“Kung Saan Nagkakatotoo ang mga Pangarap,” Liahona, Hulyo 2022.
Digital Lamang: Mga Larawan ng Pananampalataya
Kung Saan Nagkakatotoo ang mga Pangarap
Nagbanta ang tatay ko na palalayasin ako sa bahay kapag sumapi ako sa Simbahan, pero matapos akong mabinyagan, ang tanging nakita ko ay malalaking pagpapala sa buhay ko.
Sa kung anong dahilan, ipinasiya ng isang mabait na batang babae sa klase ko sa ika-10 grado sa high school na bigyan ako ng isang kopya ng Aklat ni Mormon sa wikang Ingles. Hindi ko alam kung ano iyon. Binigyan ako ng tatay ko ng isang aklat ng pinaikling mga kuwento sa Biblia sa wikang Hindi noong bata pa ako. Kaya, nang subukan kong basahin ang ilang pahina sa Aklat ni Mormon at nakita ko ang pangalang Jesucristo, naisip ko, “Kamukha ito ng Biblia.”
Itinago ko ang aklat, pero hindi ko na iyon binalikan. Hindi ako makapagsalita ng Ingles, bagama’t pinag-aralan ko iyon sa high school. Halos kasabay niyon, nagsimula kami ng kaibigan kong nagbigay sa akin ng Aklat ni Mormon na maghanda para sa mga eksamen. Mahusay ako sa lahat ng academic subject ko maliban sa isa.
“Talagang nag-aalala ako sa mga eksamen ko sa English,” sabi ko sa kaibigan ko. “Baka bumagsak ako.”
Sagot niya, “Mayroon akong ilang kaibigan na makakatulong sa iyo na matuto ng English.”
Ang mga kaibigang iyon ay mga missionary mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Hindi nagtagal ay nagsimula silang pumunta sa bahay ko at tinuruan ako ng English grammar. Pagkaraan ng ilang linggo, sinimulan nilang ituro sa akin ang ebanghelyo.
Habang sinisiyasat ko ang Simbahan, itinuro sa akin ng mga missionary ang tungkol sa mga bunga ng Espiritu (tingnan sa Galacia 5:22–23) at ipinaunawa sa akin kung paano nangungusap sa atin ang Espiritu. Sinabi rin nila sa akin na itanong sa Ama sa Langit kung totoo ang kanilang mensahe. Habang nagdarasal ako, hindi ako umasa na makatanggap ng sagot na tulad ng natanggap ni Joseph Smith, pero gusto kong dumating ang sagot sa isang paraan na alam kong tama ang pasiyang ginawa ko.
Dumating ang sagot na iyon isang hatinggabi sa isang paraan na hindi ko maikakaila. Isang sagot iyon na puno ng liwanag at kapayapaan. Nadama ko na sumigla ako at isinilang na muli. Pakiramdam ko ay gusto kong maging pinakamabait na tao sa mundo. Alam ng Diyos kung paano ako sasagutin, at alam ko kung ano ang gagawin pagkatapos niyon. Sa katunayan, natakot ako sa mangyayari kung hindi ako mabibinyagan.
Nang magsabi ako sa mga magulang ko, tutol doon ang tatay ko—hindi dahil sa hindi siya mabait na tao kundi dahil sa pressure ng kultura. Hindi siya sigurado kung paano tatanggapin ng aming komunidad ang pagpapabinyag ko.
“Kung magpapabinyag ka, palalayasin kita sa bahay,” sabi niya sa akin.
Lumuluhang sinabi ko sa nanay ko, “Gusto ko po talagang magpabinyag, pero ito ang sinasabi ni Itay.”
Sagot niya, “Sumige ka. Tingnan natin kung ano ang mangyayari.”
Humayo ako at nabinyagan. Pagkatapos niyon, hindi na ako lumingon kailanman. Ang tanging nakita ko ay malalaking pagpapala sa buhay ko.
Hindi ako pinalayas ng tatay ko, pero sa loob ng isa o dalawang taon, naging mahirap ang buhay ko sa bahay namin. Kapag may nangyaring mahirap sa aming pamilya, inakala ng ilan sa aming mga kamag-anak at kapamilya na dahil iyon sa nagtaksil ako sa mga diyos sa pagpiling tanggapin ang ebanghelyo. Pero nang makita ng mga magulang ko ang mga positibong pagbabago sa akin, nagbago ang mga bagay-bagay sa bahay. Dalawang taon matapos akong sumapi sa Simbahan, bininyagan ko ang dalawang nakababata kong kapatid na babae. Kalaunan, nabinyagan ang isa ko pang kapatid na babae.
Isang Pangakong Natupad
Nang itinuro sa akin ng mga missionary ang ebanghelyo, nangako sa akin ang kaibigang nagbigay sa akin ng Aklat ni Mormon na kung babasahin ko ito nang buo sa Ingles, matututo akong magsalita ng Ingles. Seryoso kong tinanggap ang pangakong iyon, kaya nagsimula akong magbasa, kahit wala akong gaanong naunawaan noong una. Binasa at pinag-aralan ko ang Aklat ni Mormon araw-araw at gabi-gabi. Itinago ko pa ito sa ilalim ng unan ko para kung magising ako sa gabi, puwede akong magbasang muli.
Sa loob ng isang taon, nakapagsalita ako nang maayos sa Ingles na naging sapat para makapagtrabaho sa isang English-speaking call center. Matapos mag-ipon ng pera, tinawag ako sa India Bangalore Mission.
Noong nasa misyon ako, talagang nag-alala ako na hindi magkakasama ang pamilya ko sa Simbahan. Isang araw nabasa ko ang talatang ito: “Masdan, ikaw ay dumanas na ng maraming pagdurusa dahil sa iyong mag-anak; gayunman, pagpapalain kita at ang iyong mag-anak, oo, … at darating ang araw na sila ay maniniwala at malalaman ang katotohanan at makikiisa sa iyo sa aking simbahan” (Doktrina at mga Tipan 31:2).
Nadama ko nang napakalakas ang Espiritu kaya alam kong nangungusap ang talatang ito sa akin. Inabot ng 14 na taon bago nagkatotoo ang pangakong iyon sa pamilya ko. Pero tatlong taon na ang nakararaan, bininyagan ko pareho ang mga magulang ko. Ngayo’y miyembro na kaming lahat ng Simbahan maliban sa isa sa mga kapatid kong lalaki.
Madalas kong sabihin ito: “Ang Simbahan ay isang lugar kung saan nagkakatotoo ang mga pangarap.” Dahil sa Simbahan, nasa akin na ang mga bagay na pinakahahangad ko. Natuto akong magsalita ng Ingles. Naglingkod ako sa isang misyon na puno ng mga himala. Pagkatapos ng misyon ko, nakilala ko si Radhika, na siya ko ngayong magandang asawa, at nabuklod kami sa Bern Switzerland Temple. Mayroon kaming apat-na-taong-gulang na anak na lalaki. Kasama ko ang pamilya ko sa Simbahan. Lahat ng magagandang pangarap ko ay nagkatotoo.