Seminary
Lesson 6—Doktrina at mga Tipan 1:37–38: “Maging sa pamamagitan ng Sarili Kong Tinig o sa Tinig Man ng Aking mga Tagapaglingkod, Ito ay Iisa”


“Lesson 6—Doktrina at mga Tipan 1:37–38: ‘Maging sa pamamagitan ng Sarili Kong Tinig o sa Tinig Man ng Aking mga Tagapaglingkod, Ito ay Iisa,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 1:37–38,” Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 6: Doktrina at mga Tipan 1

Doktrina at mga Tipan 1:37–38

“Maging sa pamamagitan ng Sarili Kong Tinig o sa Tinig Man ng Aking mga Tagapaglingkod, Ito ay Iisa”

Jesucristo

Para tapusin ang Kanyang inspiradong paunang salita sa Book of Commandments (ngayon ay Doktrina at mga Tipan), nagpatotoo ang Panginoon na nangungusap Siya sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na pag-aralan ang mga salita ng Panginoon sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga makabagong propeta.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Bakit natin gugustuhing marinig ang Panginoon?

Maaaring maging epektibo na magsimula sa panonood ng “#PakingganSiya: Inaanyayahan Tayo ni Pangulong Nelson na Pakinggan ang Tinig ng Panginoon,” na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 0:00 hanggang 1:14.

2:32

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nagustuhan o natutuhan nila mula sa video. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na ipikit ang kanilang mga mata at isipin ang sumusunod na sitwasyon habang pinag-iisipan ang mga tanong sa ibaba. Maaari mong ipabahagi sa mga boluntaryo ang kanilang mga sagot kung hindi masyadong personal ang mga ito.

Isipin kunwari na nagkaroon ka ng pagkakataong makasama ang Tagapagligtas na si Jesucristo sa iisang kuwarto.

  • Bakit kaya gusto mong makipag-usap at makinig sa Kanya?

  • Anong mga paksa ang gusto mong talakayin ng Tagapagligtas sa iyo o tungkol saang mga paksa mo Siya gustong magbigay ng payo? Bakit?

  • Sa iyong palagay, paano makakaimpluwensya sa iyo ang karanasang ito?

Habang pinag-aaralan ninyo ang lesson na ito, humingi ng patnubay sa Espiritu Santo para matulungan kayo na malaman kung paano ninyo maririnig ang mga salita ng Tagapagligtas at kung paano kayo personal na mapagpapala ng mga ito.

Paano pakikinggan ang Tagapagligtas sa ating buhay

Mahal tayo ng Tagapagligtas at nais Niyang patuloy tayong magsikap na pakinggan ang Kanyang tinig. Sa pagtatapos ng paunang salita sa Doktrina at mga Tipan, binigyang-diin ng Tagapagligtas ang ilan sa mga paraan na nangungusap Siya sa atin.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 1:37–38, at alamin ang mga paraang iyon na nangungusap Siya sa atin. Maaaring makatulong na tandaan na ang salitang “mga kautusan” ay tumutukoy sa Book of Commandments (o Doktrina at mga Tipan).

icon ng doctrinal mastery Ang Doktrina at mga Tipan 1:37–38 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan para madali nilang mahanap ang mga ito.

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga talatang ito?

    Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga ideya nila. Maaari nilang banggitin na nangungusap ang Panginoon sa atin sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at ng Kanyang mga propeta. Kung hindi nila nabanggit, maaari mong itaas ang isang kopya ng Doktrina at mga Tipan, isang larawan ng mga makabagong propeta, at isang larawan ng Tagapagligtas, at itanong kung ano ang pagkakatulad ng mga ito ayon sa Doktrina at mga Tipan 1:38. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang isang parirala na nagtuturo ng sumusunod na katotohanan: sa pamamagitan man ng Kanyang sariling tinig o sa tinig man ng Kanyang mga tagapaglingkod, ito ay iisa.

    Kung makatutulong, isulat sa pisara ang mga sumusunod na talata at sabihin sa mga estudyante na basahin ang isa o dalawa sa mga ito, at alamin ang itinuturo ng mga ito na nagpapatibay sa katotohanan sa itaas: Deuteronomio 18:18; Doktrina at mga Tipan 18:33–36; 21:4–6. Maaaring isulat ng mga estudyante ang mga talatang ito bilang mga cross-reference sa Doktrina at mga Tipan 1:38.

  • Bakit maaaring mahirap kung minsan na pag-aralan ang mga salita ng Panginoon?

  • Paano kayo maaaring mahikayat ng katotohanang natukoy natin, o ng iba pang mga parirala sa Doktrina at mga Tipan 1:37–38, na pag-aralan ang mga salita ng Panginoon?

