Seminary
Lesson 36: Doktrina at mga Tipan 20:37, 68–79: Ang mga Sagradong Ordenansa ng Binyag at ang Sakramento


“Doktrina at mga Tipan 20:37, 68–79: Ang Pagtatatag ng Simbahan ni Jesucristo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 20:37, 68–79,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 36: Doktrina at mga Tipan 20–22

Doktrina at mga Tipan 20:37, 68–79

Ang mga Sagradong Ordenansa ng Binyag at ang Sakramento

binyag

Sa isang paghahayag kay Propetang Joseph Smith na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 20, ipinaliwanag ng Panginoon ang mga ordenansa ng binyag, kumpirmasyon, at ang sakramento. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na masuri kung paano nila natutugunan ang mga inaasahan ng Panginoon para sa mga miyembro ng Kanyang Simbahan.

Paghahanda ng estudyante: Maaaring basahin ng mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 20:37, 68–79. Sabihin sa kanila na alamin ang mga tuntunin na inilaan ng Panginoon para sa mga nagnanais na sumapi sa Kanyang Simbahan at sa mga taong kabilang sa Kanyang Simbahan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Paano naiiba ang buhay pagkatapos ng binyag

Bago anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang sumusunod na tanong, maaari kang magpakita ng larawan ng isang tao sa araw ng kanyang binyag, tulad ng nasa simula ng lesson.

  • Sa paanong mga paraan maaaring maiba ang buhay ng isang tao matapos siyang magpasiyang magpabinyag?

    Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong sabihin sa mga estudyante ang tungkol sa isang taong kilala mo na nabinyagan. Maaari mong ilarawan ang mga pagkakaibang napansin mo sa taong iyon mula noong bago siya nabinyagan hanggang pagkatapos ng kanyang binyag. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan at ibahagi kung paano nakaimpluwensya sa kanilang buhay ang desisyon nilang magpabinyag.

  • Sa iyong palagay, bakit mahalaga ang ordenansa ng binyag sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Ibahagi ang sumusunod na talata upang matulungan ka na maipaalam sa mga estudyante ang pag-aaralan nila ngayon:

Ang Doktrina at mga Tipan 20 ay naglalaman ng mga tagubilin tungkol sa pagtatatag ng Simbahan ng Tagapagligtas. Bilang bahagi ng mga tagubiling ito, nagbahagi ang Panginoon ng mahahalagang turo na tumutulong sa atin na maunawaan ang kahalagahan ng ordenansa ng binyag. Nagturo din Siya ng mahahalagang katotohanan tungkol sa sakramento, na iniuutos sa atin na dapat tayong makibahagi linggu-linggo matapos tayong mabinyagan. Habang pinag-aaralan mo ang mga salita ng Tagapagligtas, bigyang-pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu na makatutulong sa iyo na matukoy ang kahalagahan ng mga ordenansang ito sa iyong buhay.

Ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa binyag at sakramento

icon ng graphicsPagpartner-partnerin ang mga estudyante o hatiin sila sa maliliit na grupo. Bigyan ang bawat estudyante ng handout ng lesson at sabihin sa mga estudyante na magtulungan sa pagkumpleto ng mga aktibidad sa pag-aaral na nasa handout. Maaaring makatulong na italaga ang isang estudyante na maging lider ng talakayan sa bawat grupo.

Para magkaroon ng pagkakaiba-iba, sabihin sa mga estudyante na huminto pagkatapos nilang kumpletuhin ang isang segment para makabuo ka ng iba’t ibang magkaka-partner o grupo para sa bawat bahagi.

Mga Turo tungkol sa Binyag at Sakramento sa Doktrina at mga Tipan 20

Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga TipanDoktrina at mga Tipan 20:37, 68–79

Bahagi 1: Mga kwalipikasyon para sa binyag

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 20:37, at alamin kung ano ang dapat gawin ng isang tao para maging karapat-dapat sa binyag.

Kung kinakailangan, hanapin ang mga kahulugan ng mga salitang hindi mo nauunawaan. Pagkatapos ay ilista ang mga kwalipikasyon sa binyag sa espasyo sa ibaba. Maaari mong ibahin ang pagkakasulat ng ilan sa mga ito gamit ang sarili mong mga salita.

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng mga bagay na ito na kinakailangang gawin tungkol sa Panginoon at sa Kanyang mga hangarin para sa atin?

  • Paano makatutulong na alalahanin ang mga bagay na ito na kinakailangang gawin kahit nabinyagan na tayo?

