Lumang Tipan 2022
Enero 10–16. Genesis 3–4; Moises 4–5: Ang Pagkahulog nina Eva at Adan


“Enero 10–16. Genesis 3–4; Moises 4–5: Ang Pagkahulog nina Eva at Adan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Enero 10–16. Genesis 3–4; Moises 4–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
sina Eva at Adan na magkasamang namamasyal

Adam and Eve [Adan at Eva], ni Douglas M. Fryer

Enero 10–16

Genesis 3–4; Moises 4–5

Ang Pagkahulog nina Eva at Adan

Habang naghahanda kang magturo tungkol sa Genesis 3–4 at Moises 4–5, pag-isipan kung anong mga tanong o aktibidad ang maaaring mas magpaunawa sa mga miyembro ng klase sa Pagkahulog nina Eva at Adan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maaaring rebyuhin nang bahagya ng mga miyembro ng klase ang Genesis 3–4 o Moises 4–5, pumili ng isang talatang namumukod-tangi sa kanila, at ibahagi ito sa isang taong nakaupo malapit sa kanila. Pagkatapos ay maaaring magbahagi ang ilang tao ng isang kabatiran sa klase.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Moises 4:1–13; 5:1–12

Kailangan natin ng kalayaan at oposisyon para lumago.

  • Dahil ang kalayaan—ang karapatang ibinigay ng Diyos na magpasiya—ay isang napakahalagang bahagi ng buhay na ito, kung minsa’y binabalewala natin ito. Para mapalalim ang pagpapahalaga ng mga miyembro ng klase para sa kaloob na ito, maaari nilang basahin at talakayin ang Moises 4:1–4. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa kahulugan ng kalayaan? Bakit mawawasak ang plano ng Diyos kung wala tayong kalayaan? Ang sipi sa “Karagdagang Resources” ay maaaring makapagbigay ng ilang kabatiran.

  • Marahil ay pinag-aralan ng mga miyembro ng klase ang mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks na “Pagsalungat sa Lahat ng Bagay” (Liahona, Mayo 2016, 114–17) bilang bahagi ng kanilang pag-aaral nang mag-isa o bilang pamilya sa linggong ito. Sa linggong ito, maaari mong isiping anyayahan ang ilang tao na pumasok na handang magbahagi ng isang bagay mula sa kanyang mensahe na nagpaunawa sa kanila sa Pagkahulog nina Eva at Adan (tingnan lalo na sa mga bahagi 1 at II). Bakit tayo tinutulutan ng Ama sa Langit na makaranas ng “pagsalungat sa lahat ng bagay”? (tingnan sa 2 Nephi 2:11–16). Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang Doktrina at mga Tipan 29:39–40 at talakayin kung bakit kailangan ang mga panunukso ni Satanas sa plano ng Diyos. Paano tayo tinutulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kapag nahaharap tayo sa tukso?

    Larawan
    Eva na may hawak na prutas

    Leaving Eden [Paglisan sa Eden], ni Annie Henrie Nader

Moises 4:4–12; 5:13–33

Hangad ni Satanas na “linlangin at bulagin” tayo.

  • Matutulungan ng Moises 4:4–12; 5:13–33 ang mga miyembro ng klase mo na tukuyin ang ilang paraan na tinutukso tayo ni Satanas na gumawa ng masama. Maaari mong hilingin sa kalahati ng klase na basahin ang Moises 4:4–12 at sa natitirang kalahati na basahin ang Moises 5:13, 18–33. Habang nagbabasa sila, maaari nilang ilista ang mga paraan na sinisikap ni Satanas na tuksuhin sina Eva at Adan at ang kanilang mga anak. Paano niya tinatangkang gawin ang mga bagay na ito ngayon? Paano tayo matutulungan ng Ama sa Langit na labanan ang mga panlilinlang ni Satanas?

Genesis 3:1–7; Moises 4:22–31; 5:4–15

Nag-aalok ng pag-asa at pagtubos mula sa Pagkahulog ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

  • Kapag mas nauunawaan natin ang mga epekto ng Pagkahulog, mas napapahalagahan natin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Maaaring hanapin ng mga miyembro ng klase ang mga epekto ng Pagkahulog sa Genesis 3:1–7; Moises 4:22–31 at ilista sa pisara ang natagpuan nila. Pagkatapos ay maaari nilang saliksikin ang Moises 5:4–12, 14–15 para malaman ang plano ng Diyos na tubusin tayo mula sa mga epektong iyon (tingnan din sa 2 Nephi 2:19–25; Alma 12:22–34) at ilista sa pisara ang napag-alaman nila. Maaari din nilang ibahagi kung ano ang hinahangaan nila sa mga patotoo nina Eva at Adan tungkol kay Jesucristo na matatagpuan sa mga talata 10–12. Ano ang nadarama natin tungkol sa plano ng Diyos matapos basahin ang mga talatang ito?

  • Ang kuwento ng pag-asa at pagkatubos nina Eva at Adan ay maaaring magpalakas ng loob ng mga miyembro ng klase kapag mahirap ang buhay. Isiping anyayahan sila na maghanap ng mga salita at parirala sa Moises 5:7–12 na nagpapahayag ng pag-asang nadama nina Eva at Adan nang malaman nila na maaari silang matubos ng Tagapagligtas. Kailan tayo nakadama ng pag-asang katulad ng nadama nina Eva at Adan? Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang mga paborito nilang himno na nagpapahayag ng pag-asang dumarating sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Maaari ninyong kantahin nang sabay-sabay ang ilan sa mga ito.

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Maaari tayong pumili para sa ating sarili.

Itinuro ni Elder Dale G. Renlund:

“Ang mithiin ng ating Ama sa Langit bilang magulang ay hindi ang iutos sa Kanyang mga anak na gawin kung ano ang tama; kundi ang piliin na gawin kung ano ang tama at sa huli ay maging katulad Niya. Kung ang nais lang Niya ay maging masunurin tayo, bibigyan Niya kaagad tayo ng mga gantimpala o kaparusahan para maimpluwensyahan ang ating pag-uugali.

“Ngunit hindi nais ng Diyos na maging parang mahusay at masunuring ‘alagang hayop’ lang ang Kanyang mga anak na hindi naninira ng Kanyang mga tsinelas sa salas ng selestiyal na kaharian. Hindi ito ganoon, nais ng Diyos na espirituwal na umunlad ang Kanyang mga anak at makiisa sa Kanya sa gawain ng pamilya” (“Piliin Ninyo sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2018, 104).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Pag-ibayuhin ang partisipasyon ng mga miyembro ng klase. Maraming aktibidad ang magagawa sa klase, sa maliliit na grupo, o nang magkakapares. Gumamit ng iba’t ibang pamamaraan upang makabahagi ang mga tao na maaaring hindi magkaroon ng pagkakataong makalahok. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 33–34.)

Print