Lesson 79—Doktrina at mga Tipan 65: “Ihanda Ninyo ang Daan ng Panginoon … Upang ang Kaharian ng Langit ay Dumating”
“Lesson 79—Doktrina at mga Tipan 65: ‘Ihanda Ninyo ang Daan ng Panginoon … Upang ang Kaharian ng Langit ay Dumating,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 65,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
“Ihanda Ninyo ang Daan ng Panginoon … Upang ang Kaharian ng Langit ay Dumating”
Ang isang mahalagang responsibilidad ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng mga miyembro nito ay tumulong sa paghahanda sa mundo para sa pagbabalik ng Tagapagligtas. Sa Doktrina at mga Tipan 65, inihayag ng Panginoon ang mahalagang tungkuling ito sa Kanyang Propetang si Joseph Smith at sa mga Banal. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang papel na ginagampanan ng Simbahan sa paghahanda sa mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Paghahanda sa aktibidad
Ano ang isang aktibidad na nasisiyahan kang gawin na nangangailangan ng masusing paghahanda?
Kung tinutulungan mo ang isang tao na maghanda para sa aktibidad na ito, ano ang gusto mong malaman niya? Anong tulong o resources ang ibibigay mo sa kanya?
Tulad ng iyong aktibidad na kailangang paghandaan nang mabuti, may darating na mga pangyayari na kailangan nating paghandaan. Itinatag ng Panginoon ang Kanyang Simbahan upang tulungan tayong maghanda.
Para saan tayo inihahanda ng Kanyang Simbahan?
“Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon”
Noong Setyembre 12, 1831, lumipat si Joseph Smith at ang kanyang pamilya nang 30 milya sa timog-silangan ng Kirtland, Ohio, papunta sa tahanan nina John at Alice Johnson sa Hiram, Ohio. Isang service sa simbahan ang ginanap sa tahanan ng mga Johnson sa araw ng Linggo, Oktubre 30, 1831. Sa araw ding iyon, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 65.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 65:2, at alamin ang ibinigay sa atin ng Tagapagligtas para tulungan tayong maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.
Sa anong mga salita o parirala ka may mga tanong?
Paano mo ibubuod ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito bilang pahayag ng katotohanan?
Ipinahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang katangi-tanging binigyang-kapangyarihan at inatasan na gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon; tunay ngang ito ay ipinanumbalik para sa layuning iyon. … Ang Simbahan ni Jesucristo ay inatasang maghanda—at inihahanda nito—ang mundo para sa araw na iyon. (D. Todd Christofferson, “Paghahanda para sa Pagbabalik ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2019, 82, 84)
Ano ang naiisip o nadarama mo tungkol sa pahayag na ito?
Paano naihahanda ng Simbahan ang mundo sa natatanging paraan para sa pagbabalik ng Tagapagligtas?
Anong mga paghahanda ang sa palagay mo ay kailangan para sa araw na iyon?
“Manawagan sa Panginoon, upang ang Kanyang kaharian ay lumaganap”
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 65:4–6, at alamin ang itinuro ng Tagapagligtas na magagawa ng bawat isa sa atin para makatulong na maihanda ang mundo para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.
Ano ang natuklasan mo?
Ano ang ilan sa “mga kamangha-manghang gawa” ng Tagapagligtas na naisasakatuparan sa pamamagitan ng Kanyang Simbahan? (Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 1.2, 1.3, ChurchofJesusChrist.org.)
Paano nakatutulong ang mga gawaing ito na ihanda tayo at ang iba para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang isang bagay na magagawa natin ay “manawagan sa Panginoon, upang ang kanyang kaharian ay lumaganap sa mundo” (Doktrina at mga Tipan 65:5).
Ang … paanyaya ko ay na ipagdasal ninyo araw-araw na matanggap ng lahat ng mga anak ng Diyos ang mga biyaya ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ikaw at ako ay nabubuhay upang makita, at patuloy na makikita, ang Israel na natipon nang may pambihirang kapangyarihan. At maaari kang maging bahagi ng lakas sa likod ng pagtitipon na iyon! (Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], ChurchofJesusChrist.org)