Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay itinatag sa tahanan nina Peter at Mary Whitmer sa Fayette, New York, noong Abril 6, 1830. Inihahayag sa Doktrina at mga Tipan 20 ang mga hangarin ng Panginoon para sa bagong ipinanumbalik na Simbahan. Layunin ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng Simbahan ng Tagapagligtas.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang kahalagahan ng simbahan
15:54
Isipin kunwari na habang pinag-uusapan ninyo ng iyong mga kaibigan ang ginawa ninyo noong katapusan ng linggo, binanggit mo ang pagsisimba. Sumagot ang isa sa mga kaibigan mo: “Pasensya na, pero hindi ko nauunawaan ang dahilan kung bakit kailangang magkaroon ng organisadong relihiyon. Nadarama mo ba talaga na kailangan mo ng simbahan para mapalapit sa Diyos at maging mabuting tao?”
Sa iyong palagay, bakit hindi nakikita ng ilang tao na kailangan ang organisadong relihiyon?
Paano maiiba ang iyong buhay kung wala ang Simbahan ni Jesucristo?
Ang pagtatatag ng Simbahan ni Cristo
Labing-isang araw matapos ilathala ang Aklat ni Mormon, noong Abril 6, 1830, itinatag ang Simbahan ni Cristo. Ang pagtatatag ay naganap sa tahanan nina Peter at Mary Whitmer sa Fayette, New York. Upang matugunan ang hinihingi ng batas, anim na tao ang piniling maging mga unang miyembro ng bagong simbahan. Mga 40 iba pa ang naroon upang masaksihan ang mahalagang pangyayaring ito. Kalaunan, noong 1838, inihayag ng Panginoon ang pangalan ng Simbahan tulad ng alam natin ngayon: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 20:1–4, at alamin ang ginagampanan ng Panginoon sa pagtatatag ng Kanyang Simbahan.
Ano ang nalaman mo?
Sa iyong palagay, bakit nais ng Tagapagligtas na maitatag ang Kanyang Simbahan sa lupa?
Hikayatin ang mga mag-aaral na ibahagi ang mga katotohanang natututuhan nila: Ang sumusunod na bahagi ng lesson ay magbibigay sa mga estudyante ng pagkakataong pagnilayan at pagkatapos ay ibahagi ang natutuhan nila. Para sa karagdagang pagsasanay rito, tingnan ang training na may pamagat na “Tulungan ang mga mag-aaral na lumikha o magpasimula ng mga pag-uusap tungkol sa ebanghelyo,” na nasa training para sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.
Gamit ang natutuhan mo ngayon, gumawa ng sagot para tulungan ang isang tao na hindi nauunawaan na kinakailangan ang Simbahan ng Tagapagligtas sa lupa. Kung nais mo, ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong na gabayan ka:
Ano ang maibibigay ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na hindi maibibigay sa atin ng iba pang mga organisasyon?
Paano tayo tinutulungan ng Simbahan ng Tagapagligtas na matuto tungkol sa Kanya at lumapit sa Kanya?
Paano napagpala ang iyong buhay ng pagiging miyembro mo ng Simbahan ng Tagapagligtas?