Lumang Tipan 2022
Setyembre 5–11. Isaias 1–12: “Ang Diyos ang Aking Kaligtasan”


“Setyembre 5–11. Isaias 1–12: ‘Ang Diyos ang Aking Kaligtasan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Setyembre 5–11. Isaias 1–12,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
sinaunang propetang nagsusulat

The Prophet Isaiah Foretells Christ’s Birth [Ipinropesiya ni Propetang Isaias ang Pagsilang ni Cristo], ni Harry Anderson

Setyembre 5–11

Isaias 1–12

“Ang Diyos ang Aking Kaligtasan”

Mag-isip ng mga paraan para mahikayat ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga impresyon at pagkaunawang natanggap nila sa kanilang personal na pag-aaral at sa pag-aaral ng pamilya.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay nagbibigay ng mga ideya para sa pag-unawa sa mga isinulat ni Isaias. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano nakatulong sa kanila ang isa sa mga ideyang ito, o ang iba pang bagay, para matuto mula sa Isaias 1–12.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Isaias 1–12

Lahat ng salita ni Isaias ay matutupad.

  • Patungkol kay Isaias, itinuro ng Tagapagligtas na “lahat ng bagay na kanyang sinabi ay nangyari at mangyayari, maging alinsunod sa mga salitang kanyang winika” (3 Nephi 23:3). Maaari mong simulan ang isang talakayan tungkol kay Isaias sa pagbabahagi ng talatang ito at ng pahayag sa “Karagdagang Resources.” Pagkatapos ay maaari mong isulat sa pisara ang Panahon ni Isaias, Ang mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, at Ang mga huling araw. Maaaring maghanap ang mga miyembro ng klase ng mga sipi sa Isaias 1–12 na maaaring gamitin sa isa o mahigit pa sa mga katagang nasa pisara (halimbawa, Isaias 2:1–5; 7:1–7; 7:10–14; 9:2–7; 10:20; 11:10; 12:1). Bakit isang pagpapala na makamtan natin ngayon ang mga propesiyang ito?

Isaias 1; 3; 5

“Tumigil kayo sa paggawa ng kasamaan.”

  • Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila mula sa kanilang personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya ng Isaias 1, 35 tungkol sa espirituwal na kalagayan ng Kaharian ng Juda noong panahon ni Isaias. Marahil ay maaari nilang rebyuhin ang mga kabanatang ito at gumawa sila ng listahan ng mga talata at ng mga kalagayang inilalarawan sa mga ito. Anong mga mensahe ng pag-asa ang natagpuan natin sa mga kabanatang ito? (Kung kailangan, maaari mong sabihan ang mga miyembro ng klase na tingnan ang Isaias 1:16–20, 25–27; 3:10.) Kung may mensahe ang sinaunang Juda para sa atin, ano kaya iyon?

  • Maaaring magkunwari ang mga miyembro ng klase na nakatira sila sa Jerusalem nang magpropesiya si Isaias. Maaari mong interbyuhin ang ilan sa kanila, na tinatanong sila kung ano ang sinabi ni Isaias at ano ang nadama nila tungkol doon. Halimbawa, maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na pag-usapan ang mga salita ni Isaias na matatagpuan sa Isaias 1:16–20; 3:16–26; 5:20–23. Ano ang sinabi ni Isaias na naghihikayat sa atin na magsisi?

Isaias 2; 4; 11–12

Gagawa ang Diyos ng isang dakilang gawain sa mga huling araw.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung paano natutupad ang mga propesiya ni Isaias tungkol sa mga huling araw, maaari kang pumili ng ilang talata mula sa Isaias 2; 4; 11–12 (tulad ng Isaias 2:2–3; 4:5–6). Pagkatapos ay hilingin sa mga miyembro ng klase na hanapin ang pandiwang panghinaharap sa mga talatang ito (tulad ng “magiging” o “magsisiyaon”). Anyayahan silang palitan ang ilan sa mga ito ng mga pandiwang pangkasalukuyan (tulad ng “nagiging” o “nagsisiyaon”). Paano natutupad ang mga propesiyang ito sa ating buhay? Bakit mahalagang malaman ang mga propesiyang ito?

  • Maaari mong ituro na nang bisitahin ni Moroni si Joseph Smith noong 1823, binanggit niya ang Isaias 11 at sinabi na malapit nang matupad iyon (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:40; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 113:1–6). Maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang ilang talata mula sa Isaias 11 (tulad ng mga talata 6–12) at ibuod sa sarili nilang mga salita ang nakinita ni Isaias. Ano ang papel natin sa pagtupad sa mga propesiyang ito?

Larawan
babaing may hawak na sanggol

“Sapagkat sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki” (Isaias 9:6).

Isaias 7–9

Nagpropesiya si Isaias tungkol kay Jesucristo.

  • Maaari mong itanong sa mga miyembro ng klase kung ano ang natututuhan nila tungkol kay Jesucristo mula sa mga siping tulad ng Isaias 7:14; 8:13–14; 9:2, 6–7. Halimbawa, bakit magandang titulo ang Emmanuel para sa Tagapagligtas? (tingnan sa Mateo 1:23). Paano naging isang “Tagapayo” o “Prinsipe” ng Kapayapaan” sa atin si Jesucristo? Maaari ding ibahagi ng mga miyembro ng klase ang iba pang mga siping natagpuan nila sa Isaias 1–12 na nagpapaalala sa kanila kay Jesucristo. Ano ang itinuturo sa atin ng mga siping ito tungkol sa Kanya?

  • Bago magklase, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na magdala ng isang larawan ni Cristo na sa palagay nila ay kumakatawan sa isa sa mga paglalarawan sa Tagapagligtas na matatagpuan sa Isaias 7–9. Sa klase, bigyan sila ng panahon na ipakita ang larawang dala nila at ipaliwanag kung paano ito nauugnay sa mga salita ni Isaias.

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Ang mga propesiya ni Isaias ay maaaring magkaroon ng maraming katuparan.

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Ang aklat ni Isaias ay naglalaman ng maraming propesiya na maraming katuparan. Ang isa ay tila kinabibilangan ng mga tao noong panahon ni Isaias o ng kalagayan ng susunod na henerasyon. Ang isa pang kahulugan, na kadalasan ay simboliko, ay tila tumutukoy sa mga pangyayari sa kalagitnaan ng panahon, nang wasakin ang Jerusalem at ikalat ang kanyang mga tao matapos ipako sa krus ang Anak ng Diyos. Ang isa pang kahulugan o katuparan ng propesiya ring iyon ay tila nauugnay sa mga kaganapang mangyayari sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ang katotohanan na maaaring magkaroon ng maraming kahulugan ang marami sa mga propesiyang ito ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng paghahangad natin ng paghahayag mula sa Espiritu Santo na tulungan tayong bigyang-kahulugan ang mga ito” (“Scripture Reading and Revelation,” Ensign, Ene. 1995, 8).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Anyayahan ang Espiritu. “Ang sagradong musika, mga banal na kasulatan, mga salita ng mga propeta sa mga huling araw, mga pagpapahayag ng pagmamahal at patotoo, at mga sandali ng tahimik na pag-iisip ay pawang makapag-aanyaya sa Espiritu” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 10).

Print