“Doktrina at mga Tipan 29:9–29: Ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 29:9–29,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo ay magiging dakila at kakila-kilabot na araw. Ang mga hindi tumatanggap sa mga sugo at turo ni Jesucristo ay pagdurusahan ang mga bunga ng kanilang mga pagpili. Ang mga nagsisikap na sumunod sa Kanya ay magkakaroon ng kagalakan na makitang bumalik ang kanilang Manunubos sa lupa. Ililigtas Niya sila mula sa kasamaan at kalungkutan at mananahanang kasama nila sa loob ng isang libong taon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng kagalakan habang inaasam nila ang pagbabalik ni Jesucristo sa lupa.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Maaari kang mag-display ng larawan ng Ikalawang Pagparito, tulad ng nasa simula ng lesson na ito. Malapit sa larawan, gumawa ng scale mula 1 hanggang 10, kung saan ang 1 ay kumakatawan sa “natatakot” at ang 10 ay kumakatawan sa “nagagalak.” Sabihin sa ilang estudyante na maglagay ng marka sa scale na kumakatawan sa kung ano sa palagay nila ang nadarama ng maraming tinedyer tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Anyayahan silang ipaliwanag ang kanilang marka.
Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang mga estudyante na sagutin nang tahimik ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal.
Ano ang nadarama mo kapag iniisip mo ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo? Bakit?
Kapag iniisip mo ang Ikalawang Pagparito, mas nakatuon ka ba sa Tagapagligtas o sa mga paghihirap bago ang Kanyang pagbabalik? Paano nakakaapekto ang pinagtutuunan mo sa iyong nadarama?
Maglaan ng kinakailangang oras para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang nilalaman ng sumusunod na talata.
Totoo na maraming pagsubok at matinding kasamaan ang iiral sa mga huling araw at ang “pagdurusa at kapanglawan” ay ipadadala sa masasama (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:8 ). Mahalaga ring maunawaan na ang pagbabalik ng Tagapagligtas ay hindi magiging sanhi ng mga pagsubok at kasamaan. Ang Kanyang pagbabalik ay magliligtas sa Kanyang mga disipulo mula sa mga ito. Ang Ikalawang Pagparito ay magiging mas kamangha-mangha para sa Kanyang mga tagasunod kaysa inaakala natin! Sa pag-aaral mo ngayon, alamin ang mga dahilan kung bakit makadarama ng kagalakan at pag-asa ang matatapat kapag iniisip nila ang pagbabalik ni Jesucristo.
Magalak sa pagparito ni Cristo!
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 29:10–13 , at hanapin ang mga salita at parirala na nagbibigay sa iyo ng mga dahilan upang magalak.
Ang Doktrina at mga Tipan 29:10–11 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan para madali nilang mahanap ang mga ito.
Sabihin sa mga estudyante na ilista sa pisara ang mga salita at pariralang nahanap nila. Itanong sa ilang estudyante kung bakit nakatulong ang nahanap nila para magalak sila.
Habang nagbabahagi sila, maaari mong gawing personal para sa kanila ang nahanap nila sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga follow-up na tanong tulad ng mga sumusunod:
Paano nakapapanatag sa inyo na malaman na kapag nagpakita si Jesus, ito ay may “kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian”? (talata 11 ).
Paano ninyo ilalarawan na naiiba ang pang-araw-araw ninyong buhay kapag nanahan si Cristo “sa kabutihan kasama ng mga tao”? (talata 11 ).
Sino sa mga mahal ninyo sa buhay na pumanaw na ang pinakanasasabik ninyong makita kapag binuhay na mag-uli ng Tagapagligtas ang mabubuti sa Kanyang pagparito? (Tingnan sa talata 13 .)
Ano ang ibig sabihin sa inyo ng “makasama [si Cristo], nang [tayo] ay maging isa”? (talata 13 ). Sa inyong palagay, bakit nais ni Jesus na maging isa kayo?
Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa talata 11 : “Aking ipakikita ang aking sarili mula sa langit sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian … at mananahanan sa kabutihan kasama ng mga tao sa mundo ng isanlibong taon.”
