Seminary
Lesson 39: Doktrina at mga Tipan 25, Bahagi 1: “Emma Smith, Aking Anak”


“Doktrina at mga Tipan 25, Bahagi 1: ‘Emma Smith, Aking Anak,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan, (2025)

“Doktrina at mga Tipan 25, Bahagi 1,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 39: Doktrina at mga Tipan 23–26

Doktrina at mga Tipan 25, Bahagi 1

“Emma Smith, Aking Anak”

Emma Smith

Sa Doktrina at mga Tipan 25, pinayuhan ng Tagapagligtas si Emma Smith kung paano isakatuparan ang kanyang banal na misyon na maging katulad Niya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang mga paraan na maaari silang maging higit na katulad ng Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

“Ikaw ay isang hinirang na babae, na aking tinawag”

Maaari mong ipakita ang isang larawan ni Emma Smith at itanong sa mga estudyante kung ano ang nalalaman nila tungkol sa kanya.

Maaari mong ibahagi ang ilan sa mga sumusunod na pangyayari mula sa buhay ni Emma Smith. Sabihin sa mga estudyante na talakayin kung ano kaya ang naging karanasan na iyon para kay Emma.

Isipin kung ano kaya ang madarama mo kung naranasan mo ang mga pangyayaring ito mula sa buhay ni Emma Smith. (Ang mga salaysay na ito ay makikita sa Mga Banal, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 42–44, 51, 59, 107–110.)

  • Naghintay si Emma sa bagon sa ibaba ng Burol ng Cumorah nang tumanggap si Joseph ng mga huling tagubilin at mga laminang ginto mula kay Moroni.

  • Naglingkod si Emma bilang unang tagasulat ni Joseph para sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon, at kalaunan, nawala ang mga pahinang iyon ng manuskrito.

  • Ilang oras lang nabuhay ang panganay na anak nina Emma at Joseph, at nagkasakit nang malubha si Emma na halos mamatay na siya.

  • Lumusong si Emma sa mga tubig ng binyag sa kabila ng nagbabantang karahasan ng mga mandurumog. Nang gabing iyon, si Joseph ay inaresto sa mga maling paratang, kaya naipagpaliban ang kumpirmasyon ni Emma.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto sa kasaysayan ng Doktrina at mga Tipan 25, maaari mong ibahagi ang sumusunod na talata.

Sa Doktrina at mga Tipan 24, inilahad ng Tagapagligtas na si Joseph Smith ay “ilalaan ang lahat ng [kanyang] paglilingkod sa Sion” (talata 7). Ang paghahayag na ito ay lumikha ng kawalang-kasiguraduhan sa buhay ni Emma Smith dahil ipinahiwatig nito na hindi magkakaroon ng maraming oras si Joseph na kumita at maitaguyod ang kanilang pamilya (tingnan sa Mga Banal, 1:110). Batid ang hangarin ni Emma na mapatnubayan, inihayag ng Panginoon ang Doktrina at mga Tipan 25. Ang payong ito mula sa Tagapagligtas ay maiaangkop sa lahat ng tao (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 25:16).

icon ng training Pag-aralan ang doktrina ni Jesucristo para sa iyong sarili: Para sa karagdagang pagsasanay kung paano hikayatin ang mga estudyante na gawin ito, tingnan ang training na may pamagat na “Pag-aralan ang doktrina ni Jesucristo para sa iyong sarili (2022)” na matatagpuan sa training para sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro. Ang training na ito ay tutulong sa iyo na magsanay sa paggawa ng mga tanong na nasasalisik na maaaring sagutin upang matulungan ang mga estudyante na matuklasan ang mga katotohanan para sa kanilang sarili.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 25:1–3 at alamin ang nadama ng Tagapagligtas tungkol kay Emma.

  • Ano ang nalaman ni Emma tungkol sa kanyang kaugnayan sa Panginoon?

  • Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na kailangan para maging anak sa Kanyang kaharian?

    Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanan: Kapag tinanggap natin ang ebanghelyo ng Tagapagligtas, tayo ay nagiging mga anak sa Kanyang kaharian at tinatawag tayo sa Kanyang gawain. Sa paggawa ng mga tipan, tayo ay nagiging mga anak ng Tagapagligtas sa Kanyang kaharian. Kung makikinabang ang mga estudyante na malaman ang katotohanang ito, maaari mong basahin ang Mosias 5:7.

    Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito nang mas mabuti, maaari kang pumili sa mga sumusunod na tanong.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin kay Emma ng pagtanggap ng payong ito?

  • Paano nakatulong sa iyo ang pagtanggap ng ebanghelyo ng Tagapagligtas para mapalapit ka sa Kanya bilang Kanyang anak?

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 25:4–9 at alamin ang iniutos ng Panginoon na gawin ni Emma.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ilista sa pisara ang ipinagawa ng Tagapagligtas kay Emma. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na sa konteksto ng talata 7, ang ibig sabihin ng “oordenan” ay ise-set apart sa tungkulin. Maaari mo ring linawin na ang ibig sabihin ng “magpaliwanag” ay magbigay-linaw o magbigay-kahulugan, at ang ibig sabihin ng “manghikayat” ay manghimok, magpasigla, o magpayo.

  • Ano ang natuklasan mo?

  • Paano makatutulong kay Emma ang matapat na pagtupad sa kanyang mga tungkulin para maging higit na katulad ng Tagapagligtas?

Pagsunod sa payo ng Tagapagligtas

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano rin naaangkop sa kanila ang mga tagubilin ng Panginoon kay Emma, maaari mong isaayos ang klase sa maliliit na grupo para sa pag-aaral. Magbigay ng tatlong istasyon ng pag-aaral, na maaaring ilagay sa paligid ng silid. Ang bawat bahagi sa pag-aaral ay may kasamang salaysay mula sa buhay ni Emma Smith, isang paanyaya na maghanap ng halimbawa sa banal na kasulatan mula sa buhay ni Jesucristo, at mga tanong sa talakayan o isang aktibidad.

Kung kinakailangan, may pang-apat na aktibidad na matatagpuan sa bahaging Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral.

Bilang alternatibo, maaari mong gamitin ang mga naka-index na kuwento sa ilalim ng “Smith, Emma Hale” sa Mga Banal, 1:783 para pag-aralan ang iba pang mga kuwento mula sa buhay ni Emma. Sabihin sa mga estudyante na alamin kung paano sinunod ni Emma ang payo na natanggap niya sa Doktrina at mga Tipan 25.

“Huwag Bumulung-bulong” (Doktrina at mga Tipan 25:4)

Mula sa buhay ni Emma Smith

Nakaranas si Joseph Smith ng mga pangitain mula sa langit, mga pagdalaw ng mga anghel, at ng proseso ng pagsasalin para sa Aklat ni Mormon, Biblia, at iba pang mga sagradong teksto. Nagsakripisyo nang husto si Emma Smith para sa kanyang buhay kasama si Joseph, ngunit may mga bagay na nakita si Joseph na hindi niya nakita.

Mula sa buhay ng Tagapagligtas

Magbahagi ng isang pagkakataon mula sa buhay ni Jesucristo nang hindi Niya piniling bumulung-bulong (para sa ilang halimbawa, tingnan sa Isaias 53:7; Mateo 27:12).

Paano maaaring makatulong sa atin ang pag-iwas sa pagbulung-bulong na maging katulad ni Jesucristo?
  • Sa iyong palagay, bakit iniutos ng Tagapagligtas na huwag tayong bumulung-bulong tungkol sa mga bagay na maaaring hindi pa natin nauunawaan?

  • Paano kikilos nang may pananampalataya ang isang tao kapag hindi nila nauunawaan ang kalooban at itinakdang panahon ng Panginoon?

