘Ito ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Disyembre 27–Enero 2. Moises 1; Abraham 3,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
larawan ng mga bituin sa kalawakan

Disyembre 27–Enero 2

Moises 1; Abraham 3

“Ito ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian”

Habang binabasa mo ang Moises 1 at Abraham 3, panatilihing bukas ang iyong puso’t isipan sa mga impresyong mula sa Espiritu. Bibigyang-inspirasyon ka Niya sa mga kaisipan at ideyang tutulong sa iyo na maghandang magturo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maaaring may ilang magagandang karanasan ang mga miyembro ng iyong klase sa pagbabasa ng Moises 1 at Abraham 3 sa bahay. Paano mo bibigyan ang mga miyembro ng klase mo ng mga pagkakataong maibahagi ang mga karanasang iyon? Maaaring ito ay kasing-simple ng pagtatanong na tulad ng mga ito: Ano ang pinaka-nagustuhan ninyo nang basahin ninyo ang mga banal na kasulatan sa linggong ito? Ano ang nakabigla sa inyo? Ano ang naging dahilan para huminto kayo at mag-isip? Ano ang nakatulong sa inyo na madamang mas malapit kayo sa inyong Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Moises 1:1–10, 37–39; Abraham 3:22–26

Bilang mga anak ng Diyos, tayo ay may banal na tadhana.

  • Ang mga katotohanang inihayag sa mga pangitain nina Moises at Abraham ay maaaring magkaroon ng malaking impluwensya sa ating mga pagpapasiya at kakayahang daigin ang mga hamon ng buhay. Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase mo na matuklasan ang mga katotohanang ito sa Moises 1 at Abraham 3? Ang isang ideya ay hatiin ang klase sa mga grupo at iatas sa bawat grupo ang isa sa sumusunod na mga sipi: Moises 1:1–10; Moises 1:37–39; Abraham 3:22–26. Bawat grupo ay maaaring hanapin ang mga sagot sa mga tanong na tulad ng “Sino ako?” “Bakit ako narito?” at “Ano ang nais ng Diyos na kahinatnan ko?” Pagkaraan ng sapat na oras, maaari nang ibahagi ng mga grupo ang kanilang mga sagot. Paano maiimpluwensyahan ng mga sagot na ito ang ating pang-araw-araw na kilos?

    Larawan
    si Jesucristo sa gitna ng mga bituin

    Christ and the Creation [Si Cristo at ang Paglikha], ni Robert T. Barrett

Moises 1:12–23

Malalabanan natin ang impluwensya ni Satanas.

  • Ang paghaharap ni Moises at ni Satanas, na matatagpuan sa Moises 1:12–23, ay may mga aral na maaaring makatulong sa mga miyembro ng iyong klase kapag nahaharap sila sa tukso o panlilinlang ng kaaway. Ano ang matututuhan natin mula sa tugon ni Moises? Tulungan ang mga miyembro ng klase na talakayin ang isa sa mga taktika ni Satanas—ang pagtukso sa atin na pagdudahan ang ating mga espirituwal na karanasan. Maaaring makabuluhan kung magbabahagi ng mga ideya at panghihikayat ang mga miyembro ng klase para matulungan ang bawat isa na matuklasan at malabanan ang mga pagtatangka ni Satanas.

  • Ang isang aral mula sa karanasan ni Moises ay tinutukso tayo ni Satanas sa pamamagitan ng panghuhuwad sa katotohanan at kapangyarihan ng Diyos. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na maisaisip ito, maaari kang magdala sa klase ng ilang bagay na pekeng bersyon ng iba pang mga bagay, tulad ng isang artipisyal na halaman o isang baby doll. Paano natin masasabi na peke ito? Ano ang ilan sa mga panghuhuwad na ginagamit ni Satanas ngayon para tuksuhin tayo? Paano natin makikilala at matatanggihan ang mga ito? (Para malaman kung paano ito ginawa ni Moises, tingnan sa Moises 1:13–18.) Paano tayo tinutulungan ng Panginoon sa ating pagsisikap? (tingnan sa Moises 1:24–26).

Abraham 3:22–28

Ang buhay na ito ang ating pagkakataong ipakita na gagawin natin ang ipinag-uutos ng Diyos.

  • Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na ituring ang kanilang buhay na isang pagkakataong patunayan ang kanilang katapatan sa mga utos ng Diyos? Maaari kang magsimula sa paghiling sa kanila na magkuwento tungkol sa mga karanasang kinailangan nilang magpamalas ng kahusayan sa isang kasanayan—halimbawa, sa paaralan, sa trabaho, o sa isang athletic team. Maaari nilang ikuwento kung ano ang ipinagawa sa kanila upang patunayan ang kanilang sarili. Paano natutulad ang mga karanasang ito sa inilarawan sa Abraham 3:24–26? Paano nagkaiba ang mga ito? Paano natin isasama ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas sa ating mga pagsisikap na “patunayan” ang ating sarili? (Abraham 3:25). Paano nakakaapekto sa paraan ng ating pagtugon sa mga hamon ng buhay ang kaalaman na narito tayo upang patunayan na tayo ay masunurin?

  • Ano pa ang matututuhan natin mula sa Abraham 3:22–28 tungkol sa premortal na buhay, o sa ating “unang kalagayan”? (talata 26). Bakit mahalaga sa atin ang mga katotohanang ito?

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Huwag pagdudahan ang naihayag sa iyo.

Ganito ang itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland tungkol sa karanasan ni Moises sa Moises 1: “Ang mensahe sa inyo ni Moises ngayon ay: Huwag magpabaya. Huwag mag-akala na ang isang dakilang paghahayag, ang ilan ay kahanga-hanga, sandali ng kaliwanagan, pagbubukas ng isang binigyang-inspirasyong landas, ang siyang katapusan nito. … Kapag nagkaroon ng kaliwanagan, mag-ingat sa tuksong umurong sa isang mabuting bagay. Kung ito’y tama nang ipagdasal ninyo ito at nagtiwala at umasa rito, tama ito ngayon. Huwag sumuko kapag dumarami ang mga pasanin. Huwag na huwag magpatukso sa nilalang na iyon na nakatuon sa pagkawasak ng inyong kaligayahan. Harapin ang inyong mga pag-aalinlangan. Daigin ang inyong mga takot. ‘Huwag nga ninyong itakuwil ang inyong pagkakatiwala’ [Sa Mga Hebreo 10:35]. Manatili sa daan at masdan ang ganda ng buhay na nabubuksan para sa inyo” (“Huwag nga Ninyong Itakuwil ang Inyong Pagkakatiwala,” Liahona, Hun. 2000, 7, 9).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga mag-aaral na tuklasin ang mga katotohanan sa mga banal na kasulatan. Sa pag-anyaya sa mga miyembro ng klase na basahin ang isang sipi sa banal na kasulatan, maaari mo silang bigyan ng isang partikular na bagay na hahanapin o iisipin. Halimbawa, maaari silang maghanap ng isang bagay na natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas o isang bagay na gusto nilang ibahagi sa isang kapamilya. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 21.)

Print