Ang natitirang bahagi ng lesson na ito ay nakatuon sa magagandang kalagayan na ipagkakaloob ng Tagapagligtas sa mabubuti sa panahon ng Kanyang pagbabalik at pagkatapos ng Kanyang pagbabalik.
Bago magpatuloy, maaari mong tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang huling parirala ng talata 11 , “ang masasama ay hindi makapananatili.” Maaaring basahin ng mga estudyante ang mga talata 9, 15 , at 17 para makita ang mga kahihinatnan ng mga taong hindi tumanggap kay Cristo. Kung pag-aaralan ninyo ang mga talatang ito sa klase, ipaalala sa mga estudyante na nag-aalala tungkol sa kanilang mga mahal sa buhay na ang hangarin at kapangyarihan ng Tagapagligtas ay magpatawad at pagalingin ang lahat ng nagsisisi at lumalapit sa Kanya.
(Paalala: Ang mga lesson sa Doktrina at mga Tipan 45 ay magtutuon lalo na sa mga palatandaan ng panahon at personal na paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Cristo.)
Si Cristo ay mananahanang kasama ng mga tao nang isanlibong taon
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa mga kalagayan sa mundo sa panahon ng paghahari at pagkatapos ng paghahari ni Jesucristo sa milenyo. Maaari mo rin silang anyayahang magbahagi ng mga tanong nila tungkol dito.
Maglaan ng ilang minuto na saliksikin ang sources na itinalaga ng Diyos para sa mga sagot sa mga tanong mo tungkol sa Milenyo at sa masasayang kalagayan na iiral sa panahon ng paghahari ni Cristo sa milenyo at pagkatapos nito. Ang sumusunod ay maaaring makatulong sa iyong pag-aaral:
Maaari mong ilagay ang mga estudyante sa maliliit na grupo kung saan pag-aaralan ng bawat grupo ang isa sa sumusunod na sources. Pagkatapos, sabihin sa bawat grupo na ilahad ang natutuhan nila sa klase, o sabihin sa mga estudyante na bumuo ng mga bagong grupo kasama ang mga estudyanteng nag-aral ng magkakaibang sources at magsalitan sa pagbabahagi ng natutuhan nila.
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Milenyo ,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org
Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Milenyo ,” topics.ChurchofJesusChrist.org
Doktrina at mga Tipan 29:23–27
Isaias 65:19–25
Apocalipsis 20:1–3
1 Nephi 22:24–28
Upang matulungan ang mga estudyante na malinaw na makita ang mga dahilan upang magalak sa mga kalagayang kasunod ng pagbabalik ng Tagapagligtas, maaari mong tapusin ang bahaging ito ng lesson sa pamamagitan ng pagbabahagi ng pahayag ni Elder D. Todd Christofferson sa bahaging “Karagdagang Resources.”
Pagtutuon sa Tagapagligtas
Upang matulungan ang mga estudyante na mailarawan sa kanilang isipan ang mapagmahal na Tagapagligtas na bumababa mula sa langit, maaari mong ipapanood ang video na “Nagpakita si Jesucristo sa Lumang Amerika, ” na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 11:20 hanggang 16:31. Sabihin sa kanila na maghanap ng mga pagkakatulad sa pagitan ng pagmamahal na ipinakita ng pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga Nephita at kung ano sa palagay nila ang mangyayari kapag Siya ay bumalik.
16:42
Tatlong araw bago magpakita si Jesucristo sa mga tao sa Sinaunang Amerika, dumanas sila ng matitinding kalamidad — mga lindol, unos, at apoy, na kumitil ng maraming buhay at nagwasak ng mga lungsod. Nagsimula ang tatlong araw ng kadiliman.
Maaari mong ipikit ang iyong mga mata at subukang isipin na si Jesucristo ay bumababa mula sa langit upang iligtas, protektahan, at pagalingin ang Kanyang mga tagasunod. Bigyang-pansin ang mga impresyon mula sa Espiritu Santo para malaman kung ano ang nais ng Ama sa Langit na madama mo tungkol sa pagbabalik ng Kanyang Anak.
Anong ekspresyon ang nakikinita mo sa Kanyang mukha habang tinitingnan Niya ang mga nagsisikap na sumunod sa Kanya?
Ano sa palagay mo ang sasabihin Niya sa matatapat pagkababa Niya sa lupa?
