Lumang Tipan 2022
Hulyo 4–10. 2 Mga Hari 2–7: “May Isang Propeta sa Israel”


“Hulyo 4–10. 2 Mga Hari 2–7: ‘May Isang Propeta sa Israel,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Hulyo 4–10. 2 Mga Hari 2–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
si Eliseo na ipinapakita sa alipin ang mga karwahe ng apoy

Paglalarawan kay Eliseo na ipinapakita sa kanyang alipin ang mga karwahe ng apoy, © Review & Herald Publishing/lisensyado ng goodsalt.com

Hulyo 4–10

2 Mga Hari 2–7

“May Isang Propeta sa Israel”

Habang naghahanda kang magturo, basahin ang 2 Mga Hari 2–7 na naghahangad ng inspirasyon para sa sarili mong buhay. Pagkatapos ay pakinggan ang mga pahiwatig tungkol sa mga mensaheng magpapala sa mga miyembro ng klase mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Kung minsan ay kailangan ng oras ng mga miyembro ng klase para rebyuhin nang bahagya ang mga kabanatang nabasa nila bago sila makapagbahagi ng mga kabatiran mula sa kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Subuking maglaan ng ilang minuto para dito sa simula ng klase; pagkatapos ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

2 Mga Hari 2–6

Makakagawa ng mga himala ang Diyos sa ating buhay.

  • Habang tinatalakay mo ang mga himala sa 2 Mga Hari 2–6, maaaring makatulong na hilingin sa mga miyembro ng klase na ipaliwanag ang salitang himala. Maaari mong ibahagi ang kabatirang ito mula kay Pangulong Howard W. Hunter: “[Ang mga himala] ay mga palatandaan ng kapangyarihan [ng Diyos] na hindi natin kayang ipaliwanag o lubos na maunawaan. … Ang mga tanda at kababalaghang ito ay napakalinaw sa buhay at ministeryo ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos mismo. Ngunit kahit nakakagulat at nakamamangha ang mga ito, ang maraming himala ni Cristo ay mga anino lamang ng mas dakilang mga kababalaghang naisagawa ng kanyang Ama bago ang pagsasagawa niya at patuloy na nagsasagawa sa buong paligid natin. … Palaging magkakaroon ng maraming himala kung tayo ay may mga matang makakakita at mga pandinig na makakarinig” (“The God That Doest Wonders,” Ensign, Mayo 1989, 15–16). Paano tayo natutulungan ng mga kabatirang ito na makita ang kamay ng Diyos sa ating buhay?

  • Isiping hilingin sa mga miyembro ng klase na ilista ang ilan sa mga himalang inilarawan sa 2 Mga Hari 2–6. Ano ang natututuhan natin tungkol sa Panginoon sa mga himalang ito? Maaaring handa rin ang mga miyembro ng klase na pag-usapan ang mga himala—malaki man o maliit—na naranasan nila o ng kanilang pamilya. Paano natin higit na mapapansin ang mga himala ng Diyos sa ating buhay—pati na yaong mga naiiba sa inasahan natin?

  • Maaaring makapagbigay ng inspirasyon sa mga miyembro ng klase na ikumpara ang ilan sa mga himalang ginawa ni Eliseo sa ilang himalang isinagawa ni Jesucristo (tingnan sa 2 Mga Hari 4:8–37 at Lucas 7:11–16; 2 Mga Hari 4:42–44 at Juan 6:1–13; 2 Mga Hari 5:1–15 at Lucas 17:11–19). Ano ang itinuturo sa atin ng mga himalang ito tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga propeta?

2 Mga Hari 5:1–19

Kung tayo ay mapagpakumbaba at masunurin, mapapagaling tayo ni Jesucristo.

  • Ang isang aral na matututuhan natin mula sa pagpapagaling ng ketong ni Naaman ay ang kahalagahan ng pagpapakumbaba. Para makapagsimula ng isang talakayan, maaari mong isulat sa pisara ang Kahambugan ni Naaman at ang Kapakumbabaan ni Naaman. Maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang 2 Mga Hari 5:1–19 at isulat sa pisara ang mga katagang naglalarawan sa kahambugan o kapakumbabaan ni Naaman. Paano tayo kagaya ni Naaman kung minsan? Paano tayo kagaya ng kanyang mga alipin kung minsan? Paano natin nalaman ang nalaman ni Naaman?

  • Ang isa pang aral na matututuhan natin mula sa kuwentong ito ay ang kahalagahan ng pagsunod sa Diyos sa maliliit na bagay. Maaari ka ring magsimula sa pagbabasa sa 2 Mga Hari 5:9–12 at pagtatanong sa mga naiisip ng mga miyembro ng klase kung bakit “umalis na galit na galit” si Naaman (talata 12). Bakit mas gusto nating gawin kung minsan ang “mahirap na bagay” na ipinagagawa sa atin ng Diyos, sa halip na ang mga simpleng bagay? (talata 13). Ano ang kahalagahan ng paggawa ng mga simpleng bagay na ito?

2 Mga Hari 6:8–23

“Ang mga kasama natin ay higit kaysa mga kasama nila.”

  • May mga sandali tayong lahat na pakiramdam natin ay nag-iisa tayo o natatakot. Isipin kung paano maaaring makatulong ang pagtalakay sa salaysay sa 2 Mga Hari 6:8–23 sa mga miyembro ng klase na ganito ang pakiramdam. Maaari kang magsimula sa simpleng pagtatanong sa mga miyembro ng klase kung ano ang hinahangaan nila sa mga talatang ito. Maaari din silang magbahagi ng mga karanasan kung kailan “binuksan ng Panginoon ang [kanilang] mga mata” (talata 17) at tinulungan silang makita na hindi sila nag-iisa (tingnan din sa “Karagdagang Resources”). Paano natin matutulungan ang isa’t isa na “huwag matakot”? (talata 16).

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

“Buksan ang ating espirituwal na mga mata.”

Sa pagtukoy sa salaysay sa 2 Mga Hari 6:8–23, sinabi ni Elder Ronald A. Rasband:

“Maaaring mayroon o wala tayong mga karwahe ng apoy na ipinadala sa atin upang tanggalin ang ating takot at magapi ang mga kahinaan natin, ngunit malinaw ang aral. Ang Panginoon ay nasasaatin, nag-aalala Siya sa atin at binibiyayaan tayo sa mga paraang tanging Siya lamang ang nakagagawa. Ang panalangin ay maaaring magbigay ng lakas at paghahayag na kailangan natin upang maisentro ang ating mga pag-iisip kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Alam ng Panginoon na kung minsan ay makararamdam tayo ng takot. Naramdaman ko na iyon at gayundin kayo. … Sa Simbahan na ito maaaring kaunti ang bilang natin batay sa kung paano sukatin ng mundo ang impluwensiya, ngunit kapag binuksan natin ang ating espirituwal na mga mata, ‘ang mga kasama natin ay higit kaysa mga kasama nila’ [2 Mga Hari 6:16]” (“Huwag Kayong Mabagabag,” Liahona, Nob. 2018, 18–19).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Pasangguniin ang mga mag-aaral sa mga banal na kasulatan. Tuwing magagawa ninyo, hikayatin ang mga miyembro ng klase na bumaling sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga buhay na propeta para sa patnubay, mga sagot sa mga tanong, at suporta. Ang salita ng Diyos ang pinakadakilang pinagmumulan ng katotohanan. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 21.)

Print