Noong 1830, sinabi ni Hiram Page na nakatanggap siya ng paghahayag para sa Simbahan sa pamamagitan ng isang espesyal na bato. Naniwala sa kanya ang ilang miyembro ng Simbahan, kabilang na si Oliver Cowdery. Bilang tugon sa sitwasyong ito, inihayag ng Panginoon ang mga katotohanan tungkol sa tuntunin ng paghahayag sa Simbahan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang tuntunin at pamamaraang ginagamit ng Tagapagligtas upang ihayag ang Kanyang kalooban sa Kanyang Simbahan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga panggagaya ni Satanas
Paano mo matutukoy ang imitasyon at ang tunay na bagay?
Bakit maaaring nakakapahamak na mapagkamalang tunay ang isang imitasyon o panggagaya?
Paano ito maiaangkop sa isang taong nagsisikap na sundin ang Tagapagligtas sa kanyang buhay?
Basahin ang pambungad para sa Doktrina at mga Tipan 28 at maghanap ng isang sitwasyon kung saan nahirapan ang mga miyembro ng bagong itinatag na Simbahan na malaman kung ano ang tunay at ano ang panggagaya.
Maaaring makatulong na malaman na si Hiram Page ay isang lalaking tinanggap ang ebanghelyo at nabinyagan sa mismong buwan na inorganisa ang Simbahan. Siya ay napili rin bilang isa sa Walong Saksi sa Aklat ni Mormon at palaging tapat sa kanyang patotoo tungkol dito.
Sa iyong palagay, bakit maging ang mabubuting tao na gaya nina Hiram Page at Oliver Cowdery ay maaaring malinlang ng mga panggagaya ni Satanas?
Pag-isipan sandali ang mga sumusunod:
Paano maaaring subukan ni Satanas na linlangin ka at ang iba pang kakilala mo?
Anong patnubay at tulong ang ibinibigay sa atin ng Panginoon para hindi tayo malinlang?
Habang patuloy kang nag-aaral, maghanap ng mga sagot sa mga tanong na ito.
Ang sagot ng Panginoon
Dahil nag-alala si Joseph Smith kung ano ang gagawin sa sitwasyong ito, siya ay magdamag na nagdasal at tumanggap ng sagot mula sa Panginoon. Ang paghahayag na natanggap niya ay itinala bilang Doktrina at mga Tipan 28 at patungkol kay Oliver Cowdery.
Sa iyong palagay, bakit palaging nagbibigay ng paghahayag ang Panginoon ayon sa mga alituntuning ito?
Paano makatutulong na alam natin ang mga katotohanang ito para hindi tayo malinlang?
Sa kanyang mensaheng “Isang Framework para sa Personal na Paghahayag,” ibinahagi ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilang kaalaman tungkol sa proseso ng pagtanggap ng paghahayag:
“Makatatanggap tayo ng personal na paghahayag para lamang sa mga aspetong sakop ng sarili nating responsibilidad [o saklaw ng impluwensya] at hindi para sa [karapatan o pribilehiyo ng] iba. …”
“Ang mga doktrina, kautusan, at paghahayag para sa Simbahan ay pribilehiyo ng buhay na propeta, na tinatanggap ang mga ito mula sa Panginoong Jesucristo [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 21:4–5]. …”
“Ang personal na paghahayag ay makakaayon sa mga utos ng Diyos at sa mga tipang nagawa natin sa Kanya. …”
“Kapag humingi tayo ng paghahayag tungkol sa isang bagay na nabigyang-linaw na ng Diyos, maaari tayong magkamali ng pagkaintindi sa ating nadarama at marinig natin ang gusto nating marinig” (Liahona, Nob. 2022, 16–17).
Mga Halimbawa
Basahin ang mga sumusunod na sitwasyon at maghanap ng isang talata o parirala mula sa mga salita ng Panginoon na napag-aralan mo sa Doktrina at mga Tipan 28 na nagtuturo kung ang mga ito ay totoong mga paghahayag.
Hinihikayat ng propeta ang buong Simbahan na dumalo sa templo.
Matapang na itinuturo ng isang mapagmalasakit na grupo ng mga miyembro na nais ng Diyos na gumawa ang Simbahan ng mga pagbabago sa doktrina o baguhin ang isang patakaran tungkol sa isang mahirap na isyu.
Naniniwala ang isang miyembro na inihayag sa kanya ng Panginoon kung ano ang dapat gawin ng bishop sa kanilang ward.
Sinasabi ng ina sa kanyang anak na dalagita hindi maganda ang pakiramdam niya tungkol sa isang partikular na desisyon na ginagawa ng dalagita.
Habang nagde-date sa kolehiyo, sinabi ng isang young adult na nakatanggap siya ng paghahayag na dapat siyang pakasalan ng isang partikular na dalaga.
Paano tayo inilalayo sa Tagapagligtas ng paniniwala sa mga panggagaya ni Satanas sa alinman sa mga maling sitwasyon sa itaas?
Upang matulungan ang mga estudyante na madama ang kahalagahan ng paghahayag na ibinigay ng Panginoon ayon sa Kanyang pamamaraan at ayon sa Kanyang tuntunin, sabihin sa kanila na sagutin ang kahit dalawa sa mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal:
Paano maaaring maging pagpapala sa iyo ang pag-unawa sa tuntunin na ginagamit ng Panginoon para sa Kanyang mga paghahayag?
Kailan ka napagpala o kailan napagpala ang isang taong kilala mo ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag sa isang propeta, stake o ward leader, o magulang?
Kailan ka nakatanggap o ang isang taong kilala mo ng paghahayag mula sa Panginoon upang pagpalain ang mga taong inatas sa iyo na i-minister o paglingkuran?
Kailan ka napagpala ng paghahayag mula sa Panginoon na para lamang sa iyo?
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pumili ng sagot na komportable silang ibahagi. Maaaring magbahagi ang mga estudyante bilang klase, o, para maiba, maaaring maghanap ang mga estudyante ng isang taong hindi pa nila nabahagian kamakailan at ibahagi ang kanilang halimbawa. Maaari ding magbahagi ang sinumang pipiliin nila. Kung may oras pa, maaari mong bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magbahagi sa iba pang mga estudyante. Pagkatapos ay anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang narinig nila mula sa iba na makabuluhan. Habang ginagawa nila ito, maghanap ng mga paraan para mabigyang-diin ang kabutihan at awa ng Panginoon sa paghahayag ng mga katotohanan sa atin. Maaari mo ring bigyang-diin ang Kanyang kahandaang tulungan tayong maunawaan ang tuntunin at pamamaraang ginagamit Niya.
Tinanggap ni Oliver Cowdery ang paghahayag, at matapos ang lubos na paghihikayat, tinalikuran ni Hiram Page at ng iba pa ang mga maling paghahayag.
Para tapusin ang lesson, maaari mong ibahagi ang iyong patotoo.