Seminary
Lesson 68—Doktrina at mga Tipan 51: “Isang Matapat, Makatarungan, at Matalinong Katiwala”


“Lesson 68—Doktrina at mga Tipan 51: ‘Isang Matapat, Makatarungan, at Matalinong Katiwala,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 51,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 68: Doktrina at mga Tipan 51–57

Doktrina at mga Tipan 51

“Isang Matapat, Makatarungan, at Matalinong Katiwala”

kabataang gumagawa ng family history

Noong tagsibol ng 1831, nakatanggap si Joseph Smith ng paghahayag. Iniutos ng Panginoon sa mga miyembro ng branch sa Colesville, New York, na ayusin ang Thompson, Ohio, at tuparin ang kanilang mga pangangasiwa sa pamamagitan ng pagsunod sa batas ng paglalaan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano nila masusunod ang payo ng Panginoon na maging matapat, makatarungan, at matalinong mga katiwala.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Isang pagtutuos ng mga pangangasiwa

Upang matulungan ang mga estudyante na matuto tungkol sa mga pangangasiwa, maaari kang gumawa ng aktibidad na tulad ng mga sumusunod.

Ipagpalagay na hiniling ng isang magulang sa kanyang anak na bantayan nito ang kanyang nakababatang kapatid nang ilang oras habang wala ang magulang.

  • Bakit kaya nais ng isang mapagmahal na magulang na maranasan ng isang nakatatandang anak ang responsibilidad na ito?

  • Ano sa palagay mo ang inaasahan ng isang magulang sa sitwasyong ito?

Ipaliwanag na pinagkakatiwalaan din tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ng maraming responsibilidad sa buong buhay natin. Ang mga responsibilidad na ito ay maaaring tawagin bilang mga pangangasiwa.

Ibinahagi ni Bishop Gérald Caussé ng Presiding Bishopric ang sumusunod na kahulugan ng salitang tungkuling mangalaga o pangangasiwa.

Bishop Gérald Caussé

Sa ebanghelyo, ang ibig sabihin ng buong katagang tungkuling mangalaga ay isang sagradong espirituwal o temporal na responsibilidad na pangalagaan ang isang bagay na pag-aari ng Diyos na pananagutan natin. (Gérald Caussé, “Ang Ating Tungkuling Pangalagaan ang Mundo,” Liahona, Nob. 2022, 57)

  • Ano ang ilang halimbawa ng pangangasiwa na ibinibigay ng Diyos sa ating buhay?

Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa naunang tanong, o maaari mo silang anyayahang pumunta sa pisara at isulat ang kanilang mga sagot.

Kung kinakailangan, maaari mong gamitin ang mga sumusunod bilang mga halimbawa: ang bahagi ng planeta kung saan tayo nakatira, ang ating pamilya, mga katungkulan o gawain sa Simbahan, mga ari-arian natin, ang ating katawan, ang ating panahon.

Matapos matukoy ang mga halimbawang ito, sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga pinangangasiwaan nila sa kanilang buhay sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga sumusunod:

Sa iyong study journal, isulat ang ilan sa mga pinangangasiwaan mo o kung ano ang ipinagkatiwala sa iyo ng Panginoon. Sa pag-aaral mo ngayon, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na maging mas mabuting katiwala sa mga bagay na isinulat mo sa iyong listahan.

Ang mga pangangasiwa ng mga naunang Banal

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Doktrina at mga Tipan 51, basahin o ibuod ang sumusunod na talata. Maaari mo ring ipabasa ito sa isang estudyante sa klase.

Noong tagsibol ng 1831, maraming Banal ang nagsimulang dumating sa Ohio matapos dumayo mula sa silangang Estados Unidos. Dumating ang isang grupo mula sa Colesville, New York, na nagsakripisyo nang malaki. Ang grupong ito ay tinagubilinang manirahan sa Thompson, Ohio, at ipamuhay ang batas ng paglalaan. Ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 51 ay naglalaman ng mga tagubilin ng Panginoon sa mga Banal.

Sabihin sa mga estudyante na kopyahin ang sumusunod na chart sa kanilang study journal at punan ito habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan 51.

Mga Responsibilidad ni Bishop Partridge

Mga Responsibilidad ng mga Banal

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 51:1–4, at alamin ang itinuro ng Panginoon kay Bishop Edward Partridge tungkol sa kanyang mga responsibilidad.

  • Anong mga responsibilidad ang ibinigay ng Panginoon kay Bishop Partridge?

Habang sumasagot ang mga estudyante, makatutulong na ipaliwanag na ang “[pagta]takda sa mga taong ito ng kanilang mga bahagi” (Doktrina at mga Tipan 51:3) ay tumutukoy sa mga ari-arian at kalakal na matatanggap ng mga Banal bilang bahagi ng batas ng paglalaan. Bago magpatuloy, maaaring makatulong na anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nalalaman o naaalala nila tungkol sa batas ng paglalaan.

