Seminary
Lesson 42: Doktrina at mga Tipan 27:15–18: “Magsuot Kayo ng Aking Buong Baluti”


“Doktrina at mga Tipan 27:15–18: ‘Magsuot Kayo ng Aking Buong Baluti,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 27:15–18,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 42: Doktrina at mga Tipan 27–28

Doktrina at mga Tipan 27:15–18

“Magsuot Kayo ng Aking Buong Baluti”

isang kawal na nakasuot ng baluti

Bilang bahagi ng mensaheng natanggap ni Joseph mula sa isang anghel ng Diyos, itinuro kay Joseph kung paano maaanyayahan ng mga Banal ang higit na proteksyon mula kay Jesucristo. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano tayo mapoprotektahan ng Tagapagligtas laban sa mga paraan na sinusubukan ni Satanas na tuksuhin tayo at pahinain ang loob natin.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang mga pag-atake ng kaaway

Bigyan ang bawat estudyante ng maliit na piraso ng papel. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa papel ang isang paraan na tinutukso tayo o sinusubukan ng kaaway na pahinain ang loob ng mga kabataan. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na lukutin ang papel na parang bola. Papuntahin ang isang estudyante sa harap ng silid at sabihin sa kanya na umiwas o lumihis habang ibinabato ng iba pang mga estudyante ang bolang papel sa kanya.

Sabihin sa mga estudyante na pumunta sa harap ng silid, alisin sa pagkakalukot ang mga papel, at ibahagi ang nakasulat sa mga ito. Sabihin sa klase na tukuyin ang mga paraan na nakikita nila ang mga tukso o pag-atakeng ito ngayon.

  • Ano ang maaari mong gawin para maprotektahan ang iyong sarili laban sa mga pag-atakeng ito?

Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo habang iniisip mo ang mga tukso at panghihina ng loob na kinakaharap mo. Pag-isipan ang mga paraan na tinulungan ka ng Panginoon na madaig ang mga ito. Sa anong mga paraan ka pa rin nahihirapan at nangangailangan ng tulong ng Tagapagligtas? Sa pag-aaral mo ng Doktrina at mga Tipan 27, alamin ang mga katotohanan at inspirasyon na makatutulong sa iyo.

Ang buong baluti ng Diyos

Matapos ang Kanyang mga salita kay Joseph Smith tungkol sa sakramento (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:1–4), nangako ang Tagapagligtas na Siya ay babalik sa lupa at tatanggap ng sakramento kasama ang Kanyang mga tagasunod (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:5–14). Pagkatapos ay itinuro ng Tagapagligtas kung paano espirituwal na mapoprotektahan ang mga Banal laban sa mga kapangyarihan ni Satanas “hanggang sa ako ay pumarito, at kayo ay dadalhin, na kung saan ako naroon kayo ay paroroon din” (Doktrina at mga Tipan 27:18).

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 27:15–18, at alamin kung paano mo matatanggap ang proteksyon ng Tagapagligtas laban sa kaaway.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Kung kinakailangan, tulungan silang matukoy na kung susuotin natin ang buong baluti ng Tagapagligtas, mapalalakas tayo upang mapaglabanan ang kasamaan. Tulungan ang mga estudyante na suriin ang katotohanang ito. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagtatanong ng ilan sa mga sumusunod.

  • Sa iyong palagay, bakit inihambing ng Tagapagligtas ang Kanyang tulong at proteksyon sa baluti?

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “makatindig, tumindig”? (tingnan sa talata 15–16)

  • Sa iyong palagay, bakit binigyang-diin ng Panginoon ang Kanyang “buong” baluti?

    Maaari mong ipamarka sa mga estudyante ang pariralang “aking buong baluti” sa talata 15. Maaaring isipin ng mga estudyante na kunwari ay kailangan nilang makipaglaban sa isang digmaan ngunit wala silang baluti. Pagkatapos ay may isang taong nakipaglaban at nagtagumpay sa maraming digmaan ang nagbigay sa kanila ng baluti upang protektahan sila at handang makipaglaban kasama nila.

  • Ano ang madarama mo tungkol sa taong ito?

  • Paano natutulad ang sitwasyong ito sa ginagawa ng Tagapagligtas para sa atin?

