Noong 1831, inatasan ng Panginoon ang ilang Banal na lumipat sa Jackson County, Missouri, upang itatag ang Sion. Habang kasama ni Propetang Joseph Smith ang mga Banal na ito, nakatanggap siya ng mga tagubilin mula sa Panginoon tungkol sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na igalang ang Panginoon sa pamamagitan ng pagpiling panatilihing banal ang araw ng Sabbath.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga desisyon tungkol sa araw ng Sabbath
Ibinahagi ni Elder Larry Y. Wilson ng Pitumpu ang sumusunod na karanasan:
10:17
Ang anak naming si Mary ay napakahusay na soccer player noong kabataan niya. May isang taon na nakapasok sa championship ang kanyang team, at, sa kasamaang-palad, ito ay gaganapin sa araw ng Linggo. Bilang tinedyer, maraming taon nang napag-aralan ni Mary na ang Linggo ay araw ng pahinga at pagpapalakas sa espirituwal, hindi paglilibang. Ngunit dama pa rin niya ang pamimilit ng kanyang mga coach at kapwa manlalaro, at ang kanyang hangarin na huwag biguin ang kanilang team. (Larry Y. Wilson, “Tanging Alinsunod Lamang sa mga Alituntunin ng Kabutihan,” Liahona, Mayo 2012, 104–5)
Bakit maaaring isipin ng ilang tao na mahalagang desisyon ito sa buhay ni Mary samantalang para sa ibang tao ay maaaring hindi?
Kung ikaw si Mary, ano sa palagay mo ang mahalagang isaalang-alang bago gawin ang desisyong ito?
Isipin sandali ang mga desisyong ginagawa mo tungkol sa araw ng Sabbath. Ano ang karaniwang ginagawa mo para magabayan ka sa iyong mga pagpili? Sa pag-aaral mo ngayon, maghangad ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo para matulungan kang malaman kung bakit dapat panatilihing banal ang araw ng Sabbath at kung paano mo magagawa iyon.
Ang mga kautusan at pagpapala ng Panginoon
Bagama’t humihina ang kanyang kalusugan sa edad na 55, nilisan ni Polly Knight ang kanyang tahanan sa Colesville, New York, na determinadong sundin ang Panginoon at magtungo sa Sion. Nakarating si Polly sa Sion (Jackson County, Missouri) at pumanaw siya makalipas ang ilang araw. Sa huling araw ng kanyang libing, sa araw ng Linggo, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 59. Sa paghahayag na ito, nagturo ang Panginoon ng mga katotohanan na makapagpapanatag sa pamilya ni Polly (tingnan sa talata 1–2). Binanggit din Niya ang Kanyang mga kautusan, na binigyang-diin ang araw ng Sabbath. Nangako ang Panginoon ng malalaking pagpapala sa mga taong pinananatiling banal ang araw ng Sabbath.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 59:9–20, at gumawa ng dalawang listahan, isang listahan para sa mga tagubilin na ibinigay ng Panginoon para sa ating mga kilos at pag-uugali sa araw ng Sabbath at isa pang listahan para sa mga pagpapalang ibinibigay Niya sa atin.
Anong mga katotohanan ang matutukoy natin mula sa mga talatang ito tungkol sa layunin ng Sabbath?
Paano makatutulong sa buhay mo ang pagkakaroon ng araw para pagtuunan ang iyong pagmamahal at katapatan sa Diyos?
Paggalang sa Panginoon sa Sabbath
Sa mga interbyu para sa temple recommend, itatanong sa iyo:
“Sinisikap mo bang panatilihing banal ang araw ng Sabbath, kapwa sa tahanan at sa simbahan; dumadalo sa iyong mga miting; naghahanda para sa [sakramento] at marapat na tumatanggap ng sakramento; at namumuhay nang naaayon sa mga batas at kautusan ng ebanghelyo?”
Para matulungan kang pag-isipan kung paano mo masusunod ang utos na panatilihing banal ang araw ng Sabbath, magsulat ng mga ideya sa iyong study journal kung paano mo maigagalang ang Panginoon sa pamamagitan ng pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath.
Basahin ang mga sumusunod na banal na kasulatan para matuklasan ang ginawa ni Jesucristo sa Sabbath:
Ano ang nakatulong sa iyo para magpakita ng katapatan sa Diyos sa Sabbath? Ano ang nagawang kaibhan ng mga pag-uugaling ito para sa iyo?
Gumawa ng plano
Gumawa ng plano sa iyong study journal kung paano mo sisikaping igalang ang Tagapagligtas sa araw ng Sabbath. Maaari kang tumukoy ng mga ideya kung ano ang sisimulan mong gawin, patuloy na gagawin, o ititigil gawin, sa tahanan man o sa simbahan.