Seminary
Lesson 38: Doktrina at mga Tipan 23–24: “Nangungusap Ako sa Iyo”


“Doktrina at mga Tipan 23–24: ‘Nangungusap Ako sa Iyo,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan, (2025)

“Doktrina at mga Tipan 23–24,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 38: Doktrina at mga Tipan 23–26

Doktrina at mga Tipan 23–24

“Nangungusap Ako sa Iyo”

teenager na nagdarasal sa tabi ng nakabuklat na mga banal na kasulatan

Matapos maitatag ang Simbahan noong Abril 1830, kaagad na naharap ang mga Banal sa matinding pag-uusig. Sa kabila ng mga hamong ito, patuloy na pinalakas ng Tagapagligtas ang Simbahan at nagbigay Siya ng personal na payo sa mga taong masigasig na nagnanais na malaman ang Kanyang kalooban. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama na kilala sila ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at magbibigay ng patnubay para sa kanilang personal na buhay.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Paghingi ng patnubay

Maaari mong ilista sa pisara ang mga sumusunod na tanong at sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang kanilang mga sagot. Pagkalipas ng sapat na oras, hikayatin ang mga estudyante na mag-isip ng mahalagang payo na natanggap nila mula sa taong ito at anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi.

  • Sino ang pinakalubos na nakakakilala sa iyo?

  • Ano ang alam nila tungkol sa iyo?

  • Ano ang hindi nila alam tungkol sa iyo?

Bagama’t maaaring makatanggap ang mga estudyante ng mahalagang payo mula sa maraming mapagkakatiwalaang sources, sabihin sa kanila na pagnilayan kung bakit ang Ama sa Langit at si Jesucristo ang pinakamainam na pinagmumulan ng payo. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagsisikap nila ngayon na humingi ng payo mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Sapat na ba ang kanilang mga pagsisikap, o pakiramdam ba nila ay kailangan nilang gumawa ng anumang pagbabago? Sabihin sa mga estudyante na mapanalanging pag-isipan ang mga tanong na ito sa kabuuan ng lesson na ito.

Kilala ka ng Panginoon

Si Joseph Smith at ang iba pa ay humingi ng patnubay sa Ama sa Langit at kay Jesucristo hinggil sa kanilang mga tungkulin sa bagong ipinanumbalik na Simbahan. Ang Doktrina at mga Tipan 23–24 ay naglalaman ng tugon ng Tagapagligtas sa kanilang tapat na hangaring tumanggap ng banal na patnubay.

Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Kilala ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang bawat isa sa atin at bibigyan Nila tayo ng payo ayon sa ating mga hangarin at kalagayan.

Sa pagtalakay ng mga estudyante sa alituntuning ito, maaari mong ipaliwanag na makatatanggap tayo ng payo mula sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin, mga banal na kasulatan, mga salita ng mga propeta, mga magulang, mga mapagkakatiwalaang adult leader, atbp.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 23:1–6, at maghanap ng katibayan ng katotohanang ito.

  • Anong katibayan ang nahanap mo?

  • Paano nakakaapekto ang katibayang ito sa nauunawaan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Itinuro ni Sister Cristina B. Franco, na naglingkod bilang Pangalawang Tagapayo sa Primary General Presidency:

Sister Cristina B. Franco

Kilala ka rin ng Ama sa Langit. Alam Niya kung nasaan ka at kung sino ka at kung ano ang kailangan mo. Dinirinig at sinasagot Niya ang iyong mga panalangin. Gaano ka man kalungkot, palagi Siyang naririyan. Hinding-hindi ka nag-iisa. Makakalapit ka palagi sa Kanya. (Cristina B. Franco, “Kilala Ka ng Ama sa Langit,” Kaibigan, Hunyo 2018, 16)

  • Sa paanong paraan tayo pinapayuhan ng Diyos ayon sa ating mga hangarin at kalagayan?

Magagabayan Nila ang aking buhay

icon ng graphicsAng kasamang handout ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano sila papatnubayan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ayon sa kanilang personal na kalagayan. Maaari mong pagpartner-partnerin o hatiin sa maliliit na grupo ang mga estudyante at bigyan ang bawat isa ng kopya ng handout. Hayaang pumili ang mga estudyante ng pag-aaralan nila. Pagkalipas ng sapat na oras, anyayahan sila na ibahagi ang natutuhan nila sa klase.

Maaari mo ring italaga sa bawat grupo ang isa o dalawang tao na pag-aaralan.

Doktrina at mga Tipan 23–24: Payo mula sa Panginoon

Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga TipanDoktrina at mga Tipan 23-24

Pumili ng kahit dalawa sa mga sumusunod na tao na babasahin. Maghanap ng mga parirala sa mga talatang may kaugnayan sa buod ng kasaysayan. Makatutulong ito sa iyo na makita ang katibayan na kilala ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang bawat tao at nagbigay Sila ng payo para sa kanilang personal na buhay.

