Lumang Tipan 2022
Enero 17–23. Genesis 5; Moises 6: “Malayang Ituro ang mga Bagay na Ito sa Iyong mga Anak”


“Enero 17–23. Genesis 5; Moises 6: ‘Malayang Ituro ang mga Bagay na Ito sa Iyong mga Anak,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Enero 17–23. Genesis 5; Moises 6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
sina Eva at Adan sa labas ng Halamanan ng Eden

Better than Paradise [Mas Maganda kaysa sa Paraiso], ni Kendal Ray Johnson

Enero 17–23

Genesis 5; Moises 6

“Malayang Ituro ang mga Bagay na Ito sa Iyong mga Anak”

Bago mo basahin ang anumang karagdagang materyal, basahin at pagnilayan ang Genesis 5 at Moises 6, at itala ang iyong mga espirituwal na impresyon. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at ang outline na ito ay makapagbibigay sa iyo ng mga ideya kung paano tutulungan ang mga tinuturuan mo na matuklasan ang mga katotohanang may kaugnayan sa kanila.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Paano mo mahihikayat ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga kabatiran at karanasan nila nang pag-aralan nila ang Genesis 5 at Moises 6? Maaari mong isulat sa pisara ang mga pangalang Adan at Enoc at anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat ang isang bagay na ginawa o itinuro ng isa sa mga propetang ito na naging makabuluhan sa kanila.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Moises 6:26–39

Tinatawag tayo ng Panginoon na gawin ang Kanyang gawain sa kabila ng ating mga kakulangan.

  • Malamang na nadama—o nadarama—ng isang tao sa klase mo na hindi niya kaya ang isang responsibilidad sa bahay o sa simbahan. Para mapalakas ang pananampalataya ng mga miyembro ng klase na matutulungan sila ng Panginoon, maaari mo silang anyayahang basahin ang karanasan ni Enoc na matatagpuan sa Moises 6:26–39. Paano tinulungan ng Diyos si Enoc na gawin ang Kanyang gawain sa kabila ng mga pangamba ni Enoc? Hilingin sa mga miyembro ng klase na mag-isip ng iba pang mga halimbawa ng mga taong nadaig ang kanilang mga kahinaan at naisakatuparan ang gawain ng Panginoon, mula sa mga banal na kasulatan man o sa sarili nilang buhay. Anong mga halimbawa ang maibabahagi natin? (tingnan din sa Exodo 4:10–16; Jeremias 1:4–10; 2 Nephi 33:1–4; Eter 12:23–29).

  • Maraming makabagong apostol at propeta ang nagpahayag ng mga pagkabahalang katulad ng kay Enoc nang ilarawan nila ang pakiramdam nang matanggap ang kanilang tawag. Maaaring makaragdag ang kanilang mga karanasan sa pag-unawa ng mga miyembro ng klase sa Moises 6:26–39. Isiping rebyuhin ang mensahe ng isang miyembro ng Korum ng Labindalawa na kailan lang tinawag (halimbawa, tingnan ang mga patotoo nina Elder Ronald A. Rasband, Elder Gary E. Stevenson, at Elder Dale G. Renlund [Liahona, Nob. 2015, 89–94]). Ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang hinahangaan nila tungkol sa mga halimbawang ito. Ano ang matututuhan natin mula sa mga pinunong ito tungkol sa ating sariling damdamin ng kakulangan? Maaari ding makatulong ang pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson sa “Karagdagang Resources” bilang bahagi ng talakayang ito.

Moises 6:48–65

Inihahanda tayo ng pananampalataya, pagsisisi, binyag, at pagtanggap ng Espiritu Santo na makabalik sa Diyos.

  • Iminumungkahi sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya na basahin ang Moises 6:48–62 para makita kung ano ang kailangang malaman at gawin ng bawat isa sa atin upang matubos. Marahil ay makapagbabahagi ang mga miyembro ng klase ng anumang mga kabatiran na nagmula sa pag-aaral na iyon sa bahay nila. O maaari ninyong sama-samang talakayin ang Moises 6:48–62 sa klase. Paano tayo tutugon sa isang taong nagtatanong kung bakit kailangan ang pananampalataya, pagsisisi, binyag, at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo? Paano sinasagot ng Panginoon ang tanong na ito sa mga talata 53–65, at ano ang matututuhan natin mula sa Kanyang sagot?

    Larawan
    pamilyang nag-aaral ng mga banal na kasulatan

    Dapat ituro ng mga magulang ang ebanghelyo sa kanilang mga anak.

Moises 6:51–63

“Malayang ituro ang mga bagay na ito sa iyong mga anak.”

  • Sa Moises 6:51–63 nalaman natin ang mga katotohanan ng ebanghelyo na itinuro ng Panginoon kay Adan at hiniling Niya sa kanya na ituro sa mga darating na henerasyon. Marahil ay maaaring ilista ng mga miyembro ng klase ang mga katotohanang ito sa pamamagitan ng pag-aaral sa maliliit na grupo ng mga talata, tulad ng mga talata 51–52, 53–57, 58–60, 61–63. Bakit mahalaga ang mga katotohanang ito sa bagong-usbong na henerasyon ngayon? Ano ang nanaisin mong malaman ng mga kabataan tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talatang ito? Maaaring handang magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga ideya o karanasan para matulungan ang isa’t isa na maituro nang mas epektibo ang mga katotohanang ito sa mga bata at kabataan. Ano pa ang matututuhan natin mula sa mga tagubilin ng Panginoon sa mga magulang sa Mosias 4:14–15 at Doktrina at mga Tipan 68:25–28; 93:40–50?

  • Tingnan kung ano ang itinuturo ng Moises 6 tungkol sa responsibilidad ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak. Ano ang natutuhan natin tungkol sa pagtuturo ng ebanghelyo sa ating mga anak?  Kung mga kabataan ang tinuturuan mo, maaari mo silang anyayahang ibahagi kung paano nila masusuportahan ang kanilang mga magulang sa pagsisikap nilang ituro ang ebanghelyo sa bahay.

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

“Ang sinumang tawagin ng Panginoon ay pinagigindapat ng Panginoon.”

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson: “Ang ilan sa inyo ay maaaring likas na mahiyain o nag-iisip na hindi ninyo kayang gampanan ang isang tungkulin. Tandaan na ang gawaing ito ay hindi lamang sa inyo at sa akin. Ito ay gawain ng Panginoon, at kapag tayo ay nasa paglilingkod ng Panginoon, may karapatan tayo sa tulong ng Panginoon. Tandaan na sinumang tinawag ng Panginoon ay binibigyan Niya ng kakayahan” (“Duty Calls,Ensign, Mayo 1996, 44).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ang Espiritu Santo ang guro. Ang tungkulin ninyo bilang guro ay mahalaga, ngunit alalahanin na ang Espiritu Santo ang tunay na guro. Tulungang matuto ang mga miyembro ng klase mula sa Espiritu at magbahagi sa isa’t isa ng kanilang natututuhan.

Print