Lumang Tipan 2022
Hulyo 25–31. Esther: “Nakarating Ka sa Kaharian … sa Pagkakataong Ganito”


“Hulyo 25–31. Esther: ‘Nakarating Ka sa Kaharian … sa Pagkakataong Ganito’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Hulyo 25–31. Esther,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
si Esther na nagdarasal

Esther, ni James Johnson

Hulyo 25–31

Esther

“Nakarating Ka sa Kaharian … sa Pagkakataong Ganito”

Gaano mo kakilala ang mga miyembro ng klase mo? Subuking mas kilalanin ang isang miyembro ng klase bawat linggo. Makakatulong ito sa iyo na isipin ang kanilang mga pangangailangan habang naghahanda kang magturo (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 7).

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase sa isang taong nakaupo na malapit sa kanila ang isang bagay na itinuro sa kanila ng Espiritu, isang bagay na mas naunawaan nila, o isang bagay na inihalintulad nila sa kanilang buhay habang binabasa nila ang aklat ni Esther. Pagkatapos ay maaaring magbahagi ang ilan sa kanila sa buong klase.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Esther

Inilalagay tayo ng Panginoon sa mga sitwasyon kung saan maaari nating pagpalain ang iba.

  • Maaaring humanap ng mga paraan ang mga miyembro ng inyong klase na ginawang posible ng Panginoon na mailigtas ni Esther ang mga Judio, ayon sa nakamungkahi sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Anyayahan silang ibahagi ang natuklasan nila. O maaari kayong sama-samang maghanap ng ilang halimbawa (tingnan sa Esther 2:21–23; 3:10–14; 4:14–16). Ano ang magagawa natin para makilala ang kamay ng Diyos sa ating buhay? May sagot sa pahayag ni Elder Neil L. Andersen sa “Karagdagang Resources” sa tanong na ito.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase mo na pag-isipan kung paano sila naihanda ng Panginoon “sa pagkakataong ganito” (Esther 4:14), anyayahan silang basahin ang Esther 4:10–17. Paano nakatulong kay Esther ang mga salita ni Mordecai para magpasiya siyang ipagtanggol ang kanyang mga tao? Tulad ng paglalagay ng Diyos kay Esther sa isang posisyon kung saan maaari niyang iligtas ang mga Judio, ano ang ilang sitwasyong pinaglalagyan Niya sa atin upang mapagpala ang iba? Paano tayo magiging mas mabuting kasangkapan sa Kanyang mga kamay? Ang pagbabasa sa pahayag ni Sister Virginia U. Jensen sa “Karagdagang Resources” ay maaaring magbigay-inspirasyon sa mga miyembro ng klase na isipin ang mga pagkakataon na nadama nila na sila ay mga kasangkapan para sa Panginoon. Hilingin sa kanila na ibahagi ang kanilang mga karanasan, ayon sa patnubay ng Espiritu.

Esther 4

Ang pag-aayuno ay nagpapamalas ng ating pag-asa sa Panginoon.

  • Magagamit mo ang Esther 4 para talakayin ang mga pagpapalang nagmumula sa pag-aayuno. Maaari mong iparebyu sa isang miyembro ng klase ang mga kaganapang nagtulak kay Esther at sa iba pang mga Judio na mag-ayuno. Bakit sila nagpasiyang mag-ayuno? Bakit tayo nagpapasiyang mag-ayuno? Maaari ninyong sama-samang rebyuhin ang ilang karagdagang mga talata sa banal na kasulatan tungkol sa pag-aayuno, tulad ng Isaias 58:6–12 at Mateo 4:1–4; 17:14–21 (tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ayuno, Pag-aayuno,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Marahil ay maaaring magbahagi ka o ang ilang miyembro ng klase ng mga karanasan na nagpapamalas kung paano inihahatid ng pag-aayuno ang kapangyarihan ng Panginoon sa ating buhay.

Esther 3:1–11; 4:10–17; 5:1–4

Ang paggawa ng tama ay kadalasang nangangailangan ng malaking katapangan.

  • Ang mga salaysay tungkol sa matapang na paninindigan nina Mordecai at Esther para sa kabutihan ay makapagbibigay-inspirasyon sa mga miyembro ng klase na magkaroon ng tapang na gawin ang tama. Maaari mong anyayahan ang kalahati ng klase na basahin ang tungkol kay Mordecai (tingnan sa Esther 3:1–11) at ang natitirang kalahati na basahin ang tungkol kay Esther (tingnan sa Esther 4:10–17; 5:1–4). Kung narito sila ngayon, ano kaya ang sasabihin nina Mordecai at Esther para hikayatin tayo kapag mahirap gawin ang tama? Maaari ding magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga sitwasyon kung kailan kinailangan nilang kumilos nang buong tapang. Maaari mong anyayahan ang klase na kantahin o basahin ang mga titik ng isang awit tungkol sa paninindigan sa katotohanan, tulad ng “Gawin ang Tama” (Mga Himno, blg. 144). Pagkatapos ay talakayin kung ano ang itinuturo ng awit tungkol sa pagkakaroon ng katapangan.

    Larawan
    si Esther at ang hari

    Esther before the King [Si Esther sa Harap ng Hari], ni Minerva K. Teichert

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Ang kamay ng Diyos.

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen:

“Kung minsan nakikita natin ang kamay ng Panginoon sa buhay ng iba ngunit iniisip natin, ‘Paano ko mas malinaw na makikita ang Kanyang kamay sa sarili kong buhay?’ …

“Kapag sinunod ninyo ang mga utos at nanalangin kayo nang may pananampalataya na makita ang kamay ng Panginoon sa inyong buhay, ipinapangako ko sa inyo na ididilat pa Niyang lalo ang inyong espirituwal na mga mata, at makikita ninyo nang mas malinaw na kayo’y hindi nag-iisa” (“Dumating Nawa ang Kaharian Mo,” Liahona, Mayo 2015, 121–22).

“Sa pagkakataong ganito.”

Itinuro ni Sister Virginia U. Jensen: “Hindi ako naniniwala na nagkataon lamang na narito kayo at ako sa kakaibang panahong ito. Naniniwala ako na, gaya ni Esther noon, tayo ay ‘nakarating sa kaharian sa pagkakataong ganito’ [Esther 4:14], na ang ating impluwensya, ating halimbawa, ating lakas, at ating pananampalataya ay maaaring tumayo bilang isang tagapagtanggol laban sa lumalaking kasamaan na nagbabantang lamunin ang ating tahanan, pamilya, at mga mahal sa buhay” (“Creating Places of Security,” Ensign, Nob. 1997, 89).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Basahin muna ang mga banal na kasulatan. Ang mga banal na kasulatan ang dapat maging pangunahin mong mapagkukunan para sa iyong pag-aaral at paghahanda. Huwag kalimutan na ang mga salita ng mga makabagong propeta ay nagdaragdag sa mga pamantayang aklat at banal na kasulatan din. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 17–18.)

Print