Seminary
Lesson 77—Doktrina at mga Tipan 64:1–17: “Kinakailangang Magpatawad”


“Lesson 77—Doktrina at mga Tipan 64:1–17: ‘Kinakailangang Magpatawad,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 64:1–17,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 77: Doktrina at mga Tipan 64–66

Doktrina at mga Tipan 64:1–17

“Kinakailangang Magpatawad”

dalawang miyembro ng pamilya na nagyayakapan

Sa isang paglalakbay mula Missouri patungong Ohio, nakaranas si Joseph Smith at ang iba pa ng alitan at masamang damdamin sa isa’t isa. Sa Doktrina at mga Tipan 64, tinagubilinan sila ni Jesucristo tungkol sa pangangailangan nilang magpatawad. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na matularan ang halimbawa ni Jesucristo at maging mas mapagpatawad.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagninilay tungkol sa pagpapatawad

Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng isang kuwento tungkol sa pagpapatawad. O maaari mong ibahagi ang isang kuwento ng pagpapatawad tulad ng “Forgiveness: My Burden Was Made Light” (8:24), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Anyayahan ang mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal.

8:27
  • Itinuturing mo ba ang iyong sarili na isang taong mapagpatawad? Bakit oo o bakit hindi?

  • Sa palagay mo, bakit nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na patawarin mo ang iba?

  • Sino ang isang taong kailangan mong patawarin?

Sabihin sa mga estudyante na maghangad ng personal na paghahayag para malaman kung sino ang maaaring kailangan nilang patawarin at ano ang magagawa nila para magpatawad.

Si Jesucristo ay mapagpatawad

Maaari mong ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na konteksto para sa Doktrina at mga Tipan 64.

Noong Agosto 1831, matapos ilaan ang Sion sa Missouri, sina Joseph Smith, Oliver Cowdery, Isaac Morley, Ezra Booth, at ang iba pa ay umuwi sa Ohio. Ang matinding init, mapanganib na mga kalagayan sa paglalakbay, at hindi pagkakasundo sa pamumuno ay humantong sa pamumuna at pag-aaway ng grupo sa isa’t isa. Nang makauwi na sila, nanatili pa rin ang tensyon sa pagitan nila (tingnan sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 152–53, 156–57). Bilang tugon sa kanilang karanasan, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 64.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 64:1–7, at alamin kung paano tumugon si Jesucristo sa mga nagkasala.

ang Tagapagligtas

Isiping magpakita ng isang larawan ng Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong. Pagkatapos, sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase o sa isang kapartner ang kanilang mga naisip.

  • Anong mga katangian ni Jesucristo ang nakita mo sa mga talatang ito?

  • Alin sa mga katangiang ito ang lubos mong pinasasalamatan? Bakit?

Kinakailangan nating magpatawad

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 64:9–11, at alamin kung paano tayo inaanyayahan ni Jesucristo na tularan ang Kanyang halimbawa.

icon ng doctrinal masteryAng Doktrina at mga Tipan 64:9–11 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan para madali nilang mahanap ang mga ito.

  • Ano ang pinakanapansin mo tungkol sa itinuro ng Tagapagligtas kay Joseph at sa iba?

    Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanan na iniuutos sa atin ni Jesucristo na patawarin ang lahat ng tao. Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na isulat ito sa kanilang mga banal na kasulatan.

    Maglaan ng sapat na oras para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang talata 9–11. Maaaring makatulong ang ilan sa mga sumusunod na tanong.

  • Sa iyong palagay, bakit iniuutos sa atin ni Jesucristo na patawarin ang lahat?

  • Sa iyong palagay, bakit tayo may “mas malaking kasalanan” (talata 9) kapag pinili nating hindi patawarin ang iba?

  • Sa iyong palagay, paano makatutulong sa atin ang pagsasabi sa ating mga puso na “ang Diyos ang hahatol sa akin at sa iyo” (talata 11) para mapatawad natin ang iba?

  • Anong mga katangiang tulad ng kay Cristo ang makatutulong sa iyo na umunlad?

Pagkatuto kung paano patawarin ang iba

Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong o magbahagi ng mga hamong nauugnay sa pagpapatawad. Maaaring sagutin ng mga estudyante ang mga sumusunod na tanong sa pisara, sa pamamagitan ng anonymous polling feature, o sa mga piraso ng papel na maibabahagi sa klase.

  • Ano ang maaaring mga tanong ng mga tao kapag ninanais nilang patawarin ang iba?

  • Anong mga hamon ang maaaring maranasan ng mga tao habang sinusubukan nilang tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas na magpatawad?

Maaaring magtanong ang mga estudyante ng tulad ng “Paano ako matutulungan ng Tagapagligtas na patawarin ang iba?” o “Ang ibig bang sabihin ng pagpapatawad sa iba ay kailangan kong masaktan muli?”

