Ang sinabi ng Panginoon sa isang tao ay kadalasang naaangkop sa iba. Totoo ito tungkol sa marami sa mga salitang sinabi ng Panginoon kay Emma Smith na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 25 (tingnan sa talata 16). Inanyayahan siya ng Panginoon na maghanap ng mga bagay na tutulong sa kanya na tumanggap ng “putong ng kabutihan” (talata 15). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na hangarin ang mga pagpapala ng Panginoon at isantabi ang mga bagay ng mundo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Isang bagay na mas mabuti
Isulat sa iyong journal kung ano sa palagay mo ang pinakamahahalagang priyoridad sa iyong buhay. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, mapanalanging pag-isipan kung nais ng Ama sa Langit na gumawa ka ng anumang pagbabago sa iyong mga priyoridad.
Sa Doktrina at mga Tipan 25, kinausap ng Panginoon si Emma Smith at binigyan Niya ito ng payo tungkol sa kanyang mga priyoridad.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 25:10, at alamin kung ano ang paanyaya ng Panginoon na gawin ni Emma Smith.
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “hangarin ang mga bagay na mas mabuti”?
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa talatang ito?
Anong mga salita o parirala sa mga talatang ito sa banal na kasulatan ang makatutulong sa iyo na maunawaan ang paanyaya ng Panginoon?
Anong mga halimbawa mula sa buhay ng Tagapagligtas ang nagpapakita na tumuon Siya sa mga bagay ng Diyos sa halip na sa mga bagay ng mundo?
Paano matutulungan ng Tagapagligtas ang isang teenager na nagsisikap na isantabi ang mga bagay ng mundong ito?
Ibinahagi ni Elder Richard G. Scott [1928–2015] ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na karanasan ng isang teenager:
16:42
Sa Russia Rostov-na-Donu Mission inanyayahan ang mga kabataan na mag-index ng 2,000 pangalan ang bawat isa sa kanila at ihanda ang kahit isang pangalan lang mula sa sarili nilang pamilya para sa mga ordenansa sa templo. Ang mga nakagawa sa mithiing ito ay inanyayahang pumunta sa bagong Kyiv Ukraine Temple. Isang binatilyo ang nagkuwento ng kanyang karanasan: “Marami akong inuubos na oras noon sa mga computer game. Nang simulan ko ang indexing, wala na akong panahon na maglaro nito. Noong una naisip ko, “Naku! Paano nangyari ito!’ Nang matapos ang proyektong ito, nawalan na rin ako ng interes sa paglalaro. … Ang gawain sa genealogy ay isang bagay na magagawa natin dito sa mundo, at mananatili ito sa langit.” (Richard G. Scott, “Ang Kagalakan ng Pagtubos sa mga Patay,” Liahona, Nob. 2012, 94)
Ano ang pinakanapansin mo sa karanasan ng binatilyong ito?
Paano ka napagpala nang piliin mong hangarin ang mga bagay ng Diyos sa iyong buhay?
Tulong sa paghahangad ng mas mabubuting bagay
Ang huling anim na talata ng Doktrina at mga Tipan 25 ay naglalaman ng payo tungkol sa iba’t ibang aspeto ng buhay ni Emma. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 25:11–16 at alamin kung paano rin tayo matutulungan ng payong ito mula sa Panginoon na hangarin ang mas mabubuting bagay.
Ano ang nakita mo na maaaring makatulong sa iyo na “isantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito, at hangarin ang mga bagay na mas mabuti”? (talata 10).
“Lumakad sa Liwanag ng Diyos,” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili (2022), 17 (tingnan ang bahaging “Mga Walang-hanggang Katotohanan”)