“Maging Taga-alo” (Doktrina at mga Tipan 25:5)

Mula sa buhay ni Emma Smith

Bagama’t madalas ay mahirap ang buhay ni Emma kasama si Joseph, minahal at sinuportahan niya ito sa bawat pagsubok. Noong 1835, sinalakay ng mga galit na mandurumog ang tahanan kung saan naroon sina Joseph at Emma, at kinaladkad si Joseph patungo sa madilim na lugar. Umuwi si Joseph noong gabing iyon. Siya ay buhay ngunit bugbog-sarado, binuhusan ng alkitran, at puno ng balahibo. Ginugol ni Emma ang gabi sa pagtuklap at pagkaskas ng alkitran sa katawan ni Joseph. Isa sa kambal na sanggol nina Joseph at Emma ay namatay sa karamdaman pagkatapos ng kakila-kilabot na gabing iyon (tingnan sa Mga Banal, 1:172–76).

Mula sa buhay ng Tagapagligtas

Isipin ang isang pagkakataon na nagbigay ng kapanatagan si Jesucristo sa mga nakapaligid sa Kanya (para sa ilang halimbawa, tingnan sa Mateo 9:20–22; Juan 14:18, 27; 3 Nephi 17:5–7).

Paano natin mapapanatag ang iba at paano tayo magiging katulad ni Jesucristo?
  • Magbahagi ng isang bagay na ginawa ng isang tao para mapanatag ka sa panahong nahihirapan ka.

  • Isipin ang isang bagay na magagawa mo para maging kapanatagan para sa isang kaibigan o kapamilya. Paano mo sila matutulungang maramdaman ang pagmamahal ng Tagapagligtas?

  • Sumulat ng maikling mensahe o text na maaaring makapagpasigla sa isang kapamilya o kaibigan at makatulong sa kanila na madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas.

“Magpaliwanag ng mga Banal na Kasulatan at … Manghikayat sa Simbahan” (Doktrina at mga Tipan 25:7)

Mula sa buhay ni Emma Smith

Noong 1842, si Emma ay sinang-ayunan bilang unang pangulo ng Relief Society. Ang pamumuno ni Emma ay napakahalaga sa paghubog sa organisasyon. Ipinakita ni Emma ang kanyang pagdamay at espirituwal na pang-unawa sa pamamagitan ng pagpapasaya at pagtuturo sa mga Banal. Inanyayahan ni Emma ang kababaihan ng Relief Society na magpakita ng pag-ibig sa kapwa, magbigay-ginhawa sa mga pambihirang paraan, palakasin ang isa’t isa, magsisi, at magpatawad (tingnan sa Mga Banal, 1:48–51).

Mula sa buhay ng Tagapagligtas

Magbahagi ng halimbawa mula sa mga banal na kasulatan kung saan ipinapaliwanag ng Tagapagligtas ang banal na kasulatan o nagtuturo sa mga taong sumunod sa Kanya (para sa ilang halimbawa, tingnan sa Mateo 5:21–25; 3 Nephi 23:1–3; Joseph Smith—Kasaysayan 1:19).

Magsanay na magpaliwanag ng banal na kasulatan
  • Pumili ng isang scripture passage na nakatulong sa iyo na mapalalim ang iyong kaugnayan sa Tagapagligtas o maging higit na katulad Niya.

  • Ibahagi ang iyong napili at ipaliwanag ang ibig sabihin nito sa iyo.

  • Talakayin kung paano makatutulong sa atin ang pag-unawa at pagtuturo ng mga banal na kasulatan na maging higit na katulad ni Jesucristo.

Matapos makumpleto ng mga estudyante ang aktibidad, maaari mo silang anyayahang ibahagi sa klase kung ano ang pinakanapansin nila sa pinag-aralan nila. Sa pagtatapos ng klase, maaari mong ibahagi ang iyong patotoo na bawat estudyante ay isang “hinirang” na anak sa kaharian ng Tagapagligtas. Bigyang-diin na magkakaroon sila ng maraming pagkakataong maglingkod at pagpalain ang iba at maging katulad ni Jesucristo.