Seminary
Lesson 71: Doktrina at mga Tipan 58:26–29


“Lesson 71: Doktrina at mga Tipan 58:26–29: ‘Sabik sa Paggawa ng Mabuting Bagay,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 58:26–29,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 71: Doktrina at mga Tipan 58–59

Doktrina at mga Tipan 58:26–29

“Sabik sa Paggawa ng Mabuting Bagay”

tinedyer na naglilingkod sa komunidad

Maraming Banal, kabilang na ang isang grupo mula sa Colesville, New York, ang kamakailan lamang dumating sa Jackson County, Missouri. Nais nilang tulungan ang Tagapagligtas na itayo ang Sion, ngunit hindi sila sigurado kung ano ang gagawin. Ipinaliwanag ng Panginoon na inaasahan sila na gamitin ang kanilang kalayaang pumili upang humanap ng mga paraan para makatulong at makapaglingkod. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano tutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa paggawa ng mabuti.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Isang araw sa buhay ni Cristo

Bago magklase, maaari mong isulat sa pisara ang Gumagawa sila ng mabuti. Sabihin sa bawat estudyante na ibahagi ang pangalan ng isang taong kilala nila na ang buhay ay akma sa paglalarawang iyon. Maaaring ibahagi ng ilang boluntaryo kung bakit ipinapaalala sa kanila ng pariralang iyon ang taong napili nila.

Sabihin sa mga estudyante na ang Mga Gawa 10 ay tala ng mga turo ni Pedro sa Cesarea. Sabihin sa kanila na buklatin ang Mga Gawa 10:38 para makita kung kaninong pangalan ang maaaring isinulat ni Pedro sa pisara.

Isipin kung ano kaya ang pakiramdam kung si Jesus ay isinilang sa ating panahon, nakatira sa inyong komunidad, o nag-aaral sa inyong paaralan.

  • Ano sa palagay mo ang gagawin Niya na mailalarawan bilang “[naglilibot] na gumagawa ng mabuti”?

Upang matulungan ang mga estudyante na hangaring tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas, maaari mo silang bigyan ng oras na isulat ang kanilang mga saloobin tungkol sa sumusunod na prompt sa kanilang study journal.

Subukang isipin kung ano kaya ang mararamdaman mo kung maglalaan ka ng Sabado kasama si Jesus na “[naglilibot] na gumagawa ng mabuti” sa buong maghapon. Paano maaaring makaimpluwensya ang karanasang ito sa kung paano mo pipiliing gugulin ang iyong oras kahit sa mga araw na hindi mo Siya kasama?

Pagpiling gumawa ng kabutihan

Nang matanggap ang Doktrina at mga Tipan 58, si Joseph Smith at ang ilan sa mga elder ng Simbahan ay kamakailan lamang dumating sa Missouri. Humingi sila ng mga tagubilin kung paano itatatag ang Simbahan at ang Sion sa lugar. Itinuro sa kanila ng Tagapagligtas kung paano nila magagamit ang kanilang kalayaang pumili para magawa ang Kanyang gawain.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 58:26–29 para malaman ang itinuro ng Tagapagligtas sa mga Banal tungkol sa kanilang kalayaang pumili. Isulat ang mga salita at parirala na makikita mo sa mga angkop na bahagi ng sumusunod na chart. (Paalala: Ang ibig sabihin ng “hindi nararapat” ay hindi kailangan o kanais-nais.)

Maaari mong i-display ang sumusunod na chart sa pisara o bigyan ang mga estudyante ng sarili nilang kopya. Maaaring makatulong ito sa ilang estudyante na mas makibahagi sa aktibidad na ito kung aanyayahan silang gawin ito nang may kapartner.

Paggamit ng ating kalayaang pumili upang maging …

Higit na katulad ni Jesus

Hindi masyadong katulad ni Jesus

Kapag tapos na ang mga estudyante, maaari kang magtanong ng mga bagay na makatutulong sa kanila na pag-isipan at maunawaan ang kahulugan ng mga pariralang nahanap nila. Halimbawa:

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng maging “sabik sa paggawa,” o aktibong magsikap, na gumawa ng mabuti?

  • Sa iyong palagay, bakit dapat nating iwasang “pinipilit,” o pinupuwersa tayo, na gumawa ng mabuti?

  • Sa iyong palagay, bakit mahalaga ang ating mga motibo o layunin sa paggawa ng mabuti?

