“Doktrina at mga Tipan 29:1–8: Makinig sa Iyong Manunubos,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 29:1–8,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Dakila ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa lahat ng Kanyang Anak. Nais Niya at ng Kanyang Anak na maging masaya tayo sa buhay na ito at makibahagi sa Kanila sa pagtitipon ng lahat ng tao pabalik sa Kanilang piling. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang mga hangarin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa kanila.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Sino ang pinagkakatiwalaan mo?
Mag-isip ng mga paraan na matutulungan mo ang mga estudyante na maunawaan na ang pagtitiwala sa isang tao ay nakadepende sa pag-unawa sa kanilang mga layunin o hangarin. Ang sumusunod ay isang paraan kung paano mo ito magagawa.
Isipin kung kanino mo handang ipagkatiwala ang sumusunod at bakit.
Mga susi ng bahay mo
Ang iyong password sa isang personal device o account
Ang iyong pinakapersonal na pangarap o mithiin
Sa iyong study journal, sumulat ng isa o dalawang pangungusap na naglalarawan sa nalalaman mo tungkol sa mga layunin at hangarin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Kung may alam ka tungkol sa Kanilang mga layunin o hangarin, pag-isipan kung paano iyon nakakaimpluwensya sa kahandaan mong magtiwala sa Kanila. Kung wala kang gaanong alam tungkol sa Kanilang mga layunin o hangarin, isipin kung bakit mahalagang hakbang na malaman ito para maging handa kang magtiwala sa Kanila.
Mga hangarin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo
Bago ang isang kumperensya ng Simbahan noong Setyembre 1830, nangusap ang Tagapagligtas sa Doktrina at mga Tipan 29 tungkol sa pagmamahal at hangarin Niya at ng Ama sa Langit para sa lahat ng tao.
Ang sumusunod na aktibidad ay isang paraan para matulungan ang mga estudyante na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 29:1–8 . Maaaring kailanganing baguhin ito para matugunan ang laki o pangangailangan ng iyong klase.
Isulat sa pisara ang mga numerong isa hanggang walo. Pagkatapos ay ibigay sa mga estudyante ang mga sumusunod na tagubilin. Sabihin sa kanila na sundin ang bawat tagubilin bago mo ibigay sa kanila ang susunod.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 29:1–8 at markahan ang natutuhan mo tungkol sa mga hangarin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa bawat talata.
Isulat sa pisara ang iyong pangalan sa tabi ng numero ng isang talata na may espesyal na kahulugan sa iyo.
Hintaying isulat ng lahat ng estudyante ang kanilang pangalan sa pisara sa tabi ng isang numero ng talata bago magpatuloy sa susunod na mga hakbang.
Kung maaari, igrupo ang dalawa o tatlong estudyante na sumulat ng kanilang pangalan sa tabi ng iisang numero ng talata.
Kung isang estudyante lang ang nagsulat ng kanyang pangalan sa tabi ng isang numero ng talata, maaari mong papiliin ang estudyanteng iyon na gumawa nang mag-isa o sumali sa ibang grupo.
Ibahagi sa iyong grupo ang mga salita o parirala na minarkahan mo sa iyong talata at kung ano ang itinuturo ng mga ito sa iyo tungkol sa mga hangarin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Sa iyong grupo, talakayin ang isang tanong na makatutulong na mapalalim ang iyong pag-unawa sa mga hangarin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Mag-display o bigyan ang bawat grupo ng listahan ng mga tanong na maaari nilang piliing talakayin. Maaaring pumili ang mga estudyante ng isang tanong mula sa listahan ng mga iminumungkahing tanong, o maaari silang gumawa ng sarili nilang mga tanong. Nasa ibaba ang ilang halimbawa:
Paano nakakaimpluwensya ang kaalaman sa katotohanang ito sa paraan ng pagtingin mo sa iyong sarili at sa iba?
Kailan mo nasaksihan na ipinakita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang mga hangaring ito sa iyong buhay o sa buhay ng iba?
Ano ang ilang karagdagang banal na kasulatan na nagtuturo ng gayon ding katotohanan? (Tingnan ang mga doctrinal mastery passage, footnote, o iba pang resources para makahanap ng ilan sa mga ito.)
Ano ang mga itinuro ng mga propeta, apostol, o iba pang mga lider ng Simbahan na sumusuporta sa katotohanang ito? (Maghanap ng mga pahayag sa Gospel Library.)
Paano madaragdagan ng talatang ito ang kakayahan nating makita ang buhay nang may walang-hanggang pananaw?
Ano ang mga tanong mo tungkol sa talatang ito? Ano ang maaaring itanong para mas maunawaan ang talatang ito? (Magtulungan para maghanap ng mga posibleng sagot.)
