Lumang Tipan 2022
Oktubre 17–23. Jeremias 30–33; 36; Mga Panaghoy 1; 3: “Gagawin Kong Kagalakan ang Kanilang Pagluluksa”


“Oktubre 17–23. Jeremias 30–33; 36; Mga Panaghoy 1; 3: ‘Gagawin Kong Kagalakan ang Kanilang Pagluluksa,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Oktubre 17–23. Jeremias 30–33; 36; Mga Panaghoy 1; 3,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
inukit na larawan ni Jeremias na propeta

The Cry of Jeremiah the Prophet [Ang Panangis ni Jeremias na Propeta], mula sa isang larawang inukit ng Nazarene School

Oktubre 17–23

Jeremias 30–33; 36; Mga Panaghoy 1; 3

“Gagawin Kong Kagalakan ang Kanilang Pagluluksa”

Pagnilayan ang mga impresyong natanggap mo sa iyong personal na pag-aaral ng Jeremias at ng Mga Panaghoy. Sa palagay mo, anong mga sipi mula sa mga kabanatang ito ang magiging makahulugan sa mga tinuturuan mo?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para matulungan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila mula sa kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, maaari mong isulat sa pisara ang mga katagang gaya ng Nalaman ko na…, Mayroon akong patotoo tungkol sa…, o May karanasan ako… Maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng isang bagay mula sa Jeremias o Mga Panaghoy para kumpletuhin ang mga pangungusap na ito.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Jeremias 30–31; 33; Mga Panaghoy 1:1–7; 3:1–5

Palalayain ng Panginoon ang Israel mula sa pagkabihag at titipunin sila.

  • Ang mga mensahe ng pag-asa sa mga propesiya ni Jeremias ay maaaring magbigay ng pag-asa sa mga miyembro ng klase sa sarili nilang sitwasyon. Marahil ay maaaring talakayin ng klase mo ang mga sitwasyon na maaaring maging dahilan para mawalan ng pag-asa ang mga tao sa ating panahon gaya ng nadama ng mga tao sa panahon ni Jeremias (tingnan sa Jeremias 30:5; 31:15; Mga Panaghoy 1:1–7; 3:1–5; at sa sipi sa “Karagdagang Resources”). Pagkatapos ay maaari mong hatiin ang mga miyembro ng klase sa tatlong grupo at anyayahan ang bawat grupo na rebyuhin ang Jeremias 30; 31; at 33 para sa mga mensaheng maaaring maghatid ng pag-asa sa mga tao ngayon. Paano nakatulong ang pag-asa sa Panginoon para matiis natin ang mga pagsubok?

Jeremias 31:31–34; 32:37–42

“At sila’y magiging aking bayan, at ako’y magiging kanilang Diyos.”

  • Ang pagrerebyu ng Jeremias 31:31–34; 32:37–42 ay makatutulong sa klase mo na pagnilayan ang mga tipang nagawa nila. Ang isang paraan para makahikayat ng talakayan tungkol sa mga talatang ito ay bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga talata at pagkatapos ay isulat sa kapirasong papel ang isang bagay na gusto nilang itanong sa klase tungkol sa binasa nila. Halimbawa, maaaring nais nilang talakayin kung ano ang kahulugan ng isulat ang batas ng Diyos sa ating puso (tingnan sa Jeremias 31:33) o kung paano tayo tinutulungan ng mga tipan na makilala ang Panginoon (tingnan sa Jeremias 31:34). Maaari mong kolektahin ang mga tanong at piliin ang ilan na sama-sama ninyong tatalakayin. Ano ang natututuhan natin mula sa mga talatang ito na naghihikayat sa atin na maging magiting sa pagtupad sa ating mga tipan?

Larawan
batang nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Mahihikayat tayo ng mga banal na kasulatan na magsisi at bumaling sa Panginoon.

Jeremias 36

May kapangyarihan ang mga banal na kasulatan na ilayo tayo sa kasamaan.

  • Maaaring nagtamo na ng mga kabatiran ang mga miyembro ng klase mo tungkol sa mga banal na kasulatan nang pag-aralan nila ang Jeremias 36 sa bahay. Anyayahan silang ibahagi ang natutuhan nila. Maaari mo ring iatas sa mga miyembro ng klase ang pangalan ng isang tao sa kabanata at anyayahan silang basahin kung ano ang ginawa ng taong iyon sa salita ng Diyos. Maaaring pag-aralan ng mga miyembro ng klase ang mga salita at kilos ng Panginoon (tingnan sa mga talata 1–3, 27–31); Jeremias (tingnan sa mga talata 4–7, 32); Baruc (tingnan sa mga talata 4, 8–10, 14–18); Jehudi at Haring Jehoiakim (tingnan sa mga talata 20–26); at Elnatan, Delaias, at Gemarias (tingnan sa talata 25). Paano ipinapakita ng ating mga salita at kilos ang nadarama natin tungkol sa mga banal na kasulatan?

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Maaari kayong magkaroon palagi ng pag-asa.

Binanggit ni Pangulong M. Russell Ballard ang ilang sitwasyon na maaaring maging dahilan para mawalan ng pag-asa ang ilan, at nagbigay siya ng payo kung saan makasusumpong ng pag-asa:

“Maaaring masumpungan ng ilan sa atin na puno ng galit, kabiguan, at kalungkutan ang ating buhay. Pakiramdam ng marami ay hindi nila kayang harapin ang kaguluhang tila nananaig sa mundo. Ang iba ay nagdadalamhati sa mga kapamilyang gumagawa ng mga bagay na labag sa mga pamantayan ng moralidad dahil tanggap at pinupuri ito ng mundo. … Marami pa nga na tinanggap na lang sa kanilang sarili na ang kasamaan at kalupitan ng mundo ay hindi na malulunasan. Nawalan na sila ng pag-asa.…

“…Sa ilan sa atin ay maaaring naglaho na ang lahat ng pag-asa dahil sa kasalanan at paglabag. Ang isang tao ay maaaring maging lubhang nakalubog sa mga gawi ng mundo kaya hindi siya makalaya at naglalaho ang lahat ng pag-asa. Ang samo ko sa lahat ng bumagsak na sa patibong na ito ng kaaway ay huwag sumuko kailanman! Gaano man mukhang desperado ang mga bagay-bagay o gaano man sila maging desperado, maniwala sana kayo sa akin, maaari kayong magkaroon palagi ng pag-asa. Sa tuwina” (“The Joy of Hope Fulfilled,” Ensign, Nob. 1992, 31–32).

“Ang totoo, ang isang pag-asa natin sa espirituwal na kaligtasan sa mga panahong ito ng kaguluhan ay ang ibaling ang ating puso’t isipan kay Jesucristo. … Ang pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang Anak na si Jesucristo ay lubos na mahalaga para mapanatili natin ang balanseng pananaw sa mga oras ng pagsubok at hirap” (“The Joy of Hope Fulfilled,” 32).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Sundin ang Espiritu. Hindi mo mahuhulaan kung paano tatakbo ang bawat lesson, ngunit habang nakikinig ka sa mga pahiwatig ng Espiritu, gagabayan Niya ang lesson. Kapag ikaw ay espirituwal na handa, ibibigay sa iyo ng Panginoon “sa sandali(ng iyon mismo), kung ano ang [iyong] sasabihin” (Doktrina at mga Tipan 100:6; tingnan din Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 10).

Print