Lumang Tipan 2022
Setyembre 26–Oktubre 2. Isaias 50–57: “Kanyang Pinasan ang Ating mga Karamdaman, at Dinala ang Ating mga Kalungkutan”


“Setyembre 26–Oktubre 2. Isaias 50–57: ‘Kanyang Pinasan ang Ating mga Karamdaman, at Dinala ang Ating mga Kalungkutan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Setyembre 26–Oktubre 2. Isaias 50–57,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
si Cristo na may suot na koronang tinik at kinukutya ng kawal

The Mocking of Christ [Ang Pangungutya kay Cristo], ni Carl Heinrich Bloch

Setyembre 26–Oktubre 2

Isaias 50–57

“Kanyang Pinasan ang Ating mga Karamdaman, at Dinala ang Ating mga Kalungkutan”

Ang pinakamahalagang paraan para makapaghandang magturo ay basahin at pagnilayan ang mga banal na kasulatan. Ano ang pakiramdam at natututuhan mo habang binabasa mo ang Isaias 50–57?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan nila habang binabasa ang Isaias 50–57, maaari mong isulat sa pisara ang pangungusap na gaya ng Lumakas ang pananampalataya ko kay Jesucristo nang mabasa ko ang… Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano nila tatapusin ang pangungusap.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Isaias 50–52

Maaliwalas ang hinaharap para sa mga tao ng Panginoon.

  • Lahat tayo ay may mga panahon na nanghihina tayo. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na umasa sa lakas ng Panginoon, maaari mong ipabasa sa bawat isa sa kanila ang ilang talata mula sa Isaias 51–52 at ipabahagi ang isang bagay na natagpuan nilang magpapalakas sa isang taong nanghihina o pinanghihinaan-ng-loob. Maaari mo ring ituro na inulit ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ang ilan sa mga salita ni Isaias sa mga tao sa mga lupain ng Amerika (tingnan sa 3 Nephi 20:32–45). Ano ang idinaragdag ng mga salita ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 20:30–34 sa ating pagkaunawa kung kailan matutupad ang mga propesiyang ito?

  • Iminumungkahi sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya na ilista ang lahat ng nasa Isaiah 50–52 na hinihikayat ng Panginoon na gawin ng Kanyang mga tao. Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang natuklasan nila at pag-usapan kung ano ang kahulugan ng mga paanyayang ito sa kanila. Maaari kang magtuon sa mga paanyaya sa Isaias 51:1–2, 6–8; 52:1–3, 9–11. Paano tayo makakakilos ayon sa mga paanyayang ito? Maaari mong ituro na ang Doktrina at mga Tipan 113:7–10 ay naglalaan ng inspiradong paliwanag tungkol sa Isaias 52:1–2. Ano ang idinaragdag ng mga salitang ito sa ating pang-unawa?

Larawan
lilok ni Cristo na pasan ang krus

Because of Love [Dahil sa Pagmamahal], ng iskultor na si Angela Johnson

Isaias 52:13–15; 53

Inako ni Jesucristo ang ating mga kasalanan at kalungkutan.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na mailarawan sa kanilang isipan ang mga salita ni Isaias sa Isaias 53, maaari kang magdispley ng ilang larawan ng mga pangyayaring nakapalibot sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 56–60). Pagkatapos ay maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na maghanap ng mga kataga sa Isaias 53 na naglalarawan sa mga pangyayari na nasa mga larawan. Ano ang itinuturo ng mga salita ni Isaias tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas para sa atin? Ano ang ipinahihiwatig ng mga ito kung bakit Siya nagdusa para sa atin? Ano ang hinihikayat ng mga turong ito na gawin natin?

  • Para maanyayahan ang Espiritu Santo na magpatotoo tungkol sa mga katotohanang itinuturo sa Isaias 52:13–15; 53, maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na basahin nang tahimik ang mga talatang ito habang pinagtutugtog mo ang isang himno tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na maghanap ng mga salita o kataga sa mga banal na kasulatan na sa tingin nila ay lalong mahalaga. Pagkatapos ay hayaang ibahagi nila ang kanilang natuklasan at kung ano ang nadarama nila tungkol sa Tagapagligtas. Isipin ding anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang Mosias 15:10–12, kung saan ipinaliwanag ni Abinadi kung ano ang ibig sabihin ng pariralang “kanyang binhi.” Paano naipauunawa sa atin nito ang Isaias 53:10?

Isaias 54

Nais ni Jesucristo na bumalik tayo sa Kanya.

  • Ang pag-aaral ng Isaias 54 ay maaaring magbigay-inspirasyon sa mga miyembro ng klase na pinanghihinaan-ng-loob dahil sa kanilang mga kasalanan o kahinaan. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na maghanap sa kabanata 54 ng mga kataga o talata na nagpapakita kung ano ang nadarama ng Tagapagligtas tungkol sa atin. Ano ang nais Niyang madama natin tungkol sa ating mga nagawang kasalanan at kahinaan? Ano ang nais Niyang madama natin tungkol sa Kanya? Hikayatin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng iba pang natututuhan nila tungkol kay Jesucristo mula sa kabanatang ito. Ang pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa “Additional Resources” ay makadaragdag sa inyong talakayan.

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Sa pamamagitan ni Jesucristo maaari tayong magkaroon ng pag-asa.

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:

“Hindi mahalaga kung tila sirang-sira na ang buhay natin. Hindi mahalaga kung gaano man kabigat ang ating mga kasalanan, gaano kapait ang ating nadarama, gaano tayo kalungkot, o gaano kasawi ang ating puso. Maging ang mga taong nawalan ng pag-asa, malungkot ang buhay, nagtaksil, isinuko ang kanilang integridad, o tumalikod sa Diyos ay muling mabubuo.…

“Ang masayang balita ng ebanghelyo ay ito: dahil sa walang-hanggang plano ng kaligayahang laan ng ating mapagmahal na Ama sa Langit at sa pamamagitan ng sukdulang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, hindi lamang tayo maliligtas mula sa ating nahulog na kalagayan at ipanunumbalik sa kadalisayan, kundi uunlad din tayo nang higit pa sa kayang wariin ng tao at magiging mga tagapagmana ng buhay na walang-hanggan at tatanggap ng di-mailarawang kaluwalhatian ng Diyos” (“Papasanin Ka Niya sa Kanyang Balikat at Iuuwi,” Liahona, Mayo 2016, 102).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Mamuhay nang marapat sa patnubay ng Espiritu. Kapag ipinamumuhay mo nang marapat ang ebanghelyo, karapat-dapat ka sa patnubay ng Espiritu, ang pinakamahusay na guro. Kapag hinangad mo ang patnubay ng Espiritu Santo, bibigyan ka Niya ng mga kaisipan, impresyon, at malikhaing mga ideya kung paano tutugunan ang mga pangangailangan ng iyong mga tinuturuan. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 5.)

Print