Lumang Tipan 2022
Hulyo 18–24. Ezra 1; 3–7; Nehemias 2; 4–6; 8: “Ako’y Gumagawa ng Isang Dakilang Gawain”


“Hulyo 18–24. Ezra 1; 3–7; Nehemias 2; 4–6; 8: ‘Ako’y Gumagawa ng Isang Dakilang Gawain’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Hulyo 18–24. Ezra 1; 3–7; Nehemias 2; 4–6; 8,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
templo ni Zerubabel

Paglalarawan ng templo ni Zerubabel, ni Sam Lawlor

Hulyo 18–24

Ezra 1; 3–7; Nehemias 2; 4–6; 8

“Ako’y Gumagawa ng Isang Dakilang Gawain”

Kapag inanyayahan mo ang mga miyembro ng klase mo na ibahagi kung ano ang tumatak sa isipan nila sa mga aklat nina Ezra at Nehemias, ibahagi rin ang anumang mga impresyong natanggap mo sa iyong pag-aaral.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Kung minsan ang pagsulat ng mahahalagang salita o kataga sa pisara ay makakapagpaalala sa mga miyembro ng klase ng mga bagay na natutuhan nila mula sa mga banal na kasulatan at magiging mas madali para sa kanila ang magbahagi. Halimbawa, maaari mong isulat sa pisara ang Muling Itayo, Ayusin, at Muling Itatag at anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga talata mula sa nabasa nila na may kaugnayan sa isa o higit pa sa mga salitang ito.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Ezra 3:8–13; 6:16–22

Ang mga templo ay makapaghahatid sa atin ng kagalakan.

  • Ang pagbabasa tungkol sa kagalakang nadama ng mga Judio nang muling itayo ang kanilang templo ay maaaring magpadama sa mga miyembro ng klase ng higit na pagpapahalaga sa mga templo sa ating panahon. Marahil ay maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang Ezra 3:8–13 at 6:16–22 at pagkatapos ay talakayin ang ilan sa mga paraan na ipinagdiwang ng mga Judio ang muling pagtatayo at paglalaan ng templo. Bakit isang dahilan ng pagdiriwang ang pagtatayo ng isang templo? Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano naghahatid ng galak sa kanila ang mga templo, at ang gawaing ginagawa natin doon. Ang pahayag sa “Karagdagang Resources” ay makakahikayat sa mga miyembro ng klase na maranasan ang galak ng gawain sa templo.

    Larawan
    pamilyang naglalakad sa bakuran ng templo

    Ang templo ay maaaring pagmulan ng galak sa ating buhay.

Ezra 4–5; Nehemias 2; 4; 6

Matutulungan nating sumulong ang gawain ng Diyos sa kabila ng oposisyon.

  • Inilalarawan sa mga aklat nina Ezra at Nehemias ang mga taong nagsasakatuparan ng mahalagang gawain sa kabila ng oposisyon mula sa kanilang mga kaaway. Para magpasimula ng isang talakayan, maaari mong itanong sa mga miyembro ng klase kung anong “dakilang gawain” ni Nehemias (Nehemias 6:3) ang maaaring ikumpara sa ating buhay. Anong mahalagang gawain ang ipinagagawa sa atin ng Diyos? Pagkatapos ay maaari ninyong basahin ang Ezra 4:4 at talakayin kung paano sinisikap ni Satanas na pahinain ang ating mga kakayahan at bagabagin tayo sa paggawa ng gawain ng Diyos. Ano ang natututuhan natin kay Nehemias at sa kanyang mga kapwa manggagawa sa Nehemias 2:18–20; 4:6–9; at 6:1–3? Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng “isang pag-iisip sa paggawa” sa paglilingkod sa Tagapagligtas? (Nehemias 4:6). Isiping ibahagi ang bahagi ng mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “Kami’y Gumagawa ng Dakilang Gawain, na Anopa’t Hindi Kami Makababa” (Liahona, Mayo 2009, 59–62), lalo na ang huling dalawang bahagi.

  • Maaari kang magkainspirasyon na pamunuan ang isang talakayan na nagkukumpara sa mga pagsisikap ni Zerubabel na muling itayo ang templo sa ating mga pagsisikap na makapasok sa templo at gumawa ng nakapagliligtas na gawain doon. Halimbawa, maaari mong isulat ang dalawang heading sa pisara: Zerubabel at Tayo. Sa ilalim ng Zerubabel, maaaring isulat ng mga miyembro ng klase kung ano ang ginawa ng “mga kaaway ng Juda at Benjamin” (Ezra 4:1) para subukang pigilan si Zerubabel at ang mga mamamayang Judio na muling itayo ang templo (tingnan sa Ezra 4). Sa ilalim ng Tayo, maaaring ilista ng mga miyembro ng klase ang mga paraan na sinusubukan ng kaaway na pigilan tayong pumunta sa templo. Pagkatapos ay maaari silang magbigay ng payo sa isa’t isa kung paano tayo makakahingi ng tulong sa Panginoon sa pagdaig sa oposisyong iyon.

Nehemias 8:1–12

Pinagpapala tayo kapag pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan.

  • Marahil ay maaaring sama-samang basahin ng mga miyembro ng klase ang Nehemias 8:1–12 at talakayin kung ano ang nadama ni Ezra at ng kanyang mga tao tungkol sa Diyos at sa Kanyang salita. Hikayatin ang mga miyembro ng klase na sumangguni sa partikular na mga talata na nagpapakita kung ano ang kanilang nadama. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ipahayag kung ano ang nadarama nila tungkol sa salita ng Diyos. Paano natin mapagbubuti ang ating mga pagsisikap na pag-aralan ang salita ng Diyos?

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Damhin ang galak ng templo.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Magkaka-inspirasyon tayo buong araw tungkol sa mga karanasan sa templo at family history na naranasan ng iba. Ngunit may kailangan tayong gawin upang tayo mismo ang makaranas ng kagalakang dulot nito. Gusto kong hamunin ang bawat isa sa atin para magpatuloy at mag-ibayo pa ang magandang pakiramdam sa gawaing ito. Hinihikayat ko kayo na mapanalanging isaalang-alang kung anong klaseng sakripisyo—mas mainam kung pagsasakripisyo ng oras—ang magagawa ninyo upang mas marami kayong magawa sa templo at family history sa taong ito.

Nakikibahagi tayo sa gawain ng Pinakamakapangyarihang Diyos. Siya ay buhay. Si Jesus ang Cristo. Ito ang Kanyang Simbahan. Tayo ay Kanyang mga pinagtipanang anak. Makakaasa Siya sa atin” (Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Buksan ang Kalangitan sa Pamamagitan ng Gawain sa Templo at Family History,” Liahona, Okt. 2017, 39).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Isali ang mga magulang ng mga kabataan. Kung mga kabataan ang tinuturuan mo, ibahagi ang itinuturo mo sa kanilang mga magulang. Maipapaunawa nila sa iyo ang mga pangangailangan ng mga kabataan at kung paano sila tutulungan. Maaari din itong maging isang magandang paraan para makahikayat ng mga talakayan sa pamilya tungkol sa natututuhan ng mga kabataan sa klase. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 27.)

Print