Sa iyong palagay, paano nais ng Tagapagligtas na madama ng Kanyang mga disipulo ang tungkol sa Kanyang pagbabalik sa lupa?
Maaari mong ibahagi ang sarili mong nadarama habang inaasam mo ang pagbabalik ni Jesucristo sa lupa. Maaari mong tapusin ang klase gamit ang isang pangwakas na himno na nagsasaad ng kagalakan ng pagparito ni Cristo at ng Kanyang paghahari sa milenyo, tulad ng “Espiritu ng Diyos ” (Mga Himno , blg. 2), “Tayo’y Magalak ” (Mga Himno , blg. 3), o “O Magsaya ” (Mga Himno , blg. 121).
Maaari mo ring tulungan ang mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa lesson na ito at rebyuhin ang mga ito sa mga susunod na lesson. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan ay “Aking ipakikita ang aking sarili mula sa langit sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian … at mananahanan sa kabutihan kasama ng mga tao sa mundo ng isanlibong taon.” Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”
Sinabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sa Kanyang pagparito, hindi lamang mababawasan ang kalupitan at kawalang katarungan; ang mga ito ay hihinto. …
Ang kahirapan at pagdurusa ay hindi lamang mababawasan; ang mga ito ay maglalaho. …
Maging ang sakit at pighati sa kamatayan ay mawawala. …
… Mas masigasig nating ilaan ang ating mga sarili sa mga kailangang paghahanda para sa araw kung kailan ang sakit at kasamaan ay sama-samang matatapos. (D. Todd Christofferson, “Paghahanda para sa Pagbabalik ng Panginoon ,” Liahona , Mayo 2019, 81)
Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith (1805–44):
Hindi totoo na mamamalagi si Jesus sa lupa nang isang libong taon kasama ang mga Banal, gayunpaman Siya ang maghahari sa mga Banal at bababa at magbibigay ng tagubilin. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 300)
Walang isang simpleng sagot sa tanong na ito. Pangangalagaan ng Panginoon ang matatapat mula sa ilan sa mga darating na paghatol, ngunit ang iba pang mga kalagayan ay kapwa makakaapekto sa mabubuti at masasama. Mahalagang tandaan na sa kabila ng anumang pagsubok na maaari nating maranasan, ililigtas ng Diyos ang mabubuti sa Kanyang kaharian.
Itinuro ni Propetang Joseph Smith (1805–44):
[Hinggil sa] pagparito ng Anak ng Tao … ; maling isipin na matatakasan ng mga Banal ang lahat ng paghatol, habang nagdurusa ang masasama; sapagkat ang lahat ng laman ay kailangang magdusa, at “ang mabubuti ay bahagyang makakatakas” [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 63:34 ]; gayunman maraming banal ang makakatakas, sapagkat ang mga matwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya [tingnan sa Habacuk 2:4 ]; subalit maraming mabubuti [ang] magiging biktima ng sakit, salot, at kung anu-ano pa, dahil sa kahinaan ng laman, subalit maliligtas sa Kaharian ng Diyos. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 294)
Itinuro ni Elder Spencer V. Jones ng Pitumpu:
Marami sa atin ang nag-aalala tungkol sa Ikalawang Pagparito. Kapag iniisip natin ang tungkol sa “dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon” (D&T 2:1 ), maaaring ang tendensiya natin ay hindi pansinin ang “dakila” at sa halip ay pagtuunan ang “kakila-kilabot.”
Ang ilan sa mga propesiya ay tila nakapupuspos. …
Ang ilang propesiya ay tila kakatwa, tulad ng [nakasaad sa Doktrina at mga Tipan 29:18–20 ]. …
Kakila-kilabot mang pakinggan ang mga propesiyang ito, tingnan natin ang mga ito nang may pananaw. Ang mga nakababahalang kalagayang ito ay naglalaman ng parirala na nagpapaliwanag sa mga kalagayang iyon na nagsasaad na ang mga ito ay hindi para sa mabubuti kundi para sa masasama at hindi nagsisisi. (Spencer V. Jones, “Messages from the Doctrine and Covenants: Finding Hope in the Second Coming ,” Ensign , Hunyo 2005, 58–59)
Ang mga hukbo na kasamang darating ng Tagapagligtas sa kaluwalhatian sa Kanyang Ikalawang Pagparito ay ang matatapat na Banal na nabuhay sa lahat ng panahon sa kasaysayan ng daigdig. Ang mabubuti na namatay ay mabubuhay na mag-uli, at sila, pati na ang mabubuti na nabubuhay pa sa mundo, ay “aangat upang salubungin siya” at “bababang kasama niya” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:95–98 ).
