Lumang Tipan 2022
Oktubre 3–9. Isaias 58–66: “Ang Isang Manunubos ay Darating sa Zion”


“Oktubre 3–9. Isaias 58–66: ‘Ang Isang Manunubos ay Darating sa Zion,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Oktubre 3–9. Isaias 58–66,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
si Jesus na nagtuturo sa sinagoga

Jesus in the Synagogue at Nazareth [Si Jesus sa Sinagoga sa Nasaret], ni Greg K. Olsen

Oktubre 3–9

Isaias 58–66

“Ang Isang Manunubos ay Darating sa Zion”

Habang pinag-aaralan mo ang magandang doktrina sa mga kabanatang ito, anyayahan ang Espiritu na gabayan ka sa mga mensaheng magiging pinaka-makabuluhan sa mga miyembro ng klase.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat sa pisara ang mga reperensya para sa mga talatang nagbigay-inspirasyon sa kanilang pag-aaral ng banal na kasulatan sa linggong ito. Bilang isang klase, maaari ninyong hanapin ang mga talatang iyon pagkatapos at pag-usapan ang mga katotohanang matatagpuan doon. Ang mga kabatirang ito ay maaaring humantong sa mas malalim na talakayan tungkol sa isa o higit pang mga alituntuning nakalista sa ibaba.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Isaias 58:3–12

Ang pag-aayuno ay naghahatid ng mga pagpapala.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na talakayin kung bakit at paano tayo inutusan ng Panginoon na mag-ayuno, maaari kang lumikha ng dalawang column sa pisara na may nakasulat na “Hindi Kayo Nag-aayuno sa Araw na Ito” at “Ang Ayuno na Aking Pinili.” Pagkatapos ay maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Isaias 58:3–7, na pinupuno ang unang column ng mga paglalarawan kung paano nag-ayuno ang mga Israelita at ang pangalawang column ng mga paglalarawan ng pag-aayuno ayon sa layon ng Panginoon. Paano nakakaapekto ang mga paglalarawang ito sa pananaw natin sa pag-aayuno? Maaari ding ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano humahantong ang pag-aayuno, sa kanilang karanasan, sa mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon sa mga talata 8–12.

  • Maaaring nagkaroon na ng mga karanasan ang ilang miyembro ng klase na ipaliwanag sa iba kung bakit tayo nag-aayuno. Anyayahan silang ibahagi kung ano ang kanilang sinabi. Maaari mo ring anyayahan ang isang miyembro ng bishopric na magsalita kung paano ginagamit ang mga handog-ayuno. O maaari mong ibahagi ang isa sa mga halimbawa mula sa mensahe ni Pangulong Henry B. Eyring na “Hindi Baga Ito ang Ayuno na Aking Pinili?” (Ensign o Liahona, Mayo 2015, 22–25). Paano nakatutulong ang pag-aayuno at pagbabayad ng mga handog-ayuno na “kalasin ang mga panali ng pamatok” ng ating sarili at ng iba? (Isaias 58:6).

Isaias 61:1–3; 63:7–9

Si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos.

  • Nang ipahayag ni Jesucristo sa mga tao ng Nazaret na Siya ang Mesiyas, sumipi Siya mula sa Isaias 61:1–3 (tingnan sa Lucas 4:16–21). Marahil ay maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Isaias 61:1–3 at pag-usapan kung bakit magandang paglalarawan ng misyon ng Tagapagligtas ang mga talatang ito. Maaari mong ilista sa pisara ang bawat bagay na hinirang na gawin ng Tagapagligtas at talakayin ang kahulugan ng bawat isa sa mga ito. Paano tinupad ng Tagapagligtas ang mga aspetong ito ng Kanyang misyon sa Kanyang mortal na buhay? Paano Niya natupad ang mga ito sa ating buhay?

  • Maaari ding basahin ng mga miyembro ng klase ang Isaias 63:7–9 at ibahagi kung paano sila napagpala ni Jesucristo sa mga paraang ito.

  • Ang Isaias 61:1–3 ay gumagamit ng maganda at makatang pananalita para ilarawan ang kapangyarihan ni Jesucristo na tubusin ang tila nasira. Para mailarawan ang mga talatang ito, isiping magbahagi ng isang kuwento tungkol sa isang bagay na inakalang nawala o nasira ngunit naging isang bagay na mas maganda. Halimbawa, tingnan ang kuwento sa simula ng mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “Papasanin Ka Niya sa Kanyang Balikat at Iuuwi” (Ensign o Liahona, Mayo 2016, 101–4). Maaaring pag-usapan ng mga miyembro ng klase kung paano nila nakita ang Panginoon na nagbibigay sa mga tao ng isang bagay na maganda noong inakala nila na sira na ang buhay nila.

Isaias 65:17–25

Sa Kanyang Ikalawang Pagparito, ang Panginoon ay “[lilikha] ng mga bagong langit at bagong lupa.”

  • Inilalarawan sa Isaias 65:17–25 ang mga kalagayan sa lupa pagkaraan ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang mga talatang ito na naghahanap ng mga sagot sa mga tanong na gaya nito: Paano maiiba ang buhay sa “bagong lupa” mula sa buhay na kasalukuyang nasa lupa? Ano ang nakikita ninyo sa mga talatang ito na nagiging dahilan para magalak kayo?

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

“Hindi tayo iniiwang mag-isa” ng Panginoon.

Matapos isalaysay kung paano muntik nang masira ang Provo Tabernacle, kaya muli itong itinayo kalaunan bilang Provo City Center Temple, sinabi ni Sister Linda S. Reeves: “Tinutulutan ng Panginoon na masubukan at mapatunayan tayo, kung minsan hanggang sa masagad ang ating kakayahan. Nakita na nating nasira ang buhay ng ating mga minamahal—at marahil ang buhay natin—hanggang sa mawasak ito at nagtaka tayo kung bakit hahayaan ng mapagmahal na Ama sa Langit na mangyari ang gayong mga bagay. Ngunit hindi Niya tayo iniiwang mag-isa; bukas ang Kanyang mga bisig, at sabik tayong inaanyayahang lumapit sa Kanya. Itinatatag Niya ang ating buhay sa mariringal na templo kung saan makatatahan ang Kanyang espiritu magpasawalang-hanggan” (“Kamtin ang mga Pagpapala ng Inyong mga Tipan,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 119).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Kilalanin ang mga tinuturuan mo. Bawat taong tinuturuan mo ay may kakaibang pinagmulan, pananaw, at mga talento. Isipin ang mga pagkakaibang ito habang hinahangad mong tulungan ang lahat na matuto sa makabuluhan at di-malilimutang mga paraan. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 7.)

Print