Lesson 72—Doktrina at mga Tipan 58:38–60: “Siya na Nagsisi … Ay Siya Ring Patatawarin”
“Lesson 72—Doktrina at mga Tipan 58:38–60: ‘Siya na Nagsisi … Ay Siya Ring Patatawarin,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 58:38–60,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Maging ang pinakamatatapat na disipulo ni Jesucristo ay nangangailangan ng pagsisisi at kapatawaran. Sa Doktrina at mga Tipan 58, inanyayahan ni Jesucristo ang ilang lider ng Kanyang Simbahan na magsisi at nangako Siyang patatawarin ang kanilang mga kasalanan kung susunod sila. Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan ang mga estudyante na makadama ng pag-asa na pinatatawad ng Tagapagligtas ang mga nagsisisi ng kanilang mga kasalanan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Sugatan
Ipagpalagay na sinabi sa iyo ng kaibigan mo na nahulog siya mula sa isang ungos noong nakaraang gabi. Nakadarama siya ng matinding sakit kapag humihinga siya at sa tingin niya ay nabali ang kanyang braso. Nagpasiya siyang huwag magpatingin sa doktor dahil nag-aalala siya na madidismaya ang doktor at ang iba pa kung malalaman nila na pinili niyang lumapit sa mapanganib na ungos na iyon. Kaya plano niyang panatilihing lihim ang sakit na nararamdaman niya, at umaasang gagaling siya nang lubos balang-araw.
Ano ang nadarama mo tungkol sa plano ng iyong kaibigan? Bakit?
Ngayon, mag-isip ng katulad na sitwasyon, ngunit sa pagkakataong ito, sinabi sa iyo ng kaibigan mo na nakagawa siya ng mabigat na kasalanan. Sa halip na sundin ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa pagsisisi, nagpasiya siyang itago ang kanyang kasalanan at umasa na magiging mas mabuti ang mga bagay-bagay sa paglipas ng panahon.
Ano ang ipapayo mo sa iyong kaibigan?
Nagturo ang Tagapagligtas tungkol sa pagsisisi
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 58:60 para makita ang payo ng Panginoon sa isang lalaking nagngangalang Ziba Peterson.
Ano sa palagay mo ang mga maling pagkaunawa ni Ziba tungkol sa Diyos o tungkol sa pagsisisi na magiging dahilan para itago niya ang kanyang mga kasalanan? (Maaari mong basahin ang payo ni Alma sa kanyang anak tungkol sa mga resulta ng pagtatago ng ating mga kasalanan. Tingnan sa Alma 39:7–9.)
Sa palagay mo, alin sa mga maling pagkaunawang ito nahihirapan pa rin ang mga tao ngayon?
Pag-isipan kung mayroon kang anumang kasalanan na nag-atubili kang pagsisihan. Kung mayroon, isipin ang mga dahilan mo sa pag-aatubili.
Mga tanong at mga sagot
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 58:42–43, at alamin ang mga turo ng Tagapagligtas na tumutulong sa pagsagot sa mga tanong at alalahanin na maaaring mayroon ang ilang tao tungkol sa pagsisisi.
Paano makatutulong ang mga katotohanang ito sa maaaring mga alalahanin ng mga tao tungkol sa pagsisisi?
Nagpapatawad ang Panginoon
Sa iyong study journal, maghanda ng sagot na maaari mong ibahagi sa isang taong nag-aalala na hindi siya mapapatawad. Ano ang maaari mong ibahagi tungkol sa katangian at mga pangako ng Tagapagligtas na makatutulong sa taong ito na makayanan ang anumang alalahanin? Piliin ang ilan sa mga sumusunod na opsiyon para matulungan kang ihanda ang sagot mo:
Mga banal na kasulatan: Saliksikin ang mga banal na kasulatan para sa mga talata na naglalaman ng mga pangako ng Panginoon sa mga magsisisi o para sa mga salaysay na nagpapakita ng Kanyang kahandaang magpatawad. Ang listahan ng mga doctrinal mastery passage sa Doctrinal Mastery Core Document (2023) ay maaaring makatulong. Maaari mong i-cross-reference o iugnay ang ilan sa mga banal na kasulatang ito sa Doktrina at mga Tipan 58:42–43.
Personal na katibayan: Mag-isip ng mga halimbawa kung saan nasaksihan mo ang kahandaan ng Tagapagligtas na magpatawad at tulungan ang isang tao na magbago. (Huwag magbahagi ng mga pangalan o detalye ng mga kasalanan.)
Ang bahaging “Tutulungan kayo ni Jesucristo” ng Para sa Lakas ng mga Kabataan: Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili ([2022], 6–9): Hanapin ang mga katotohanan tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na nagbibigay sa atin ng pag-asa.
Mga makabagong propeta: Maghanap ng mga pahayag mula sa mga makabagong lider ng Simbahan na tumutulong sa atin na maunawaan ang mapagpatawad na katangian ni Jesucristo.
Minamahal kong mga kaibigang kabataan, kung naririto mismo ang Panginoon ngayon, ano kaya ang sasabihin Niya sa inyo? …
… Maaaring maalala ninyo ang mga pagkakamaling nagawa ninyo, mga pagkakataong nagpatangay kayo sa tukso, mga bagay na hindi sana ninyo ginawa—o sana’y naisagawa ninyo nang mas maayos.
Mahihiwatigan iyan ng Tagapagligtas, at naniniwala ako na bibigyan Niya kayo ng katiyakan sa mga salitang sinabi Niya sa mga banal na kasulatan:
Sa palagay ko, hindi Siya gagawa ng mga dahilan para sa inyong mga pagkakamali. Hindi Niya babalewalain ang mga iyon. Hindi, hihilingan Niya kayong magsisi—talikuran ang inyong mga kasalanan, magbago, upang mapatawad Niya kayo. Ipapaalala Niya sa inyo na inako Niya ang mga kasalanang iyon 2,000 taon na ang nakararaan upang kayo ay maaaring magsisi. Bahagi iyan ng plano ng kaligayahang ipinagkaloob sa atin ng ating mapagmahal na Ama sa Langit. (Dieter F. Uchtdorf, “Si Jesucristo ang Lakas ng mga Kabataan,” Liahona, Nob. 2022, 9)