Sa iyong study journal o sa iyong mga banal na kasulatan, gamit ang sarili mong mga salita, isulat ang isa o dalawang katotohanan na masasabi mong mahalaga sa Tagapagligtas mula sa mga talatang ito.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga katotohanang itinala nila o isulat ang mga ito sa pisara. Ang isang katotohanan na maaari nilang ipahayag ay ginagantimpalaan ng Diyos ang mga taong masigasig na naghahangad na maisakatuparan ang kabutihan.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pag-isipan o isulat kung gaano sila kadalas masigasig na naghahanap ng mga paraan para mapaglingkuran ang Diyos at ang iba nang hindi naghihintay na sabihan pa ng kung ano ang gagawin. Sabihin sa kanila na bigyang-pansin ang mga paraan na mapagsisikapan nila na maging mas sabik sa paggawa ng mabuti habang patuloy silang nag-aaral.

  • Anong mga halimbawa ang maiisip mo mula sa mga banal na kasulatan kung saan ipinamuhay ng isang tao ang mga turo ng Tagapagligtas sa mga talatang ito?

  • Ano ang mga halimbawa ng pagpansin ng Tagapagligtas sa mga pagkakataong gumawa ng mabuti at paggamit ng Kanyang kalayaang pumili para kumilos?

Maaari mong ipanood sa mga estudyante ang video na “Nahabag si Jesucristo at Pinagaling ang mga Tao” (6:32), matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Inilalarawan nito ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas na piniling maglaan ng dagdag na oras sa mga Nephita upang paglingkuran at pagalingin sila.

6:31

O maaari mong ipanood ang video na “Widow of Nain” (2:22), matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Inilalarawan nito ang pagpansin ng Tagapagligtas sa isang nagdadalamhating ina at pagpili Niyang tumigil sandali, panatagin ang ina, at pagalingin ang anak nito.

2:22

Ang mga turo ng Tagapagligtas sa ating buhay

Maaari mong tulungan ang mga estudyante na matuklasan kung ano ang maaaring mangyari kapag ipinamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas sa mga talata 26–29 sa mga sitwasyon sa tunay na buhay. Maaari mong gamitin ang ilan sa mga sumusunod na sitwasyon o iba pa na mas may kaugnayan sa iyong mga estudyante.

Hatiin ang klase sa maliliit na grupo para talakayin kung aling mga talata o parirala ang pinakanaaangkop sa bawat sitwasyon. Hikayatin ang mga grupo na mag-isip ng maraming paraan na magagamit ng bawat tao ang kanilang kalayaang pumili para makibahagi sa isang magandang adhikain.

Pagkatapos ay anyayahan ang bawat grupo na ulitin ang aktibidad sa pamamagitan ng paggawa ng sarili nilang sitwasyon kung saan maipamumuhay ng isang tinedyer ang mga turo ng Tagapagligtas sa bahagi 58.

  1. Kamakailan lamang ay inatasan si Juliet na maglingkod sa isang pamilyang hindi pa niya nakikilala. Hindi siya sigurado kung paano magsisimula.

  2. Ang titser ni Ann sa Sunday School ay isang mabuting tao ngunit hindi pa bihasa. Marami sa kanyang mga kaklase ang tila nawalan na ng interes at hindi na sinusubukang makibahagi sa mga lesson.

  3. Napansin ni Jasmine na tila mas pagod ang kanyang ina nitong mga nakaraang araw kaysa noon.

  4. Nakakita si Xavier ng ilang hindi magagandnag post tungkol sa isa pang estudyante sa social media.

  5. Si Jared ay may libreng oras sa hapon at wala siyang gagawin at pupuntahan sa oras na iyon.

Tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na kantahin o pakinggan ang isang himno na nagpapatibay sa mga alituntuning natutuhan sa lesson na ito. Ang isang opsiyon ay “Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa?” (Mga Himno, blg. 135). Sabihin sa kanila na isipin kung paano naaangkop ang mga titik ng himno sa mga alituntuning itinuro ng Tagapagligtas sa bahagi 58. Anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi sa klase kung ano sa palagay nila ang nais ng Tagapagligtas na matandaan nila mula sa kanilang pag-aaral ngayon. Makatutulong na hayaang isulat ng mga estudyante ang kanilang mga saloobin bago anyayahan ang ilan na magbahagi nang malakas.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na maghanap ng pagkakataong kumilos ayon sa natutuhan nila bago ang susunod na lesson sa seminary. Maaari kang mag-follow up sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang karanasan sa klase.