Ang mga proteksyon at tulong ng Tagapagligtas

Isinulat ni Apostol Pablo, “Isuot ninyo ang Panginoong Jesucristo” (Roma 13:14). Ang iba’t ibang bahagi ng baluti na binanggit sa Doktrina at mga Tipan 27 (tingnan din sa Efeso 6:11–18) ay maaaring kumatawan sa mga paraan na mapoprotektahan tayo ng Tagapagligtas laban sa panlilinlang, kasamaan, kaguluhan, at pag-aalinlangan na nakapalibot sa atin. Ibinibigay Niya sa atin ang proteksyong ito kapag lumapit tayo sa Kanya.

icon ng handoutIbigay sa mga estudyante ang kalakip na handout. Maaari nilang gawin ito nang mag-isa o sa maliliit na grupo. Ang bawat miyembro ng grupo ay maaaring pumili ng ilang parte ng baluti na pagtutuunan ng pansin. Kung gusto ng mga estudyante, maaari silang magdrowing ng isang bagay na kumakatawan sa baluti o proteksyon, tulad ng helmet o turbante, pananggalang sa dibdib, o kalasag, at lagyan ito ng label na “proteksyon at tulong ni Jesucristo.” Pagkatapos ay maaari nilang isulat ang kanilang mga sagot sa paligid nito.

“Magsuot kayo ng aking buong baluti” (Doktrina at mga Tipan 27:15)

Para sa bawat bahagi ng baluti sa ibaba, basahin ang mga scripture passage, at alamin kung paano naging katulad ng baluti ang Tagapagligtas. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang mga nalaman mo tungkol sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng paghahambing na ito?

  • Bakit gusto mong lumapit sa Kanya para maproteksyunan ka sa iyong buhay ngayon?

“Mga balakang [na] may bigkis ng katotohanan” (Doktrina at mga Tipan 27:16)

Juan 14:6

Doktrina at mga Tipan 88:6

Moises 1:6

“Baluti sa dibdib ng kabutihan” (Doktrina at mga Tipan 27:16)

Isaias 59:16–17 (ang mamamagitan ay tumutukoy sa isang taong gumagawa ng bagay na hindi magagawa ng iba para sa kanilang sarili)

2 Nephi 4:33

Filipos 3:9

“Mga paa [na] may panyapak ng paghahanda ng ebanghelyo ng kapayapaan” (Doktrina at mga Tipan 27:16)

Isaias 9:6

Mosias 15:18

“Kalasag ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 27:17)

Moroni 7:33

Mga Awit 28:7

“Turbante ng kaligtasan” (Doktrina at mga Tipan 27:18)

Mosias 3:17

Mga Hebreo 5:9

“Espada ng … Espiritu,” na siyang salita ng Diyos (Doktrina at mga Tipan 27:18)

1 Nephi 15:24

Helaman 3:29–30

Kapag tapos na ang mga estudyante, sabihin sa kanila na ibahagi ang kanilang mga naisip at karanasan sa iba’t ibang paraan na matutulungan at mapoprotektahan sila ng Tagapagligtas. Maaari mo ring ibahagi ang iyong mga naisip at karanasan.

Pagsusuot ng Kanyang buong baluti

Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang paghahayag na ito ay nagsimula sa isang sugo mula sa langit na nagsasalaysay ng mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa sakramento at sa pangako ng Tagapagligtas na pagbabalik sa lupa at pagtanggap ng sakramento kasama ang Kanyang mga tagasunod (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:1–14). Ipinahihiwatig nito na ang pag-alaala sa Tagapagligtas at paggawa ng mga tipan sa Kanya sa pamamagitan ng sakramento ay maaaring isang makapangyarihang paraan na inihanda ng Panginoon para maisuot natin ang Kanyang buong baluti at “maging matapat hanggang sa [Siya] ay pumarito” (Doktrina at mga Tipan 27:18).

  • Paano magiging makapangyarihang paraan ang sakramento para maanyayahan ang tulong at proteksyon ng Tagapagligtas (ang Kanyang buong baluti) sa ating buhay?

Balikan ang mga papel na nilukot at inihagis sa simula ng klase. Basahin ang ilan sa mga ito at anyayahan ang mga estudyante na magbahagi, batay sa natutuhan nila ngayon, kung paano matutulungan ng Tagapagligtas ang isang taong nahaharap sa tukso o panghihina ng loob na iyon. Maaari din nilang ibahagi kung paano makakabaling ang isang tao sa Panginoon upang hingin ang Kanyang tulong sa kanyang buhay.