“Paano ko maipadarama sa isang taong may kapansanan na siya ay kabilang?” Disability Services: Mga Lider (2020)
“Paano ko maipadarama sa isang taong may kapansanan na siya ay kabilang?” Disability Services: Mga Lider
Paano ko maipadarama sa isang taong may kapansanan na siya ay kabilang?
Lahat tayo ay may responsibilidad na tanggapin at ilahok ang lahat, pati na ang mga taong may mga kapansanan. Maraming paraan para matulungan mo ang mga nasa inyong kongregasyon na may kapansanan o mga caregiver ng isang mahal sa buhay na may kapansanan. Kung minsan isang maliit at tunay na pagpapahayag lamang ang kailangan upang maipadama sa isang tao na siya ay kilala, mahal, at bahagi ng pamilya ng ward. Narito ang ilang mungkahi ng maliliit na bagay na malaking tulong, kapag ginawa nang may tunay na pagmamahal at katapatan, upang maipadama sa isang taong may kapansanan na siya ay kabilang:
-
Makipagkaibigan. Kadalasan, dahil takot tayong makapagsalita o makagawa ng mali, hindi natin kinakaibigan ang mga may kapansanan. Maaari kang magsimula sa pamamagitan ng pagbati sa mga miyembro ng inyong ward na may mga kapansanan at sa kanilang mga kapamilya. Sa pagpapakita ng tunay na interes na makilala sila, maaaring mabuo ang pagkakaibigan, mapagaan ang mga pasanin, at madama ng lahat na sila ay kabilang.
-
Mag-anyaya. Magparating ng personal na paanyaya sa mga miyembrong may kapansanan at sa mga miyembro ng kanilang pamilya. Ipaalam sa kanila ang darating na mga aktibidad o pagbabago sa iskedyul ng mga miting. Kung napansin mo na matagal-tagal na silang hindi nagsisimba, magparating ng personal na paanyaya na sumama sila sa iyo.
-
Hangaring makaunawa. Hangaring maunawaan ang mga pangangailangan ng isang tao na pinakikiramdaman ang kanyang damdamin at may habag sa kanya bago mag-alok ng tulong. Kapag tumulong at nakabuo ka ng isang relasyong may tiwala at pagkakaibigan, maaari kang mahikayat na mag-alok ng tulong.