Maaari mong simulan ang klase gamit ang isang sitwasyon tungkol sa isang mabuting tinedyer na kinakabahan tungkol sa Ikalawang Pagparito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung bakit ganoon ang madarama ng tinedyer sa sitwasyon. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano sa palagay nila ang nais ng Tagapagligtas na madama ng Kanyang mga disipulo tungkol sa Kanyang pagbabalik habang pinag-aaralan nila ang lesson ngayon.
Sa katapusan ng lesson, sabihin sa mga estudyante na sumulat ng sagot sa kabataan sa sitwasyon na nagpapaliwanag ng mga dahilan para makadama ng kagalakan habang inaasam natin ang pagparito ni Cristo.
Ang sumusunod ay isang halimbawa ng sitwasyon na maaaring gamitin:
Sa pagtatapos ng klase sa seminary, ibinalita ng titser na dapat masabik ang mga estudyante dahil pag-aaralan nila ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo sa susunod nilang lesson. Nang paalis na si Peter sa gusali, sinabi ng kaibigan niyang si Christopher, “Siguro magkukunwari akong may sakit bukas. Ang mga lesson tungkol sa Ikalawang Pagparito ay nagpapa-stress sa akin!”
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na tingnan ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo nang may walang-hanggang pananaw. Para magawa ito, maaaring tumukoy ang klase ng ilang palagay at maling pag-unawa na maaaring maging dahilan para matakot ang isang mabuting disipulo ni Cristo sa Ikalawang Pagparito. Pagkatapos ay maaari silang magsanay na tingnan sa ibang pananaw ang mga palagay at maling pag-unawang iyon sa pamamagitan ng mga katotohanang alam nila tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa plano ng kaligtasan. (Kung kinakailangan, maaaring rebyuhin ng mga estudyante ang talata 8 sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document [2023] para ipaalala sa kanila ang alituntuning ito.)
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ipakita o ilarawan ang isa sa mga paborito nilang larawan ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Hilingin sa kanila na ibahagi kung ano ang itinuturo sa kanila ng larawan tungkol sa Tagapagligtas, tungkol sa araw na iyon, o kung bakit mahalagang maghanda para dito.
Maaari mong i-display ang larawan sa simula ng lesson na ito. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 29:10–11, 27–28 , at hanapin ang mga salita at parirala na nakikita nilang inilarawan sa larawan. Batay sa mga talatang ito at sa larawan, ano ang dapat madama ng mabubuti habang inaasam nila ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo?
Upang matulungan ang mga estudyante na makadama ng kagalakan at kasabikan para sa Ikalawang Pagparito, maaari kang mag-display ng isang larawan na katulad ng nasa ibaba na nagpapakita ng mga anghel na kasama ng Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang parirala sa Doktrina at mga Tipan 29:11 na naglalarawan sa mga anghel sa larawan. Ibahagi ang pahayag sa bahaging “Karagdagang Resources” tungkol sa lahat ng hukbong bababa kasama ni Cristo. Itanong sa mga estudyante kung sino ang naiisip nilang kasama sa mga hukbong iyon. Maaaring pumunta ang mga estudyante sa pisara at, sa paligid ng larawan, isulat ang mga pangalan ng mga taong maaaring kabilang sa mga hukbong iyon. Kabilang sa mga halimbawa sina Abraham, Ruth, Nephi, Maria, at iba pa. Maaari din nilang idagdag ang mga pangalan ng kanilang mabubuting mahal sa buhay.
Maaaring saliksikin ng mga estudyante ang himnaryo para sa mga paksang “Milenyo” at “Jesucristo—Ikalawang Pagdating” para sa mga salita na nagbibigay sa atin ng dahilan upang magalak sa pagbabalik ng Tagapagligtas. Maaaring piliin ng klase na kantahin ang ilang talata mula sa mga kaugnay na himno.