Oliver Cowdery

Doktrina at mga Tipan 23:1–2; 24:10–12

Oliver Cowdery

Si Oliver ay isang guro. Naglingkod siya bilang tagasulat ni Joseph Smith Jr. nang isalin nito ang Aklat ni Mormon. Isa siya sa Tatlong Saksi ng Aklat ni Mormon at siya ang pangalawang elder ng ipinanumbalik na Simbahan. Ibinahagi niya ang ebanghelyo sa pamilya Whitmer at sa iba pang mga kaibigan niya sa Fayette, New York. Sa ilang pagkakataon kinakitaan siya ng kapalaluan, kabilang na ang minsang pagsulat niya kay Joseph Smith Jr. hinggil sa isang bahagi ng paghahayag na hindi niya sinang-ayunan. Ang kanyang kapalaluan ay naging dahilan para lisanin niya ang Simbahan sa pagitan ng 1838 at 1847.

Hyrum Smith

Doktrina at mga Tipan 23:3

Hyrum Smith

Si Hyrum ay nakatatandang kapatid ni Propetang Joseph Smith. Tumulong siya sa paglalathala ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng direktang pakikipagtulungan sa manlilimbag. Nagkaroon siya ng matinding hangaring ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo, ngunit iniutos sa kanya na maghintay at maghanda sa pamamagitan ng pag-aaral ng salita ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 11:21–22). Naglingkod siya bilang pangulo ng unang branch ng Simbahan sa Colesville, New York. Ginampanan ni Hyrum ang kanyang tungkulin sa Simbahan at naging tapat siya sa Panginoon sa buong buhay niya.

Joseph Knight Sr.

Doktrina at mga Tipan 23:6–7

Si Joseph Knight Sr. ay malapit na kaibigan ni Joseph Smith Jr. at nagpakita sa kanya ng labis na kabaitan. Binigyan niya ang Propeta ng mga suplay habang isinasalin nito ang Aklat ni Mormon. Ninais niyang magpabinyag kasama ang iba pa sa araw na itinatag ang Simbahan, ngunit ipinasiya niyang ipagpaliban ito dahil gusto niyang pag-aralan pa lalo ang Aklat ni Mormon. Hindi nagtagal matapos matanggap ang payo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 23, pinili ni Joseph Knight Sr. na magpabinyag. Siya ay nanatiling tapat na miyembro ng Simbahan sa buong buhay niya.

Joseph Smith Jr.

Doktrina at mga Tipan 24:1–9

ang Propetang Joseph Smith

Si Joseph Smith Jr. ay Propeta ng Panginoon. Noong Abril 1830, itinatag ni Joseph ang ipinanumbalik na Simbahan. Agad na naharap ang bagong Simbahan sa pag-uusig. Si Joseph ay inaresto sa mga maling paratang at pinakawalan. Responsibilidad niyang itaguyod ang kanyang pamilya at pamunuan ang Simbahan nang sabay. “Abala man siya sa bagong simbahan, kailangan niyang magtanim agad sa kanyang bukid kung gusto niya ng matagumpay na ani sa taglagas. Ang kanyang mga bayad para sa sakahan ng ama ni Emma ay huli na sa takdang araw, at kung hindi magiging maganda ang kanyang ani, kailangan niyang humanap ng iba pang paraan upang bayaran ang kanyang pagkakautang” (Mga Banal, 1:103).

Matapos makumpleto ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral, sabihin sa kanila na ibahagi ang katibayan na nalaman nila na kilala ng Panginoon ang mga taong ito.

Maaari mong ipanood ang video na “Heavenly Father Knows Me” (3:18) para matulungan ang mga estudyante na maghandang mag-isip at magbahagi ng sarili nilang mga karanasan.

3:18

Heavenly Father Knows Me

After a trial of her faith, a young woman receives a witness that Heavenly Father truly does answer prayers.

Ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa at damdamin tungkol sa nakikilala sila ng Panginoon. Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang study journal. Maaaring madama ng ilang estudyante na hindi sila kilala ng Panginoon. Tiyakin sa bawat estudyante na kilala Niya sila, at hikayatin sila na patuloy na hingin ang tulong at patnubay ng Panginoon.

  • Anong katibayan ang nakita mo na kilala ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at alam Nila ang tungkol sa iyo?

  • Paano ito nakaimpluwensya sa kaugnayan mo sa Kanila?

  • Sa iyong palagay, anong payo ang ibibigay sa iyo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa kasalukuyan mong sitwasyon?

Sabihin sa mga nakahandang estudyante na magbahagi ng mga karanasan nila o ng ibang kakilala nila na nakatulong sa kanila na malaman na alam ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang tungkol sa kanila. Paalalahanan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang bagay na masyadong personal o sagrado.

Maaari kang magbigay ng personal na patotoo o magbahagi ng karanasan na naglalarawan kung paanong kilala ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang bawat isa sa atin at kung paano Nila tayo bibigyan ng payo ayon sa ating mga hangarin at kalagayan.