Seminary
Lesson 5—Doktrina at mga Tipan 1:30–33: “Ang Tanging Tunay at Buhay na Simbahan”


“Lesson 5—Doktrina at mga Tipan 1:30–33: ‘Ang Tanging Tunay at Buhay na Simbahan,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 1:30–33,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 5: Doktrina at mga Tipan 1

Doktrina at mga Tipan 1:30–33

“Ang Tanging Tunay at Buhay na Simbahan”

ang opisyal na logo ng Simbahan

Sa Kanyang paunang salita sa Doktrina at mga Tipan, ipinahayag ng Panginoon ang kahalagahan ng bagong ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Ipinahayag Niya na ang Simbahan “ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo” (Doktrina at mga Tipan 1:30). Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na madama ang kahalagahan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang tanging tunay na simbahan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang Simbahan ng Panginoon

Para masimulan ang lesson, maaari mong ibahagi ang sumusunod na tanong at ang mga kaakibat na pahayag nito at anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot.

Bakit maaaring sumang-ayon o hindi sumang-ayon ang ilang tao sa mga sumusunod na pahayag?

  1. Sa palagay ko, hindi ko kailangan ng simbahan.

  2. Lahat ng simbahan ay pare-parehong tunay.

  3. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanging tunay na simbahan.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na tahimik na suriin ang sarili nilang pananaw tungkol sa mga pahayag na ito.

Sa napakaraming iba’t ibang relihiyon at opinyon, maaaring mahirap malaman kung ano ang totoo. Binigyan tayo ng Panginoon ng patnubay sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan upang tulungan tayong magkaroon ng tiwala sa kung ano ang totoo at malaman ang nais Niya para sa atin.

Bilang paunang salita sa Doktrina at mga Tipan, naghayag ang Panginoon ng babala “sa lahat ng tao” (Doktrina at mga Tipan 1:4). Bilang bahagi ng Kanyang mensahe, nagbigay Siya ng malinaw na pahayag tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 1:30, at alamin kung paano inilarawan ng Panginoon ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

icon ng doctrinal mastery Ang Doktrina at mga Tipan 1:30 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan para madali nilang mahanap ang mga ito.

  • Ano ang nalaman ninyo?

“Ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo”

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan sa kanilang mga banal na kasulatan ang parirala sa heading sa itaas. Maglaan ng oras para tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ng ang Simbahan ay kapwa tunay at buhay. Ang sumusunod ay isang paraan kung paano mo ito magagawa:

icon ng handout Gumawa ng dalawang column sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang handout at markahan ang mga parirala na tutulong sa kanila na maunawaan kung paanong kapwa “tunay” at “buhay” ang Simbahan.

Ang Tunay at Buhay na Simbahan

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder David A. Bednar

Ipinahayag ng Panginoon na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw “ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo” (D&T 1:30). Ang ipinanumbalik na Simbahang ito ay totoo dahil ito ang Simbahan ng Tagapagligtas; Siya “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6). At buhay ang Simbahang ito dahil sa mga gawain at kaloob ng Espiritu Santo. (David A. Bednar, “Tanggapin ang Espiritu Santo,” Liahona, Nob. 2010, 97)

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:

Pangulong Dallin H. Oaks

Tatlong katangian—(1) kabuuan ng doktrina, (2) kapangyarihan ng priesthood, at (3) patotoo kay Jesucristo—ang nagpapaliwanag kung bakit … ipinahayag ng Diyos … na ito ang tanging tunay at buhay na Simbahan sa balat ng lupa. …

Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay nauunawaan, panlahatan, may awa, at totoo. …

[Sa] pagkakaroon ng kapangyarihan ng priesthood, ang mga lider at ang may karapatang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay binigyan ng karapatang magsagawa ng kinakailangang mga ordenansa ng priesthood, tulad ng binyag, ang kaloob na Espiritu Santo, at pangangasiwa ng sakramento.

Ang mga susi ng priesthood, na hawak ng pinakamamahal nating propeta … at ng bawat propeta at Pangulo ng Simbahan, ay nagbibigay karapatan sa kanya na makatanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan. Ang Simbahang ito ay “buhay” dahil may mga propeta tayo na patuloy na nagbibigay sa atin ng salita ng Panginoon na kailangan para sa ating panahon.

Ang pangatlong dahilan kung bakit tayo ang tanging tunay na Simbahan ay dahil nasa atin ang inihayag na katotohanan tungkol sa likas na pagkatao ng Diyos at sa ating kaugnayan sa Kanya, at dahil dito ay kakaiba ang ating patotoo kay Jesucristo. (Dallin H. Oaks, “Ang Tanging Tunay at Buhay na Simbahan,” Liahona, Ago. 2011, 3–5)

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang minarkahan nila. Maaari nilang isulat ang nakita nila sa dalawang column sa pisara. Maaari mong itanong sa mga estudyante kung paano tayo pinagpapala ng Panginoon sa bawat aspeto ng Kanyang Simbahan na minarkahan nila. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pahayag ni Pangulong Oaks tungkol sa ating natatanging patotoo kay Cristo, maaari mong hilingin sa kanila na mag-isip ng mga katotohanan tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na natutuhan nila sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ng Aklat ni Mormon, o ng mga makabagong propeta. Maaari nilang idagdag ang kanilang mga ideya sa column na “Tunay.”

Kung kailangan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang patotoo ng Panginoon na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw “ang tanging tunay at buhay na simbahan” ay hindi nangangahulugan na walang taglay na anumang katotohanan ang ibang mga simbahan.

Mga Pagpapala ng Simbahan ni Jesucristo

Matapos ipahayag na ang Simbahan “ang tanging tunay at buhay na simbahan,” isinama ng Tagapagligtas ang ilang dahilan kung bakit Niya ipinanumbalik ang Kanyang Simbahan. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 1:31–33, at alamin ang itinuro Niya.

Maaaring makipagtulungan ang mga estudyante sa isang ka-partner at maaari nilang ibuod ang natutuhan nila mula sa mga talatang ito. Maaari din nilang talakayin ang sumusunod na tanong nang magkasama.

  • Paano nakatutulong sa inyo ang tunay at buhay na Simbahan ni Jesucristo para lumapit sa Kanya at humingi ng kapatawaran?

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong maipahayag ang natutuhan nila sa lesson na ito. Ang isang paraan upang magawa ito ay sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang study journal ang tugon nila sa sumusunod na sitwasyon. Kapag tapos na, maaari mong sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung ano ang isinulat nila.

Kunwari ay may nagtanong sa iyo kung bakit naiiba ang simbahan mo kaysa sa iba. Paano mo sasagutin ang taong ito sa paraang makatutulong sa kanya na gustuhing malaman pa ang tungkol sa Simbahan? Maaari mong isama ang sumusunod sa iyong sagot:

  1. Ang natutuhan mo ngayon mula sa patotoo ng Panginoon tungkol sa Kanyang Simbahan at sa nadarama mo tungkol sa patotoong iyon

  2. Mga paraan na nadama o nakita mo na ang Simbahan ay tunay o buhay

  3. Mga pagpapalang naranasan mo bilang miyembro ng Simbahan ni Cristo

Maaari mong tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng sarili mong patotoo tungkol sa mga pagpapala ng tunay at buhay na Simbahan ni Jesucristo at kung paano nakatulong sa iyo ang pagiging kabilang dito para mas mapalapit ka sa Tagapagligtas.

Isaulo

Maaari mong tulungan ang mga estudyante na isaulo ang reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa lesson na ito at balikan ang mga ito sa mga susunod na lesson. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan ay “Ang tanging tunay at buhay na simbahan.” Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”