Paano maaaring makaimpluwensya ang paniniwala o pamumuhay ng mga alituntuning itinuro sa talatang ito sa pakikipag-ugnayan ng isang tao sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Bakit maaaring mahirapan ang ilang tao na paniwalaan o ipamuhay ang mga turo ng talatang ito? Ano ang makatutulong sa kanila para madaig ang hamong iyon?
Para mapalalim ng mga grupo ang kanilang pag-unawa, maaari mong papiliin ng ibang tanong ang isa pang estudyante at talakayin ito bilang isang grupo. Kapag tumigil ang mga estudyante sa pagbabahagi o hindi na sila gaanong nakapokus, maaaring ipinapahiwatig nito na oras na para i-adjust ang aktibidad sa pag-aaral. Kung nais mo, maaaring gawin muli ng mga estudyante ang aktibidad sa pamamagitan ng pagpili ng bagong talata, pagbuo ng mga bagong grupo, pagtalakay sa talatang pinili nila, at pagsunod sa mga hakbang na nakalista sa itaas.
Kapag tapos nang gumawa ang mga estudyante sa mga grupo, anyayahan ang ilan na ibahagi sa klase ang natutuhan nila tungkol sa mga hangarin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Ang mabuting hangarin ng Diyos
Kabilang sa maraming katotohanan na maaaring natuklasan ng mga estudyante, isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na ibigay sa atin ang Kanilang kaharian. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang katotohanang ito sa talata 5 . Ibahagi ang sumusunod na pahayag at sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga kaukulang tanong.
Ibinahagi ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod:
Nais ng ating Ama sa Langit na maging tagapagmana Niya kayo at matanggap ninyo ang lahat ng mayroon Siya. Wala na Siyang ibang maibibigay sa inyo. Wala na Siyang ibang maipapangako sa inyo. Mahal Niya kayo nang higit sa nalalaman ninyo at nais Niyang lumigaya kayo sa buhay na ito at sa buhay na darating. (Dale G. Renlund, “Ang Inyong Banal na Katangian at Walang Hanggang Tadhana ,” Liahona , Mayo 2022, 76)
Paano nakakaapekto ang pag-unawa sa mga hangarin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa nadarama mo tungkol sa Kanila?
Paano naiimpluwensyahan ng pag-unawa sa Kanilang mga hangarin ang nadarama mo tungkol sa mga payo na ibinibigay Nila sa atin?
Maaari mong tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa mga estudyante na balikan ang kanilang journal entry mula sa simula ng klase. Sabihin sa kanila na pag-isipan ang mga katotohanang natutuhan nila tungkol sa mga hangarin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na maidaragdag nila sa kanilang entry.
Kung pipiliin mong ibahagi ang bahaging ito sa iyong klase, maaari mong ibahagi ang sumusunod na buod at pahayag.
2:3
Habang bumibisita sa New Zealand, nagplano si Pangulong Spencer W. Kimball at ang kanyang asawang si Camilla na dumalo sa isang kultural na pagdiriwang na inihanda ng maraming kabataan. Nang gabing iyon, nagkasakit ang mga Kimball at hindi makadalo. Gayunman, nang malapit nang magsimula ang pagdiriwang, mahimalang bumuti ang pakiramdam ng mga Kimball at nagmadali silang pumunta sa pagdiriwang. Nang magsimula ang miting, tinawag ang isang kabataan upang magbigay ng pambungad na panalangin.
Ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga sumusunod na detalye tungkol sa sumunod na nangyari:
Idinalangin niyang: “Tatlong libo kaming mga kabataan sa New Zealand. Nagtipon kami rito, at naghanda nang anim na buwan para umawit at sumayaw para sa Inyong propeta. Nawa’y pagalingin Ninyo siya at ihatid dito!” Matapos sambitin ang “amen,” pumasok ang kotseng naghatid kina Pangulo at Sister Kimball sa istadyum. Agad silang nakilala, at dagling naghiyawan sa galak ang lahat! (Russell M. Nelson, “Jesucristo—ang Dalubhasang Manggagamot ,” Liahona , Nob. 2005, 86)
Nais ng Panginoon na matipon ang Kanyang mga Banal sa Sion. Noong mga unang araw ng Simbahan, hinangad ng mga Banal na itatag ang Sion sa mga pangunahing lugar kung saan maaaring magtipon ang lahat ng miyembro. Nang dumami ang mga miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo, hinihiling ngayon sa mga miyembro ng Simbahan na magtipon sa kanilang mga lokal na kongregasyon.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
2:3
Ang desisyon na lumapit kay Cristo ay hindi nakabatay sa kinaroroonan ninyo; ito’y batay sa katapatan ng tao. Ang mga tao ay maaaring “[dalhin] sa kaalaman ng Panginoon” [3 Nephi 20:13 ] nang hindi nililisan ang kanilang sariling bayan. Tunay na noong bago pa lang ang Simbahan, kaakibat ng pagbabalik-loob ang pandarayuhan. Ngunit ngayon ang pagtitipon ay ginagawa sa bawat bansa. Ipinahayag ng Panginoon ang pagtatatag ng Sion [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:6 ] sa bawat lugar kung saan isinilang at naninirahan ang Kanyang mga Banal. Sinasabi ng banal na kasulatan na ang mga tao “ay titipunin pauwi sa mga lupaing kanilang mana, at mani[ni]rahan sa lahat ng kanilang mga lupang pangako” [2 Nephi 9:2 ]. “Bawat bansa ay lugar ng pagtitipon sa mga mamamayan nito” [Bruce R. McConkie, sa Conference Report, Mexico City Mexico Area Conference 1972, 45]. Ang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na Brazilian ay sa Brazil; ang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na Nigerian ay sa Nigeria; ang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na Korean ay sa Korea; at marami pang iba. Ang Sion ay “ang may dalisay na puso” [Doktrina at mga Tipan 97:21 ]. Ang Sion ay nasa kinaroroonan ng mabubuting Banal. Ang mga lathalain, komunikasyon, at kongregasyon ay marami na kung kaya’t halos lahat ng miyembro ay natatanggap na ang mga doktrina, susi, ordenansa, at pagpapala ng ebanghelyo, saan man sila naroon.
Ang espirituwal na seguridad ay palaging ibabatay kung paano namuhay ang tao, hindi kung saan nakatira ang tao. Matatanggap ng mga Banal sa bawat lupain ang mga pagpapala ng Panginoon. (Russell M. Nelson, “Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel ,” Liahona , Nob. 2006, 81)
Sabihin sa mga estudyante na bigkasin o basahin ang tema ng Aaronic Priesthood o Young Women na para sa kanila. Sabihin sa kanila na hanapin ang mga katotohanang natutuhan nila tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa kanilang sarili. Sabihin sa kanila na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 29:1–8 at hanapin ang mga pagkakatulad ng mga salita ng Tagapagligtas at ng mga tema ng kabataan. Talakayin kung paano makatutulong sa kanila ang mga talatang ito na mas lubos na maniwala at maipamuhay ang mga katotohanang matatagpuan sa mga tema ng kabataan.
Habang binabasa ng mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:4 , ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang ebanghelyo ay “mabuting balita.” Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang katotohanan ng ebanghelyo na sa palagay nila ay “mabuting balita.” Anyayahan silang ibahagi ito sa klase “nang may tinig ng kagalakan” (talata 4 ).
Maaari mong panoorin ang video na “Migration: A Yearning for Home ” (4:15), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, sa simula ng klase. Pagkatapos ng video, sabihin sa mga estudyante na maaari nilang markahan ang pariralang “kanyang mabuting hangarin na ibigay sa inyo ang kaharian” sa Doktrina at mga Tipan 29:5 .
Sa video, sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf, “Naniniwala ako na nadama na ng bawat lalaki, babae, at bata ang pananabik sa kanilang tahanan sa langit sa ilang pagkakataon sa kanilang buhay. Pinagkalooban tayo ng ating mahal na Ama sa Langit ng Liwanag ni Cristo, at sa kaibuturan ng puso ng bawat isa sa atin, isang pahiwatig mula sa langit ang naghihikayat sa atin na ituon ang ating mga mata at puso sa Kanya.”
Ano ang mga paraan na nakikipag-ugnayan sa atin ang Ama sa Langit sa ilang partikular na panahon sa ating buhay?
Bakit Siya nakikipag-ugnayan sa bawat lalaki, babae, at bata?
Pagkatapos ay ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:1–8 at hanapin ang mga sagot sa mga tanong na tulad ng mga sumusunod:
4:15
Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang mga hangarin ng Diyos para sa lahat ng Kanyang mga anak, maaari mong itanong, “Paano nakatutulong sa inyo ang kaalamang ito tungkol sa Ama sa Langit para maunawaan ninyo kung bakit niya tayo tinatawag na tipunin ang Israel?” Ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29:7 . Kung hindi pa nila ito nagagawa, maaari mong sabihin sa mga estudyante na maaari nilang markahan ang hangarin ng Tagapagligtas na tumulong ang bawat isa sa atin sa pagtitipon. Maaari kang maghanap ng mga paraan na magagampanan natin ang responsibilidad na ito sa pamamagitan ng pag-aaral ng isang mensahe sa kumperensya kamakailan tungkol sa pagtitipon ng Israel, gawaing misyonero, o family history.