“Mga Aktibidad para sa mga Miyembrong May Kapansanan,” Disability Services: Mga Lider (2020)
“Mga Aktibidad para sa mga Miyembrong May Kapansanan,” Disability Services: Mga Lider
Mga Aktibidad para sa mga Miyembrong May Kapansanan
Karagdagang mga Aktibidad para sa mga Miyembrong May Kapansanan
Ang mga miyembrong may kapansanan ay malugod na tinatanggap sa mga miting at aktibidad ng Simbahan at maaaring makibahagi at mag-ambag sa makabuluhang mga paraan. Hinihikayat ang mga lider at miyembro ng ward na tugunan ang mga pangangailangan ng lahat ng naninirahan sa kanilang mga hangganan, kabilang na ang may mga kapansanan sa isip, sa pag-unlad, o sa pangangatawan.
Ang mga ward at stake disability specialist ay maaaring tawagin para tumulong sa pagtukoy at pagsuporta sa mga pangangailangan ng mga miyembro sa bawat ward at stake (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 38.8.28). Kung saan kinakailangan, maaaring mag-organisa ang mga lider ng espesyal na mga aktibidad o klase para makadagdag sa regular na mga aktibidad at klase ng ward.
Pag-oorganisa ng mga Aktibidad sa Iba’t Ibang Ward at Stake
Kung kailangang tugunan ang mga pangangailangan ng mga adult na miyembrong may mga kapansanan sa isip, maaaring mag-organisa ang isang ward, grupo ng mga ward, stake, o grupo ng mga stake ng isang disability activity program (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 38.8.28.5).
Ang isang disability activity program ay karaniwang para sa mga indibiduwal na 18 taong gulang pataas. Bawat pagsisikap ay dapat gawin upang maisama ang mga indibiduwal na wala pang 18 taong gulang sa kanilang mga ward at stake. Sa mga di-pangkaraniwang sitwasyon, maaaring magpasiya ang mga lider na magbigay ng karagdagang mga aktibidad para sa mga kabataan simula sa taon na sila ay mag-12 taong gulang.
Kapag maraming ward ang nakikilahok sa isang disability activity program, inaatasan ng stake president ang isang agent bishop na pangasiwaan ito. Kapag maraming stake ang nakikilahok, inaatasan ng Area Presidency ang isang agent stake president na pangasiwaan ito.
Kumokonsulta ang agent bishop o agent stake president sa iba pang mga kalahok na bishop o stake president para matukoy kung paano popondohan ang mga programang ito.
Mga Aktibidad
Ang mga aktibidad ay dapat magtuon sa pagtulong sa mga indibiduwal na may kapansanan at sa kanilang pamilya na madama na may nagmamahal at sumusuporta sa kanila sa mga pagsisikap nilang lumapit kay Cristo at manatili sa landas ng tipan. Ang gayong mga aktibidad ay maaari ding magbigay ng isang kapaligiran para makaugnay ang mga miyembro ng pamilya sa iba na kapareho nila ang mga karanasan sa buhay at nakadaragdag sa kanilang support system.
Maaaring mag-organisa ng mga espesyal na aktibidad o klase para tulungan ang mga kalahok na lumago sa espirituwal, sa pakikipagkapwa, pisikal, at intelektuwal.
Ang mga layunin ay maaaring kabilangan ng pag-aaral ng ebanghelyo, pakikisalamuha sa iba, pakikipagkaibigan, paggamit ng mga bagong kasanayan, pagkakaroon ng self-reliance, paglilingkod, at personal na paglago sa isang kapaligirang may malugod na pagtanggap, paggalang, at angkop sa edad. Dapat sikapin ng mga lider na makahanap ng mga paraan para makapag-ambag ang bawat kalahok sa tagumpay ng mga aktibidad.
Ang mga lider ang nagpapasiya sa dalas ng mga aktibidad, habang isinasaalang-alang ang dami ng mga kalahok, layo ng biyahe, at iba pang mga pangangailangan.
Tinitiyak ng mga lider na nadarama ng mga naghahangad na makibahagi na sila ay tanggap at kasali bilang mahahalagang taga-ambag. Gayunman, maaaring hindi makalahok ang ilang indibiduwal dahil sa kumplikadong mga pangangailangang medikal, pisikal, o pag-uugali na nangangailangan ng matinding suporta o pangangasiwa. Ang mga lider ay naghahanap ng iba pang mga paraan para matulungan sila sa kanilang mga pangangailangan.
Pakikibahagi at mga Pamantayan sa Kaligtasan
Kailangan ng mga lider at kalahok na mapanatiling ligtas at positibo ang kapaligiran kung saan nadarama ng lahat na sila ay tanggap, iginagalang, at kabilang.
Kailangan ng mga lider at kalahok na mapanatiling angkop ang pisikal na mga hangganan.
