“Paano ko matutulungan ang iba na maunawaan ang kapansanan ko?” Disability Services: Mga Indibiduwal (2020)
“Paano ko matutulungan ang iba na maunawaan ang kapansanan ko?” Disability Services: Mga Indibiduwal
Paano ko matutulungan ang iba na maunawaan ang kapansanan ko?
Magkakaroon ng mga pagkakataon na maaaring kailanganin mong iparating sa iba na kailangan mo ng tulong, suporta, pag-aangkop, o pagsasaayos dahil sa iyong kapansanan. Kung minsan, maaaring mahirap pag-usapan ang isang kapansanan. Kadalasan, gustong makatulong ng iba, ngunit hindi nila alam ang iyong mga pangangailangan o hindi nila tiyak kung paano makakatulong. Maaari nilang iwasang tanungin ka tungkol sa iyong sitwasyon dahil natatakot sila na makapagsabi ng mali, o maaaring iniisip nila na magiging nakakaasiwa ang pag-uusap. Kung hindi ka komportableng pag-usapan ang iyong kapansanan, madalas ay matutuklasan mo na ang mga nagmamahal sa iyo ay handang makinig. Humiling ng tapang at patnubay sa Ama sa Langit sa panalangin kung paano kakausapin ang mga tao tungkol sa iyong kapansanan. Pagnilayan kung ano ang gusto mong malaman ng iba tungkol sa iyo. Ano ang iyong mga kalakasan? Ano ang iyong mga hamon? Ano ang natuklasan mo na nakakatulong? Ano ang mga talentong mayroon ka na makakatulong sa iyo na maglingkod sa iba?
Unawain na karamihan sa mga miyembro ng Simbahan ay bukas sa patnubay kung paano tutulungan at isasama ang mga taong may kapansanan. Kilalanin na ang iyong mga kapatid ay maaari ding mabigyang-inspirasyon kung paano makakatulong.
Matutulungan ng Espiritu Santo ang mga miyembro ng pamilya, guro, at lider na malaman kung kailan lalapit at paano sila makakatulong.
Narito ang ilang tip na maaaring pag-isipan kapag tumutulong sa iba na maunawaan ang iyong mga pangangailangan at sitwasyon:
-
Maging matiyaga habang nakikilala ka ng iba pang mga miyembro at dinaraig ang mga maling palagay.
-
Magtuon sa positibo kapag humihiling ng pagbabago.
-
Linawin kung ano ang sinabi. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pag-uulit kung ano ang naunawaan mo sa pag-uusap o paghiling sa iba na ulitin ang naunawaan nila sa pag-uusap.
-
Maging bukas sa mga magkakaibang pananaw o ideya kung paano isakatuparan ang isang mithiin, at hingin ang mga saloobin ng iba tungkol sa sitwasyon. Huwag isipin na ang iyong paraan ang tanging paraan.
-
Laging ituon ang pag-uusap sa isang partikular na pangangailangan. Kung napapalayo na sa paksa, ibalik doon ang usapan.
-
Magpasalamat. Pasalamatan ang mga miyembro sa pagkausap sa iyo at sa kahandaan nilang makinig.