Lesson 41: Doktrina at mga Tipan 27:1–14: “Ito ay Gagawin Ninyo na ang mga Mata ay Nakatuon sa Aking Kaluwalhatian”
“Doktrina at mga Tipan 27:1–14: ‘Ito ay Gagawin Ninyo na ang mga Mata ay Nakatuon sa Aking Kaluwalhatian,’” Manwal ng TItser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 27:1–14,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
“Ito ay Gagawin Ninyo na ang mga Mata ay Nakatuon sa Aking Kaluwalhatian”
Matapos ang organisasyon ng Simbahan noong Abril 1830, nagpatuloy ang pag-uusig sa mga miyembro ng Simbahan. Isang araw, habang naglalakbay si Joseph Smith para makakuha ng alak na gagamitin para sa sakramento, pinahinto siya ng isang sugo mula sa langit na nagbahagi ng mga katotohanang naglalayong tulungan ang mga Banal. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mas makapaghandang tumanggap ng sakramento na ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang sakramento
Binanggit sa iyo ng kaibigan mo, “Sinasabi ng lahat na napakahalaga ng sakramento, pero parang hindi talaga iyon mahalaga sa akin. Hindi ko talaga naiintindihan.”
Ano ang mga itatanong mo?
Ano ang ibabahagi mo?
Isipin ang mga karanasan mo kamakailan sa pagtanggap ng sakramento. Makabuluhan ba ang iyong mga karanasan sa sakramento? Bakit oo o bakit hindi?
Sa pag-aaral mo ng Doktrina at mga Tipan 27, alamin ang mga katotohanang gagabay sa iyo at sa iba na magkaroon ng mas makabuluhan at makapangyarihang mga karanasan sa pamamagitan ng sakramento.
Ang sakramento: ano ang mahalaga at ano ang hindi mahalaga
Noong Agosto 1830, naglakbay sina Newel at Sally Knight mula sa Colesville, New York, upang bisitahin ang Propetang si Joseph Smith at ang kanyang asawang si Emma, sa Harmony, Pennsylvania. Nabinyagan na noon sina Emma at Sally, ngunit dahil sa pag-uusig ng mga mandurumog, hindi sila nakumpirmang miyembro ng Simbahan at hindi nabigyan ng kaloob na Espiritu Santo. Bago umuwi ang mga Knight, nagpasiya si Joseph at ang kanyang mga kaibigan na tumanggap ng sakramento nang magkakasama at isagawa ang kumpirmasyon.
Habang isinasaisip ang salaysay na ito, basahin ang heading ng Doktrina at mga Tipan 27 para malaman kung paano natanggap ang paghahayag na ito.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 27:1–2, at alamin kung ano ang natutuhan ni Joseph Smith tungkol sa sakramento.
Ano ang mahalaga para sa iyo? Bakit?
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng tanggapin ang sakramento na ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos?
Inihayag ng anghel ang mensahe ng Tagapagligtas na alalahanin na ang katawan ng Tagapagligtas ay “inialay para sa inyo” at ang Kanyang dugo ay “ibinuhos para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan” (Doktrina at mga Tipan 27:2; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng alalahanin ang sakripisyo ng Tagapagligtas “para sa [iyo]” nang personal at para sa “[iyong] mga kasalanan” kapag tumatanggap ka ng sakramento?
13:39
Isang propesiya at isang pangako
Upang bigyang-diin ang Kanyang turo, ipinropesiya ng Panginoon na pangangasiwaan Niya ang sakramento sa hinaharap. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 27:5 upang malaman ang propesiya. (Tingnan din sa Lucas 22:18.)
Paano maaaring makaapekto sa iyo na kasama mo ang Tagapagligtas habang tumatanggap ka ng sakramento?
Personal na pagsasabuhay
Gawin ang dalawa o tatlo sa sumusunod na mga aktibidad para matulungan kang maghandang tumanggap ng sakramento na ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos.
Ilista ang mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas na sa palagay mo ay epektibong alalahanin sa oras ng sakramento.
Isulat sa iyong journal ang mga karanasan mo nang tulungan ka o ang isang taong kilala mo ng Tagapagligtas. Ipaliwanag kung bakit maaaring maging kapaki-pakinabang na maalala ang mga karanasang katulad nito sa oras ng sakramento.
Maglista ng mga banal na kasulatan o mga himno tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang sakripisyo para sa iyo na sa palagay mo ay kapaki-pakinabang na isipin sa oras ng sakramento. Maaari kang magsama ng ilang linya o parirala na sa palagay mo ay lubos na kapaki-pakinabang sa iyo at kung bakit.
Pagnilayan ang sarili mong pangangailangan sa sakripisyo ng Tagapagligtas. Maaaring kabilang dito ang pag-isipan ang sarili mong mga tipan sa Panginoon at ang anumang kasalanang ginawa (kapag ginawa natin ang hindi natin dapat gawin) o hindi ginawa (kapag hindi natin ginawa ang dapat nating gawin) na nangangailangan ng pagsisisi.
Ilista ang mga posibleng bagay na nakagagambala na kailangan mong iwasan sa oras ng sakramento at kung bakit sa palagay mo ay dapat mong iwasan ang mga ito para magkaroon ng mas makabuluhang karanasan sa sakramento.
Ilista ang iba pang mga paraan na mapagtutuunan mo ang Tagapagligtas sa oras ng sakramento at kung bakit makatutulong ang mga ito.
Mapanalanging piliin kung ano ang gagawin mo para matanggap ang sakramento na ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos sa darating na Linggong ito. Gumawa ng plano kung paano iyan gagawin. Isipin kung paano makakaapekto sa iyo at sa iyong ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang paggawa nito sa susunod na ilang sacrament meeting. Hingin ang tulong Nila habang nagsisikap kang sundin ang iyong plano.