Kailangan ay may dalawa man lang na responsableng adult sa lahat ng mga aktibidad. Ang dalawang adult na ito ay maaaring dalawang lalaki, dalawang babae, o mag-asawa. Dapat ay sapat ang naroong mga lider para mabantayan ang dami ng mga kalahok. Mas maraming lider ang kailangan upang pangasiwaan ang mga aktibidad para sa mga miyembrong may kapansanan kaysa sa kailangan para sa mga karaniwang aktibidad ng mga kabataan o adult. Kailangang matanggap ng mga lider at boluntaryo ang pahintulot ng kanilang bishop. (Tingnan ang “Mga Lider” sa ibaba.)
Kailangang may nakatakdang mga pamamaraan para matiyak ang kaligtasan ng mga kalahok. Ang mga listahan ng mga dumalo, name tag, bracelet, o lanyard ay maaaring makatulong sa prosesong ito.
Kailangang kumpletuhin ng mga kalahok ang Permission and Medical Release form bago dumalo sa isang aktibidad. Kailangang ipaalam ng mga magulang at tagapag-alaga sa mga lider ang mga problema sa kalusugan ng isang kalahok, kabilang na ang mga allergy at restriksyon sa pagkain. Ang impormasyong ito ay kumpidensyal at kailangang gamitin lamang para sa mga medical emergency at sa pagpaplano ng ligtas na mga aktibidad. Ang mga lider ay hindi maaaring magbigay ng mga gamot. Ang mga kalahok na may sakit na nakakahawa ay dapat hindi muna makisali para makapaglaan ng ligtas na kapaligiran para sa iba.
Ang mga magulang o tagapag-alaga ang responsable sa pag-aayos ng transportasyon papunta at pabalik mula sa mga aktibidad at pagtiyak na madadala ang mga kalahok sa silid kung saan idinaraos ang klase o aktibidad. Ang mga kalahok ay hindi dapat mapag-isa sa gusali o sa parking lot. Sa pagtatapos ng aktibidad, dapat ipasa ang mga kalahok sa kanilang magulang, tagapag-alaga, o sinumang naisaayos ng magulang o tagapag-alaga na mangalaga sa kanila.
Kung may mangyayaring di-angkop na pag-uugali, ang agarang responsibilidad ng mga lider ay protektahan at tulungan ang taong mahina. Kailangang ireport kaagad ng mga lider ang lahat ng paratang o hinala ng pang-aabuso, hindi lamang ang aktuwal na mga pangyayari, sa agent bishop o sa stake president. Tatawag ang agent bishop o stake president sa help line para humingi ng tulong, kabilang na ang legal na payo tungkol sa pagrereport ng pang-aabuso sa mga awtoridad ng pamahalaan. Para sa iba pang impormasyon, bumisita sa abuse.ChurchofJesusChrist.org.
Mga Lider
Kapag hindi matutugunan ng mga ward at stake disability specialist ang mga pangangailangan, maaaring tawagin ang mga high councilor, mag-asawa, iba pang mga adult, at mga kabataan may hustong pag-iisip bilang mga disability activity leader. Ang mga naglilingkod ay tinatawag at isine-set apart ng o sa ilalim ng pamamahala ng agent bishop, stake president, o Area Seventy.
Bago tawagin ang isang disability activity leader, tinitiyak ng bishop o stake president na ang tao ay wala sa listahan ng mga nahatulan ng pagkakasalang seksuwal. Sa Estados Unidos, hinahanap ng bishop, stake president, o clerk ang pangalan ng tao sa nsopw.gov. Sa iba pang mga bansa, maaaring gamitin ang isang sistemang katulad nito. Tinitiyak din ng bishop o stake president na walang anotasyon sa membership record ng tao tungkol sa pang-aabuso (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 30.1.1). Kung may mga tanong ang mga lider tungkol sa mga record na may mga anotasyon o mga pangalang nasa registry ng mga nahatulan ng pagkakasalang seksuwal, dapat silang tumawag sa 1-801-240-7887. Dapat kontakin ng mga lider sa labas ng Estados Unidos ang area legal counsel sa area office.
Matapos tawagin ang isang disability activity leader, inaanyayahan siya ng bishop o stake president na gawin ang mga sumusunod bago ang unang aktibidad:
-
Basahin ang “Pagprotekta sa mga Miyembro at Pagrereport ng Pang-aabuso” sa abuse.ChurchofJesusChrist.org.
-
Kumpletuhin ang children and youth protection training sa ProtectingChildren.ChurchofJesusChrist.org.
Ibinabahagi ng mga disability activity leader ang impormasyon tungkol sa mga aktibidad at tagumpay ng mga miyembro sa mga lider ng mga home ward, kung saan naroon ang kanilang mga permanenteng record at kung saan mabibigyan sila ng pagkilala. Kapag inanyayahan ng agent bishop o stake president, maaaring dumalo ang mga disability activity leader sa mga stake o ward leadership meeting.