Lesson 4—Doktrina at mga Tipan 1: “Ang Tinig ng Panginoon ay Hahanggan sa mga Dulo ng Mundo”
“Lesson 4—Doktrina at mga Tipan 1: ‘Ang Tinig ng Panginoon ay Hahanggan sa mga Dulo ng Mundo,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 1,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
“Ang Tinig ng Panginoon ay Hahanggan sa mga Dulo ng Mundo”
Bago ang paglilimbag ng Book of Commandments, na kalaunan ay naging bahagi ng Doktrina at mga Tipan, humiling si Propetang Joseph Smith sa Panginoon ng paunang salita para sa aklat. Bilang tugon, inihayag ng Panginoon ang tinatawag ngayon na bahagi 1 ng Doktrina at mga Tipan bilang pambungad ng mga paghahayag sa mundo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung bakit nagbibigay ang Panginoon ng mga babala sa mundo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
“Ang tinig ng babala”
Isipin kunwari na gumagawa ng desisyon ang isang kaibigan ninyo na hindi magbubunga nang maganda.
Bakit ninyo gugustuhing balaan ang inyong kaibigan tungkol sa desisyong ito?
Nagbigay rin ang Tagapagligtas ng “tinig ng babala” (Doktrina at mga Tipan 1:4). Isipin ang mga sumusunod na tanong:
Bakit kaya tayo binibigyan ng babala ng Tagapagligtas? Bakit ka kaya binibigyan Niya ng babala? Paano?
Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Kanya?
Habang pinag-aaralan ninyo ang lesson na ito, maghanap ng mga sagot sa mga tanong na ito.
Ang tinig ng babala ng Panginoon ay para sa lahat ng tao
Pagsapit ng Nobyembre 1831, si Propetang Joseph Smith ay nakapagtala ng mahigit 60 paghahayag mula sa Panginoon. Gayunman, iilang miyembro ng Simbahan ang may mga kopya ng mga paghahayag. Sa ilalim ng pamamahala ng Propeta, ang mga paghahayag ay tinipon sa isang bagong aklat ng mga banal na kasulatan na tinatawag na Book of Commandments, na kalaunan ay naging bahagi ng Doktrina at mga Tipan. Nang ililimbag na ang aklat, si Joseph ay nanalangin at humiling sa Panginoon ng pambungad sa aklat. Bilang tugon, natanggap niya sa pamamagitan ng paghahayag ang bahagi 1, na tinawag ng Panginoon na “aking paunang salita” (Doktrina at mga Tipan 1:6) sa bagong aklat na ito ng mga banal na kasulatan.
Gamitin ang inyong mga banal na kasulatan sa pagsagot sa mga sumusunod na tanong:
Sino ang binibigyan ng babala ng Tagapagligtas sa panahong ito? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:1–4, 34–36; maaaring makatulong na malaman na ang “nagtatangi ng mga tao” [talata 35] ay isang taong pumapabor sa isang tao kaysa sa isa pa).
Ang tinig ng babala ng Panginoon ay katibayan ng Kanyang pagmamahal
Sa Doktrina at mga Tipan 1, inihayag ng Tagapagligtas ang ilang dahilan kung bakit Siya nagbibigay ng mga babala sa mundo. Habang nag-aaral kayo, pagnilayan kung paano naging katibayan ang mga dahilang ito na pinagpapala tayo ng Tagapagligtas.
Pumili ng isa sa mga dahilan na nalaman ninyo kung bakit nangungusap sa atin ang Panginoon, at sagutin ang isa o dalawa sa mga sumusunod na tanong:
Paano naging katibayan ng pagmamahal ng Tagapagligtas ang dahilang ito? Paano maituturing na pagpapala ang dahilang ito?
Kailan mo naranasan ang pagpapalang ito, o bakit mo gustong magkaroon ng ganitong pagpapala sa iyong buhay?
Bakit kailangan ng buong mundo ang pagpapalang ito?
Paano tayo binabalaan ng Panginoon sa ating panahon?
Isipin kunwari na para sa lesson mo ngayong Linggo, inanyayahan ka ng titser mo na ibahagi nang ilang minuto kung bakit tayo binibigyan ng mga babala ng Panginoon sa panahong ito. Pag-isipan kung paano mo ibabahagi ang mensaheng ito sa iyong klase sa makabuluhang paraan. Maghanda ng handout, meme, poster, o iba pang malikhaing pamamaraan para sa pagbabahagi ng mensaheng ito sa iyong klase. Isama lamang ang mga sumusunod:
Isang talata mula sa Doktrina at mga Tipan 1 na nagbabahagi ng kahit isang dahilan kung bakit nagbibigay ng mga babala ang Panginoon sa lahat ng tao
Isang halimbawa ng babala sa atin ng Panginoon sa ating panahon (Kung pinili mo na ang Panginoon ay nagbibigay ng babala sa atin tungkol sa mga hamon at kasalanan ng mundo [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:15–17], maaari kang magbahagi ng isang talata mula sa mga banal na kasulatan o ng mga salita ng isang propeta sa panahong ito na nagbibigay ng mga babala sa atin tungkol sa mga tukso sa makabagong panahong ito.)
Ang iyong mga naisip at nadama tungkol sa pagbibigay ng Panginoon ng mga mensahe ng babala sa atin sa panahong ito. Maaari ka ring magsama ng isang karanasan.