“Mga Allergy sa Pagkain,” Disability Services: Mga Lider (2020)
“Mga Allergy sa Pagkain,” Disability Services: Mga Lider
Mga Allergy sa Pagkain
Ang mga allergy at reaksyon sa pagkain ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa pisikal at emosyonal na kalusugan ng isang tao at sa kanyang kakayahang makibahagi sa mga miting at aktibidad ng Simbahan.
Ano ang allergy sa pagkain?
Ang allergy sa pagkain ay isang kalagayan kung saan ang pagkalantad sa isang partikular na pagkain ay nagiging dahilan para maling ituring ng katawan ang pagkain bilang nakapipinsalang sangkap. Ang reaksyong ito ay maaaring magbunsod ng anaphylaxis, isang reaksyon na maaaring mauwi sa pagkamatay. Sa buong mundo, 240–550 milyong katao ang maaaring magkaroon ng mga allergy sa ilang pagkain, ngunit ang pinaka-karaniwang mga allergy ay sa mga mani, tree nut, isda, shellfish, gatas, itlog, trigo, at soya.
Sa simbahan, ang mga adult, kabataan, at bata ay madalas malantad sa mga allergen sa pagkain sa ganitong mga paraan:
-
Mga pagkaing lutong-bahay na isinilbi sa mga aktibidad sa Simbahan
-
Walang label na mga pagkain, tulad ng mga tinapay na luto sa panaderya o sa bahay
-
Cross-contact sa mga pagkaing may mga allergen
-
Paghahanda, pagpapasa, o pagtanggap ng tinapay sa sakramento na may mga allergen o nagkaroon ng cross-contact sa mga allergen
-
Mga pagkain, kendi, o iba pang mga makakain na may mga allergen
Paano ko mapapansin ang isang reaksyon sa allergy sa pagkain at anaphylaxis?
Hanapin ang mga sumusunod na sintomas, na maaaring bahagya o malubha:
-
Pangangapos ng hininga, paghagok, o paulit-ulit na ubo
-
Maputla o nangangasul ang balat, pagkahimatay, mahina ang pulso, o pagkahilo
-
Masikip na lalamunan, paos na boses, o hirap huminga o lumunok
-
Malubhang pamamaga ng dila o mga labi
-
Mga pantal sa katawan, pamumula, o pangangati
-
Paulit-ulit na pagsusuka o malubhang pagtatae
-
Pakiramdam na may masamang mangyayari, balisa, o nalilito
-
Mababang presyon ng dugo
-
Pangangati ng ilong o sipon o pagbahing
-
Pangangati ng bibig
-
Bahagyang pagduduwal o pananakit ng katawan
Ano ang anaphylaxis?
Ang anaphylaxis ay biglaan, malubha, at maaaring makamatay na reaksyon sa allergy. Ang mga sintomas ay maaaring mangyari sa loob ng ilang minuto o oras matapos malantad o malunok ang pagkain. Kung hindi maagang maibibigay ang emergency medication na tinatawag na epinephrine (tinatawag ding adrenaline) kasama ng emergency care, maaari itong makamatay. Kabilang sa mga sintomas ng anaphylaxis ang:
-
Paninikip ng daanan ng hininga.
-
Napakababang presyon ng dugo.
-
Shock (anaphylactic shock).
-
Hindi makahinga dahil sa pamamaga ng lalamunan.
Ano ang pinakamahusay na gamot sa isang reaksyon?
Epinephrine ang pinaka-karaniwang ginagamit na gamot sa malulubhang reaksyon at anaphylaxis. Makukuha ito kapag may reseta bilang isang self-injectable device (tulad ng EpiPen, Auvi-Q, o Adrenaclick). Karamihan sa mga indibiduwal na may mga allergy sa pagkain ay nagdadala ng isa sa mga device na ito. Kung may allergy sa pagkain ang mga miyembro, dapat talakayin ng mga lider at guro ang posibleng panggagamot sa kanila o sa kanilang mga magulang kung sakaling magkaroon sila ng allergic reaction.
Paano ako tutugon sa isang anaphylactic reaction?
Kung may isang taong nakararanas ng anaphylaxis:
-
Iniksyunan siya kaagad ng epinephrine (kung mayroon).
-
Tumawag sa 911 at humiling ng isang ambulansyang may epinephrine.
-
Tumawag sa mga magulang ng mga bata at kabataan matapos sundin ang hakbang 1 at 2.
Kung hindi mawawala o babalik ang mga sintomas, maaaring magbigay ng dagdag na dosis ng epinephrine mga limang minuto pagkatapos ng naunang dosis. Dalhin ang tao sa isang emergency facility, at manatili roon nang di-kukulangin sa apat na oras, dahil maaaring bumalik ang mga sintomas. Huwag dumepende sa mga antihistamine. Makakatulong lamang ang mga ito sa mga problema sa balat at maaaring sakupin ang anumang mga anaphylactic reaction, na magsasanhi ng pagkaantala sa pagbibigay ng epinephrine at ng mga epektong hindi na mapipigil, kabilang na ang pagkamatay. Kung hindi kayo sigurado sa gagawin, bigyan ng epinephrine ang tao at tumawag sa 911. Kung masama ang pakiramdam ng isang taong may allergy sa pagkain, huwag na huwag siyang iwanang mag-isa.
