Pagtanggap ng mga Salita ng mga Propeta nang May Pagtitiis at Pananampalataya
Ang Doktrina at mga Tipan 21 ay natanggap noong Abril 6, 1830, ang araw na itinatag ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa paghahayag na ito, iniutos ng Tagapagligtas sa mga miyembro ng Kanyang Simbahan na sundin ang payo ng Kanyang propeta. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na sundin ang mga salita ng mga propeta ng Panginoon nang may pagtitiis at pananampalataya.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagsunod sa payo
Isipin kunwari na habang nakikinig ka sa pangkalahatang kumperensya, natanggap mo ang sumusunod na text message mula sa iyong kaibigan: “Narinig mo ba ang sinabi ng propeta? Hindi ako sigurado kung sasang-ayon ako riyan!”
Ano sa palagay mo ang madarama mo kung nakatanggap ka ng ganitong mensahe?
Ano ang ilang bagay na mahalagang pag-isipan ng iyong kaibigan bago magpasiya kung susundin ang payo ng propeta?
Nang buong pagtitiis at pananampalataya
Sa araw na itatag ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, noong Abril 6, 1830, ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith ang isang paghahayag na makikita sa Doktrina at mga Tipan 21. Sa bahagi ng paghahayag na ito, nagbigay ang Panginoon ng mahalagang payo tungkol sa pagsunod sa propeta.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 21:1–3, at alamin ang mga titulong ginamit ng Panginoon para tukuyin si Propetang Joseph Smith.
Batay sa mga titulong ito, bakit magiging pagpapala sa mga miyembro ng bagong tatag na Simbahan ng Panginoon na magkaroon ng propeta na tinawag ng Diyos?
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 21:4–5, at alamin ang ipinayo ng Panginoon sa mga Banal tungkol sa kung paano nila dapat tanggapin ang mga salita ni Propetang Joseph Smith.
Anong mga salita o parirala mula sa mga talatang ito ang pinakanapansin mo? Bakit?
Ano ang natutuhan mo mula sa mga talatang ito na makatutulong sa isang tao na nag-aatubiling sundin ang payo ng mga propeta ng Panginoon?
Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano natin maipapakita ang pagtitiis at pananampalataya habang nagsisikap tayong sundin ang propeta.
2:3
Huwag kayong mabibigla kung ang inyong mga personal na pananaw sa simula ay hindi palaging lubos na umaayon sa mga turo ng propeta ng Panginoon. Ito ang mga pagkakataon ng pagkatuto, ng pagpapakumbaba, kapag tayo ay lumuluhod para manalangin. Nagpapatuloy tayo sa paglakad nang may pananampalataya, nagtitiwala sa Diyos, nalalaman na darating ang panahon na makatatanggap tayo ng dagdag na espirituwal na kaliwanagan mula sa ating Ama sa Langit. (Neil L. Andersen, “Ang Propeta ng Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 26)
Ang mga pagpapala ng pagsunod sa mga propeta ng Panginoon
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 21:6. Tukuyin ang tatlong pagpapala na ipinangako ng Panginoon sa mga tumatanggap ng Kanyang mga salita sa pamamagitan ng propeta nang may pagtitiis at pananampalataya.
Batay sa mga turo ng Panginoon sa talata 6, paano mo kukumpletuhin ang sumusunod na pahayag? Kapag tinatanggap natin ang mga salita ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta nang may pagtitiis at pananampalataya …
Paano mo ibubuod sa sarili mong mga salita kung ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng mga pangakong ito?
Ano ang ipinauunawa sa iyo ng mga pangakong ito tungkol sa Panginoon?
Paano makakaapekto ang mga pangakong ito sa hangarin nating sundin ang mga propeta ng Panginoon?
Pagsunod sa mga propeta ng Panginoon sa kasalukuyang panahon
Maghanap ng paanyayang ibinigay ng mga propeta at apostol ngayon na gusto mong sikaping ipamuhay. Gamitin ang Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili (2022) o ang isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan para makahanap ng mga kaugnay na payo o paanyaya.
Pagkatapos mag-aral, sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:
Anong paanyaya o payo ang nahanap mo?
Paano mo kakailanganin ang pagtitiis at pananampalataya sa pagsunod sa paanyayang ito ng propeta?
Anong mga pagpapala mula sa Diyos ang nakita mong matatanggap mo kapag sinunod mo ang payong ito?
Anong mga partikular na gawain ang gagawin mo para masunod ang payong ito sa iyong buhay?