“Ginagawang Mas Available ang mga Ordenansa sa Templo,” Liahona, Set. 2022.
Ginagawang Mas Available ang mga Ordenansa sa Templo
Sa buong kasaysayan, gumawa ang Panginoon ng mahahalagang ordenansa na makukuha sa Kanyang mga banal na templo. Sa pamamagitan ng mga ordenansang ito ng priesthood at ng kaugnay na mga tipan, ibinubuklod Niya tayo sa Kanya at ginagawang posible ang kadakilaan.
Tumanggap si Propetang Joseph Smith ng paghahayag na sumasalamin sa kahalagahan ng mga ordenansa sa templo kapwa para sa mga buhay at sa mga patay bago pa man opisyal na inorganisa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong 1830 (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 2).
Ang kahalagahan ng mga ordenansang ito noong mga unang araw ng Pagpapanumbalik ay binigyang-diin ng pagsisikap na magtayo ng mga templo kahit sa mahihirap na kalagayan. Simula noon, ang kahalagahan ng mga ito ay makikita habang itinatayo ang mga templo nang mas malapit sa mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo.
1831: Inihayag ng Panginoon sa mga Banal na isang templo ang itinalaga para sa Independence, Missouri (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 57:1–3). Noong 1838, isa pang templo sa Far West, Missouri, ang itinalaga rin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 115:7–16). Dahil sa kaguluhan, hindi itinayo ang mga templong ito noong panahong iyon. Hindi kasama ang mga ito sa kasalukuyang listahan ng mga ibinalitang templo at hindi nakaplano sa ngayon.
1836: Ang Kirtland Temple ay inilaan noong Marso 1836, anim na taon lamang matapos maorganisa ang ipinanumbalik na Simbahan noong 1830. Nagbago ang pagmamay-ari matapos umalis ang karamihan sa mga miyembro sa Kirtland noong 1838, at ang gusali ay hindi na kasama sa bilang ng mga inilaang templo.
1846: Ang Nauvoo Temple ay orihinal na inilaan noong Mayo 1846. Natupok ng apoy ang malaking bahagi nito noong 1848. Ang Nauvoo Illinois Temple ay muling itinayo sa orihinal na lugar nito at inilaan noong 2002.
1847: Ibinalita ni Brigham Young ang ngayon ay Salt Lake Temple apat na araw lamang matapos makarating sa lambak. Aabutin ng hanggang 1893 para mailaan ang templo.
1855: Sa pagitan ng pag-iwan sa Nauvoo Temple noong 1846 at ng paglalaan ng St. George Utah Temple noong 1877, walang inilaang templo. Maaaring matanggap ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang mga ordenansa sa templo sa Endowment House hanggang sa gibain ito noong 1889.
1945: Ang Mesa Arizona Temple ay naglaan ng mga ordenansa sa wikang Espanyol, ang unang templo kung saan ang mga ordenansa ay itinanghal sa ibang wika bukod sa Ingles.
1978: Sa paglalaan ng São Paulo Brazil Temple noong 1978, 17 templo ang gumagana noon.
1985: Sa panahon ng paglilingkod ni Pangulong Spencer W. Kimball bilang Pangulo ng Simbahan mula 1973 hanggang 1985, 31 templo ang ibinalitang itatayo.
1997: Ibinalita ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang mga disenyo para sa mas maliliit na templo. Noong 1998, ibinalita niya ang kanyang hangarin na umabot sa kabuuang 100 templo ang gumagana sa taong 2000.
2000: Inilaan ni Pangulong Hinckley ang apat na templo sa loob ng isang linggo (Hunyo 11–18): ang Fukuoka Japan Temple, Adelaide Australia Temple, Melbourne Australia Temple, at Suva Fiji Temple.
2008: Sa panahon ng paglilingkod ni Pangulong Hinckley bilang Pangulo ng Simbahan mula 1995 hanggang 2008, 78 mga templo ang ibinalitang itatayo.
2018: Sa panahon ng paglilingkod ni Pangulong Thomas S. Monson bilang Pangulo ng Simbahan mula 2008 hanggang 2018, 45 mga templo ang ibinalitang itatayo.
2021: Sa unang apat na taon ng paglilingkod ni Pangulong Russell M. Nelson bilang Pangulo ng Simbahan mula 2018 hanggang sa katapusan ng 2021, 83 mga templo ang ibinalitang itatayo.
2022: Pagsapit ng Enero 1, 2022, 265 mga templo ang ibinalitang itatayo, kasalukuyang itinatayo, o inilaan.