Kung kinakailangan, ipaliwanag na bilang bahagi ng batas ng paglalaan, ilalaan ng mga Banal ang kanilang mga ari-arian at kalakal sa Panginoon. Pagkatapos, sa pamamagitan ng bishop, tatanggap sila ng mga ari-arian at kalakal bilang pangangasiwa na pangangalagaan at gagamitin. Ido-donate din ng mga Banal sa bishop ang anumang labis sa kanilang itinanim, pinalaki, o natanggap upang ibigay sa mga maralita.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 51:9, 12–15, 19, at kumpletuhin ang chart batay sa nalaman mo.

Maaaring makatulong sa mga estudyante na malaman na ang kamalig [storehouse] na binanggit sa talata 13 ay lugar kung saan itatago ng bishop ang pagkain at mga supply para pangalagaan ang mga maralita at nangangailangan.

  • Anong payo mula sa mga talatang ito ang maaaring nakatulong sa mga Banal na makayanan ang mga hirap na dinanas nila sa pagsunod sa batas ng paglalaan?

  • Anong pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa talata 19 sa matapat, makatarungan, at matalinong mga katiwala?

    Sabihin sa mga estudyante na tumukoy ng katotohanan na naaangkop sa kanilang mga pangangasiwa batay sa mga turo ng Panginoon sa talata 19. Maaari nilang matukoy ang isang bagay tulad ng sumusunod: Kapag tayo ay naging matapat, makatarungan, at matalinong mga katiwala, mararanasan natin ang kagalakan ng Panginoon at matatanggap natin ang kaloob na buhay na walang hanggan.

    Kung makatutulong, maaari mong sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag sandali ang isa sa mga sumusunod na salita: matapat, makatarungan, o matalino. Ang mga estudyante ay maaaring magbahagi ng naunawaan nila, gumamit ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan, o ng diksyunaryo.

  • Ano ang ilang halimbawa ng kagalakang maaari nating madama o mga pagpapalang maaari nating matanggap kapag tapat tayo sa ating mga pangangasiwa?

Mga halimbawa ng matapat, makatarungan, at matalinong mga katiwala

Ang sumusunod na mga aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang ibig sabihin ng maging matapat, makatarungan, at matalinong mga katiwala. Maaari mong i-display ang mga aktibidad at hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo para sama-samang gawin ang mga ito. Kung gagawin ang aktibidad na ito nang magkakagrupo, tiyaking magtalaga ng isang lider ng talakayan para sa bawat grupo.

Aktibidad A: Ang halimbawa ng Tagapagligtas

Ang Tagapagligtas ang ganap na huwaran ng pagiging matapat, makatarungan, at matalinong katiwala.

Maghanap ng halimbawa sa mga banal na kasulatan na tinutupad ni Jesucristo ang isa sa Kanyang mga responsibilidad na pangalagaan at tulungan tayo. Kabilang sa mga halimbawa ng mga banal na kasulatan na maaari mong pag-aralan ang Ezekiel 34:11–16; Juan 6:38–39; 17:1–4; 3 Nephi 17:6–9; at Doktrina at mga Tipan 19:16–19.

Pag-isipan kung paano naging matapat, makatarungan, at matalinong katiwala ang Tagapagligtas sa iyo.

  • Paano naghatid ng kagalakan at mga pagpapala sa iyo ang mga pagsisikap ng Tagapagligtas?

  • Paano ka mahihikayat ng halimbawa ng Tagapagligtas na maging matapat, matalino, at makatarungang katiwala?

Aktibidad B: Mga pangangasiwa ngayon

Inaanyayahan din tayong sundin si Jesucristo sa pamamagitan ng pagiging matapat, makatarungan, at matalinong mga katiwala.

Pumili ng ilan sa mga halimbawa ng pangangasiwa na ibinibigay sa atin ng Panginoon na nakalista sa pisara (o isa pang halimbawang naisip mo).

Ilarawan kung ano ang magagawa ng isang tao para maging matapat, makatarungan, at matalinong katiwala ng mga bagay na ito. Maaari mong isama ang mga halimbawang nakita mo o ang mga paraan na pinagsikapan mong maging mabuting katiwala.

  • Bakit kaya nais ng Panginoon na magsikap ang isang tao ngayon na maging matapat, makatarungan, at matalinong katiwala sa ganitong paraan?

  • Paano maaaring maghatid ng kagalakan at mga pagpapala ang kanilang mga pagsisikap?

Anyayahan ang iba’t ibang estudyante na ibahagi ang mga natutuhan nila mula sa mga talakayan. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga banal na kasulatan na natukoy nila sa Aktibidad A na naging napakahalaga o makabuluhan para sa kanila. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula sa isang kaklaseng nakasama nilang gumawa.

Ang natutuhan mo

Upang matulungan ang mga estudyante na maproseso at mapag-isipan ang natutuhan nila sa lesson na ito, maaari mong sabihin sa kanila na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal.

  • Ano ang natutuhan mo ngayon tungkol sa mga pangangasiwa na gusto mong alalahanin?

  • Ano ang magagawa mo para maging mas matapat, makatarungan, at matalinong katiwala sa isang aspeto ng iyong buhay?

Para sa dalawang nakaraang tanong, anyayahan ang ilang handang estudyante na ibahagi ang isinulat nila. Patotohanan ang kagalakang dumating sa iyo habang nagsusumikap kang tuparin ang iyong mga pangangasiwa mula sa Panginoon.