Bakit gusto nating pag-aralan ang Kanyang mga salita

Panoorin ang sumusunod na video at basahin ang sumusunod na pahayag, at alamin ang mga dahilan kung bakit gusto ninyong pag-aralan ang mga salita ng Panginoon sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at sa pamamagitan ng mga salita ng mga makabagong propeta:

Itinuro ni Sister Carol F. McConkie, dating tagapayo sa Young Women General Presidency:

Sister Carol F. McConkie

[Ang mga propeta sa mga huling araw ay] nagsasalita sa pangalan ni Jesucristo. Nagpopropesiya sila sa pangalan ni Cristo. Ginagawa nila ang lahat ng bagay sa pangalan ni Jesucristo. Sa kanilang mga salita naririnig natin ang tinig ng Panginoon at nadarama ang pagmamahal ng Tagapagligtas. (Carol F. McConkie, “Mamuhay Ayon sa mga Salita ng mga Propeta,” Liahona, Nob. 2014, 77)

  • Ano ang nagustuhan o natutuhan ninyo mula sa video at pahayag na ito?

    Bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong bago hilingin sa mga boluntaryo na magbahagi. Habang nag-iisip ang mga estudyante, maaari kang magbahagi ng isang personal na halimbawa na makakaugnay sila. Ang paggawa nito ay maaaring makatulong sa kanila na mag-isip ng iba pang mga halimbawa.

  • Kailan ninyo nadama (o ng isang taong kilala ninyo) na nakatanggap kayo ng mensahe mula sa Panginoon sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan o sa pamamagitan ng mga salita ng mga makabagong propeta?

Magsanay

Ang sumusunod na aktibidad ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na mas mapalapit sa Tagapagligtas habang pinag-aaralan ang mga salita ng Kanyang mga tagapaglingkod. Tiyaking bigyan ang mga estudyante ng maraming oras para gawin ito at pagkatapos ay ibahagi nila ang kanilang mga naisip.

  1. Maglaan ng ilang minuto para saliksikin ang ilan sa mga sumusunod na talata at salita ng mga makabagong propeta. Habang nag-aaral kayo, isaisip na sinasabi ng Panginoon ang mga salitang ito sa inyo. (Ito ay isang kapaki-pakinabang na kasanayan sa pag-aaral na magagamit ninyo sa tuwing pinag-aaralan ninyo ang mga banal na kasulatan.) Maaari ninyong markahan kung ano ang makabuluhan sa inyo.

    Doktrina at mga Tipan 6:34–37; 10:5; 19:23; 27:15–18; 58:26–28; 68:5–6; 78:18–19; 82:10; 98:1–3; 112:10. (O pumili ng iba pang mga talata sa Doktrina at mga Tipan.)

    Kung sa palagay mo ay mas akma ito sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante, sa halip na ang mga sumusunod, isiping magtipon ng ilang siniping pahayag kamakailan mula sa mga propeta na partikular na naaangkop sa iyong mga estudyante. Tiyaking mayroon kang ilang kopya ng pinakahuling isyu ng pangkalahatang kumperensya ng magasing Liahona.

  2. Pag-aralan ang ilan o lahat ng mensahe sa huling pangkalahatang kumperensya na sa palagay ninyo ay makatutulong sa inyo nang personal.

    Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan. Maaari ding maging kapaki-pakinabang ang mga sumusunod na tanong:

  3. Ano ang natutuhan ninyo?

  4. Paano nakaapekto sa inyong pag-aaral na isipin na sinasabi sa inyo ng Tagapagligtas ang mga salitang iyon?

  5. Paano makakaimpluwensiya sa inyong kaugnayan sa Tagapagligtas ang regular na paggawa nito sa inyong personal na pag-aaral?

Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maghanap ng mga paraan upang mabigyang-diin na nangungusap pa rin sa atin ang Panginoon sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at mga buhay na propeta.

Sa pagtatapos ng klase, isulat sa inyong study journal ang gusto ninyong gawin para mas mapalapit sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga salita ng Kanyang mga tagapaglingkod. Maaaring ang ilang ideya ay:

  • Regular na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan na parang nangungusap sa inyo ang Panginoon.

  • Pakinggan ang mga salita ng mga propeta habang naghahanda kayong pumasok sa paaralan sa umaga o matulog sa gabi o sa ibang pagkakataon na mas kapaki-pakinabang sa inyo.

Isaulo

Maaari mong tulungan ang mga estudyante na maisaulo ang reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan ng Doktrina at mga Tipan 1:37–38 at balikan ang mga ito sa mga susunod na lesson. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan ay “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa.” Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”