Pumili ng dalawa o tatlo sa mga kinakailangang gawin na nakalista sa talata 37. Talakayin kung paano makatutulong sa iyo ang patuloy na pagsisikap na sundin ang mga ito para maging higit na katulad ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Bahagi 2: Mga kinakailangang gawin pagkatapos ng binyag

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 20:68–69, at alamin ang mga inaasahan ng Panginoon sa atin matapos tayong binyagan.

  • Mula sa talata 69, ano ang nalaman mo tungkol sa gagawin natin upang maipakita sa Panginoon na karapat-dapat tayo matapos tayong binyagan?

Maaari mong markahan ang pariralang “makadiyos na paglakad at pakikipag-usap” sa talata 69. Maipapakita ng isang tao ang “makadiyos na paglakad at pakikipag-usap” sa pamamagitan ng mga kilos, pag-uugali, at salita na nakaayon sa Diyos.

  • Ano sa palagay mo ang ilan sa mga dahilan kung bakit nais ng Panginoon na ipakita ng mga miyembro ng Kanyang Simbahan ang “makadiyos na paglakad at pakikipag-usap” matapos silang mabinyagan?

Talakayin ang kahit tatlong partikular na halimbawa ng mga paraan na maipapakita natin ang “makadiyos na paglakad at pakikipag-usap“ sa ating buhay. Maaari mo ring talakayin ang mga halimbawa ng mga paraan na nagsikap kang ipakita ang mga ito sa sarili mong buhay.

Bahagi 3: Pagtanggap ng sakramento

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 20:75, at alamin ang mga tagubilin ng Panginoon tungkol sa ordenansa ng sakramento.

  • Sa iyong palagay, bakit nais ng Panginoon na magtipun-tipon tayo bawat linggo para tumanggap ng sakramento?

Ang talata 77 at 79 ay naglalaman ng mga panalangin na iniutos ng Panginoon na ibigay ng mga maytaglay ng priesthood kapag nangangasiwa ng sakramento. Sa pamamagitan ng ordenansa ng sakramento, pinapanibago natin ang mga tipang ginawa natin noong tayo ay nabinyagan at nakumpirma. Sa pagsisikap nating tuparin ang ating mga tipan at magsisi araw-araw, mararanasan natin ang gayon ding paglilinis at mga pagpapalang naranasan natin sa pamamagitan ng binyag.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 20:77 at 79, at alamin ang ipinapangako natin at kung ano ang ipinapangako ng Panginoon kapag tumatanggap tayo ng sakramento. Maaari mong markahan ang mga pangakong ito sa iyong mga banal na kasulatan.

  • Paano natin maipapakita na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo?

  • Ano ang ilang paraan na maipakikita natin sa Tagapagligtas na naaalala natin Siya?

Paano ipinapakita ng ordenansa ng sakramento ang pagmamahal at awa ng Tagapagligtas para sa atin?

Pagsasabuhay ng natutuhan mo

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ibahagi ang natutuhan o nadama nila mula sa nakaraang aktibidad sa pag-aaral. Maaari mong itanong ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod bilang bahagi ng talakayang ito.

  • Ano ang mga naisip o impresyon mo habang pinag-aaralan mo ang mga talatang ito?

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas nang pag-aralan mo ang Kanyang mga turo sa bahaging ito?

  • Ano ang natutuhan o nadama mo ngayon tungkol sa kahalagahan ng mga ordenansa ng binyag at ng sakramento?

    Sabihin sa mga estudyante na tahimik na suriin kung gaano nila nadarama na ginagawa nila ang mga kinakailangang gawin na natutuhan nila ngayon. Ang isang paraan na magagawa mo ito ay sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga sumusunod na tagubilin at pag-anyaya sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang study journal.

  • Maghanap ng parirala na nakalista sa mga talatang pinag-aralan mo ngayon (Doktrina at mga Tipan 20:37, 68–69, 75–79) na naglalarawan ng isang bagay na mahusay mong nagagawa. Ilista ang pariralang ito sa iyong study journal at ilarawan kung bakit mabuti ang pakiramdam mo sa aspetong ito.

  • Maghanap ng parirala mula sa mga talatang ito na naglalarawan ng isang bagay na gusto mong pagbutihin pa. Ilista ang pariralang ito sa iyong study journal at ilarawan kung bakit mo ito pinili.

  • Gumawa ng partikular na mithiin para mas mapagbuti ang aspetong pinili mo.

Hikayatin ang mga estudyante na isagawa ang mithiing itinakda nila para sa kanilang sarili. Patotohanan ang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa kanila at ang tulong na maibibigay Niya kapag nagsikap silang tuparin ang mga tipang ginawa nila sa Kanya.