Paano ako makakatulong na mahadlangan ang pagkalantad sa allergy sa pagkain at anaphylaxis?
Ang pagsunod sa mga tuntunin sa ibaba ay makakatulong na mapanatiling ligtas ang mga may allergy sa pagkain sa isang aktibidad sa simbahan:
-
Seryosohin ang lahat ng allergy sa pagkain, dahil maaaring makamatay ang mga iyon.
-
Kung may mga allergy sa pagkain ang mga miyembro, kausapin sila at ang mga magulang ng mga bata at kabataan.
-
Alamin kung anong mga pagkain ang kailangan nilang iwasan, at tukuyin kung may ligtas na mga maipapalit.
-
Ipaalam sa kanila kung magkakaroon ng kainan.
-
Iwasang magsilbi ng mga tinapay na luto sa panaderya o sa bahay. Ang mga pagkaing iyon ay karaniwang mas malaki ang panganib na magkaroon ng cross-contact at hindi palaging nakalista ang mga sangkap sa label.
-
-
Isulat ang mga sangkap sa label ng mga pagkaing lutong-bahay.
Paano ligtas na makatatanggap ng sakramento ang mga may allergy sa pagkain?
Dapat maging sensitibo ang mga lider at guro sa mga pisikal at emosyonal na epekto ng mga allergy sa pagkain sa isang indibiduwal at dapat magplano ng mga paraan para ligtas na mailahok ang mga tao sa lahat ng aktibidad at pagsamba—kabilang na ang pagtanggap ng sakramento. Maaaring makatulong ang mga tuntunin sa ibaba:
-
Dapat itong ipaalam ng mga miyembrong may mga allergy sa pagkain, tulad ng gluten intolerance o iba pang mga kalagayan, sa isang miyembro ng bishopric at talakayin sa kanya kung ano ang maaaring angkop na pamalit para sa sakramento.
-
Maaaring magbigay ang mga miyembro ng sarili nilang tinapay na walang allergen o iba pang maipapalit na mukhang piraso ng tinapay. Maaaring magdala ang mga miyembro ng isang pamalit na piraso ng tinapay na nakalagay sa isang selyadong plastic bag at ibigay ito sa isang priesthood holder para ilagay sa isang hiwalay na tray.
-
Sa oras ng sakramento, pinipiraso ng mga priesthood holder ang regular na tinapay ngunit hindi binubuksan ang mga bag o hinahawakan ang pamalit na tinapay na walang allergen. Ang panalangin sa pagbabasbas ng tinapay ay inaalay sa normal na paraan.
-
Tinitiyak ng bishopric na matutukoy ng mga priesthood holder ang mga miyembrong dapat pasahan ng tinapay na walang allergen. Dapat tumanggap ng training ang mga naghahanda, nangangasiwa, at nagpapasa ng sakramento kung paano iwasan ang cross contamination.
-
Depende sa dami ng mga indibiduwal na sangkot o partikular na mga sitwasyon, maaaring baguhin ng bishopric ang pamamaraan.
Paano ko maiiwasan ang cross contamination?
-
Unawain kung ano ang kahulugan ng cross-contact at kung paano ito iwasan. Nangyayari ang cross-contact kapag nadikit ang isang pagkain sa isa pang pagkain o sa lapag (surface). Dahil dito, bawat pagkain o lapag ay nagkakaroon pagkatapos ng kaunting mga allergen sa pagkain. Lubhang kakaunti ang mga ito kaya hindi karaniwang nakikita ang mga ito, ngunit maaari itong malipat sa pagkaing karaniwang itinuturing na ligtas. Kahit katiting na mga allergen sa pagkain ay may potensyal na maging sanhi ng nakamamatay na allergic reaction.
-
Sa oras ng sakramento, iwasan ang cross contamination sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin sa ibaba:
-
Hugasan nang wasto ng sabon at tubig ang mga kamay bago ihanda ang sakramento (hindi maaalis ng hand sanitizer ang anumang mga allergen sa pagkain).
-
Dapat unahing hawakan ang tinapay na walang allergen bago hawakan ang tinapay na may mga allergen. Kung hinawakan mo ang tinapay na may mga allergen, siguraduhing hugasan ng sabon at tubig ang iyong mga kamay bago hawakan ang mga bagay na walang allergen.
-
Lahat ng bagay na walang allergen ay dapat ilagay sa isang hiwalay na tray na walang allergen.
-
Kung nagdala ang isang miyembro ng pamalit na pinirasong tinapay na walang allergen sa isang selyadong lalagyan, huwag buksan ang lalagyan; ilagay ito sa hiwalay na tray na walang allergen.
-
Karagdagang Resources
Para sa iba pang impormasyon tungkol sa mga allergy sa pagkain, anaphylaxis, at kung paano makilala at tumugon sa mga allergic reaction, tingnan ang sumusunod na resources:
-
Mga Poster at Karatulang Maaaring I-print
-
Lisa A. Thomson, “Ano ang Gagawin sa mga Allergy sa Pagkain sa Simbahan,” Liahona, Hunyo 2020, 40–45.
-
-
World Allergy Organization White Book on Allergy: Update 2013 (World Health Organization, 2013), worldallergy.org.
-