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang tanong bilang klase o nang mag-isa. Pagkatapos ay ipasaliksik sa kanila ang sources na itinalaga ng Diyos para sa mga sagot.

Maaaring makahanap ang mga estudyante ng mga sagot sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa mga salitang tulad ng “Jesus,” “pagpapatawad,” “Tagapagligtas,” at “awa” sa Gospel Library app o sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Maaari ka ring magbigay ng mga banal na kasulatan, tulad ng Mateo 5:7; 18:21–35; at Mosias 26:30–31, at ang mga pahayag ng mga propeta na nakalista sa ibaba.

Itinuro ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano tayo matutulungan ni Jesucristo na patawarin ang iba:

13:21
Elder Gerrit W. Gong

Kung minsan ang kahandaan nating patawarin ang isang tao ang daan para kapwa sila at tayo ay maniwala na maaari tayong magsisi at mapatawad. Kung minsan ang kahandaang magsisi at ang kakayahang magpatawad ay hindi sabay na dumarating. Ang ating Tagapagligtas ang ating Tagapamagitan sa Diyos, pero tinutulungan din Niya tayong maabot ang walang-hanggan nating tadhana at pinatatatag ang ating ugnayan sa iba habang lumalapit tayo sa Kanya. Lalo na kapag matindi ang sakit, ang pag-aayos sa ating mga relasyon at pagpapagaling ng ating puso ay mahirap at marahil imposibleng gawin kung tayo lang ang gagawa. Pero mabibigyan tayo ng langit ng lakas at karunungan na higit sa kaya natin para malaman kung kailan magtitiis at paano pakakawalan ang isang bagay. (Gerrit W. Gong, “Maligaya Magpakailanman,” Liahona, Nob. 2022, 85)

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

2:3
Elder Jeffrey R. Holland

“[Magpatawad, at kayo’y patatawarin]” [Lucas 6:37], pagtuturo ni Cristo sa Sermon sa Bundok. At sa ating panahon: “Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao” [Doktrina at mga Tipan 64:10]. Gayunman, mahalaga para sa sinuman sa inyo na tunay na nagdadalamhati na pansinin ang hindi Niya sinabi. Hindi Niya sinabing, “Hindi ka puwedeng makadama ng totoong sakit o kalungkutan sa masasakit na karanasan mo sa kamay ng iba.” Hindi rin Niya sinabing, “Para magpatawad nang lubusan kailangan mong magpatuloy sa di-kanais-nais na relasyon o bumalik sa mapang-abuso, at mapaminsalang kalagayan.” Ngunit kahit sa kabila ng pinakamabibigat na pagkakasalang maaaring mangyari sa atin, mapaglalabanan lamang natin ang sakit kapag tinahak natin ang landas tungo sa tunay na paggaling. Ang landas na iyan ay ang maging mapagpatawad na tulad ni Jesus ng Nazaret, na nananawagan sa bawat isa sa atin, “Sumunod ka sa akin” [Lucas 18:22]. (Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo,” Liahona, Nob. 2018, 78–79)

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga sagot na nalaman nila o mga impresyong nadama nila tungkol sa pagpapatawad. Maaari din silang magbahagi ng mga halimbawa kung paano sila napagpala sa pagtulad sa halimbawa ng Tagapagligtas na patawarin ang iba. Paalalahanan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang karanasan o detalyeng napakapersonal.

  • Anong mga partikular na aksiyon ang magagawa natin na tutulong sa atin na patawarin ang iba?

Kabilang sa mga potensyal na sagot na maaaring ibahagi ng mga estudyante ang mga sumusunod:

  • Pag-aralan ang mga salaysay tungkol sa Tagapagligtas at sa iba pa na nagpapatawad

  • Pag-isipan kung paano maiiba ang ating buhay kung magpapatawad tayo

  • Mag-alay ng taimtim na panalangin kung saan ibinibigay natin ang ating pasanin sa Diyos at humihingi tayo ng tulong sa Kanya na patawarin ang iba

  • Kilalanin na sa pamamagitan ni Jesucristo, maaaring magbago ang ating puso sa paglipas ng panahon upang sa huli ay mapatawad natin ang iba

Personal na pagsasabuhay

Sa unang bahagi ng lesson, inanyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng isang taong kailangan nilang patawarin. Sabihin sa kanila na pagnilayan ang sitwasyong iyon at humingi ng inspirasyon habang sinasagot nila ang mga sumusunod na tanong.

Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong at isulat sa iyong study journal ang mga naiisip at nadarama mo.

  • Ano ang magagawa mo para makaasa sa Tagapagligtas upang makapagpatawad?

  • Anong mga pagsisikap ang gagawin mo para matularan ang halimbawa ni Jesucristo at maging mas mapagpatawad?

Isaulo

Maaari mong tulungan ang mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa lesson na ito at balikan ang mga ito sa mga susunod na lesson. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan ay “Kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao.” Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”